Paggamit ng Kosmetik Noong Panahon ng Bibliya
Pagkatapos maligo, ang isang babae ay magpapahid ng mabangong langis sa kaniyang katawan. Bubuksan niya ang isang makulay na kahong naglalaman ng isang koleksiyon ng maliliit na sisidlang yari sa kristal, ivory, kabibi, o bato. Laman ng mga iyon ang iba’t ibang langis at pabango na amoy cardamom, balsamo, kanela, olibano, pulot-pukyutan, mira, at mga katulad nito.
Mula sa kahon, ang babae ay kukuha ng ilang plato, mangkok, at kutsara na may magagandang hugis. Gamit ang mga ito, titimplahin niya ang kaniyang napiling mga kosmetik para sa araw na iyon. Habang nakatingin sa isang bronseng salamin, nagpapatuloy siya sa kaniyang pagpapaganda.
LUMILITAW na noon pa man, ang mga babae ay napakahilig nang magpaganda. Ang nakapintang larawan sa mga sinaunang libingan, alpresko, at moseyk ay nagpapahiwatig na usung-uso sa sinaunang Mesopotamia at Ehipto ang paggamit ng kosmetik. Hinahangaan ang mga larawan ng mga babaing Ehipsiyo dahil sa kanilang hugis-almond na mga mata na may makapal na makeup.
Kumusta naman ang mga Israelita? Gumagamit din ba sila ng kosmetik? At kung oo, anong uri kaya iyon? Sa sinaunang Israel, walang mga alpresko o nakapintang mga larawan sa libingan. Pero mula sa ilang ulat ng Bibliya at sa sari-saring bagay na nahukay sa mga lupaing binanggit sa Bibliya, magkakaideya tayo tungkol sa paggamit ng kosmetik noong panahon ng Bibliya.
Mga Gamit
Sa Israel, napakaraming nahukay na mga bagay na may kaugnayan sa paggamit ng kosmetik at pabango. Ang ilan ay mga batong mangkok o paleta para sa pagdurog at paghahalo ng mga sangkap sa kosmetik, bote ng pabango na korteng karot, alabastrong lalagyan ng pamahid, at mga bronseng salamin. Ang isang kutsarang gawa sa ivory ay may nakaukit na mga dahon ng palma sa isang bahagi ng hawakan nito at sa kabila naman ay ulo ng babae na napalilibutan ng mga kalapati.
Ang mga sisidlang kabibi na may dekorasyon ay popular sa mayayaman. Sa Ehipto at Canaan, may nahukay ring maliliit na kutsarang pangkosmetik na gawa sa ivory o kahoy, at ang ilan dito ay inukit na parang babaing lumalangoy at may iba’t iba pang masasalimuot na disenyo. Ang lahat ng iyan ay katibayan na gumagamit noon ng kosmetik ang mga babae.
Para sa Mata
Sa Bibliya, ang isa sa mga anak na babae ni Job ay pinanganlang “Keren-hapuc.” Sa Hebreo, ang pangalang ito ay posibleng mangahulugang “Sungay ng Itim na Pinta (sa Mata),” samakatuwid nga, sisidlan o kahon ng kolorete, marahil ay kohl, o kolorete para sa mata. (Job 42:14) Ang pangalang iyan ay maaaring tumutukoy sa kaniyang kagandahan, pero waring nagpapahiwatig din ito na pamilyar na ang mga babae noon sa paggamit ng kosmetik.
2 Hari 9:30; Jeremias 4:30; Ezekiel 23:40) Dahil sa dami ng nahukay na kristal o batong sisidlan na may maliliit na pangguhit ng kohl sa mata, maliwanag na maraming babae sa apostatang Israel—partikular na yaong mga maharlika at mayayaman—ang naglalagay ng makakapal na guhit sa mata at iba pang uri ng kosmetik.
Kapansin-pansin, ang pagtukoy ng Bibliya sa pagpipinta ng mata ay laging may kaugnayan sa masasamang babaing gaya ni Reyna Jezebel at sa taksil na Jerusalem, na inilarawan ng mga propetang sina Jeremias at Ezekiel bilang patutot (o, prostitute). (Mabangong Langis Para sa Sagrado o Pang-araw-araw na Gamit
Ang paggawa at paggamit ng mga pabango mula sa langis ng olibo ay bahagi na ng kasaysayan ng sinaunang Israel. Sa aklat ng Bibliya na Exodo, binanggit kung paano ginagawa ang sagradong mabangong langis na ginagamit ng mga saserdote sa kanilang paglilingkod sa templo. Iyon ay pinaghalu-halong kanela, mira, at iba pang mababangong halaman. (Exodo 30:22-25) Sa Jerusalem, ang mga arkeologo ay nakasumpong ng inaakala nilang isang unang-siglo C.E. na pagawaan ng pabango at insenso na ginagamit sa templo. Maraming binanggit sa Bibliya tungkol sa mabangong langis na ginagamit sa sagradong paglilingkod at sa pang-araw-araw na buhay.—2 Cronica 16:14; Lucas 7:37-46; 23:56.
Kakaunti lang ang suplay ng tubig sa bahaging iyon ng mundo, kaya nakatutulong sa kalinisan ng katawan ang mababangong langis. Ang langis ay ginagamit hindi lang bilang proteksiyon sa balat kapag mainit at tuyo ang klima, kundi bilang pampaganda rin. (Ruth 3:3; 2 Samuel 12:20) Ang Judiong si Esther, bago iharap kay Haring Ahasuero, ay 12 buwan munang “ipina-spa”—6 na buwang minasahe gamit ang langis ng mira at 6 na buwan pa ulit gamit naman ang langis ng balsamo.—Esther 2:12.
Ang mga pabango o mababangong langis ay napakahalaga ring gaya ng pilak at ginto. Nang maglakbay nang malayo ang reyna ng Sheba para dalawin si Haring Solomon, nagdala siya ng mga regalo gaya ng ginto, mahahalagang bato, at langis ng balsamo. (1 Hari 10:2, 10) Nang ipakita ni Haring Hezekias sa mga sugo ng Babilonya ang kayamanan sa kaniyang bahay, “ang langis ng balsamo at ang mainam na langis” ay nakadispley kasama ng pilak, ginto, at ng kaniyang buong taguan ng mga armas.—Isaias 39:1, 2.
Kakaunting pabango lang o langis ang nakukuha sa iba’t ibang bulaklak, prutas, dahon, dagta, o balat ng kahoy. Binabanggit sa Bibliya ang ilang mababangong halaman, gaya ng aloe, balsamo, sahing ng bedelio, kalamo, kasia, kanela, olibano, mira, safron, at nardo. Ang ilan sa mga iyan ay sa Libis ng Jordan lang tumutubo. Ang iba naman ay inaangkat pa sa pamamagitan ng kilalang mga ruta sa pangangalakal ng insenso mul sa India, Timog Arabia, at iba pang lugar.
Ang Misteryosong Langis ng Balsamo
Ang langis ng balsamo ay binanggit sa mga ulat ng Bibliya tungkol kay Reyna Esther, sa reyna ng Sheba, at kay Haring Hezekias, gaya ng nabanggit na. Noong 1988, isang maliit na banga ng langis ang natagpuan sa isang kuweba malapit sa Qumran, sa kanlurang baybayin ng Dagat na Patay. Maraming bumangong espekulasyon. Ito na ba ang huling natitirang sampol ng bantog na langis ng balsamo? Walang tiyak na sagot ang mga mananaliksik. Hanggang sa ngayon, sinisikap pa rin ng mga tagapagtanim na maibalik ang bantog na taniman ng balsamo.
Batay sa mga ebidensiya, lumilitaw na ang langis ng balsamo na binanggit sa Bibliya ay nakukuha sa mga lugar sa palibot ng En-gedi. Nakahukay roon ng mga hurno, banga, at iba’t ibang bagay na yari sa metal at buto, na mula pa noong ikaanim na siglo B.C.E. Ang mga iyon ay katulad ng mga gamit sa paggawa ng pabango sa ibang lugar. Naniniwala ang karamihan sa mga iskolar na ang mga halamang balsamo ay mula sa Arabia o Aprika. Ang mabangong amoy nito ay galing sa dagta. Dahil napakamahal ng langis ng balsamo, isinekreto ang paraan ng pagtatanim at produksiyon nito.
Ang balsamo ay ginagamit pa ngang panregalo para sa personal na interes sa pulitika. Halimbawa, ayon sa istoryador na si Josephus, isang buong taniman ng balsamo ang iniregalo ni Mark Antony kay Reyna Cleopatra ng Ehipto. Binanggit naman ng Romanong istoryador na si Pliny na sa digmaan noong unang siglo C.E., tinangka ng mga mandirigmang Judio na sirain ang lahat ng pananim na balsamo para hindi mapakinabangan ng mga Romano.
Sa tulong ng Bibliya at ng arkeolohiya, nagkaroon tayo ng ideya kung paano ginagamit ang kosmetik noong panahon ng Bibliya. Sa halip na hatulan ang paggamit ng kosmetik at iba pang kagayakan, idiniriin ng Bibliya na ang mga ito ay dapat gamitin nang may kahinhinan at katinuan ng pag-iisip. (1 Timoteo 2:9) Binanggit ni apostol Pedro na ang “tahimik at mahinahong espiritu” ang ‘mahalaga sa paningin ng Diyos.’ Dahil sa pabagu-bagong mga istilo at moda, tiyak na isang mainam na payo iyan para sa mga babaing Kristiyano, bata man o matanda.—1 Pedro 3:3, 4.