Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagsasama-sama ng Pamilya

Pagsasama-sama ng Pamilya

“Narito! Anong buti at anong kaiga-igaya na ang magkakapatid ay manahanang magkakasama sa pagkakaisa!”​—AWIT 133:1.

Kung bakit nagdiriwang ng Pasko ang ilan.

Yamang lahat ng Israelita ay inapo ng isang tao, si Jacob, o Israel, sila ay “magkakapatid,” mga miyembro ng isang pamilya. Kapag nagtitipon sila para sa mga kapistahan sa Jerusalem, iyon ay ‘mabuti’ at “kaiga-igaya.” Gaya nila, nasasabik din ang maraming pamilya sa ngayon na magsama-sama at magkaroon ng ‘mabuti’ at ‘kaiga-igayang’ panahon tuwing Pasko.

Bakit ito isang hamon?

Ganito ang sinasabi sa Encyclopedia of Christmas and New Year’s Celebrations: “Ang maliliit na isyung bumabangon sa gitna ng pamilya sa loob ng isang taon ay maaaring maging malalaking problema kapag nagkakasama-sama sila sa ganitong mga okasyon.”

Anong mga simulain sa Bibliya ang makatutulong?

“Patuloy na magbayad ng kaukulang kagantihan sa [inyong] mga magulang at mga lolo’t lola.” (1 Timoteo 5:4) Hangga’t maaari, regular na dumalaw sa iyong mga kapamilya. Malayo man ang iyong mga kamag-anak, puwede mo pa rin silang makausap. Bakit hindi mo sila sulatan, tawagan sa telepono, padalhan ng e-mail, o kausapin online? Kapag regular kayong nag-uusap, naiiwasan ang mga di-pagkakaunawaan.

“Nasisikipan kayo sa inyong sariling magiliw na pagmamahal. . . . Magpalawak.” (2 Corinto 6:12, 13) Kapag minsan lang sa isang taon nagkikita-kita ang magkakamag-anak, nagiging parang hindi na sila magkakakilala​—lalo na ang mga bata. Ang ilang bata ay naaasiwang makihalubilo sa kanilang mga lolo’t lola o malalayong kamag-anak. Kaya himukin ang iyong mga anak na “magpalawak” ng pagmamahal, maging sa mga may-edad nang kamag-anak. a Kapag ang mga bata ay regular na nakikihalubilo sa mga may-edad, nagkakaroon sila ng higit na empatiya at pagpapahalaga sa mga nakatatanda sa kanila.

“Ang salita sa tamang panahon, O anong buti!” (Kawikaan 15:23) Paano mo maiiwasang masira ng mga di-pagkakaunawaan o isyu ang relasyon ng inyong pamilya? Ang isang paraan ay ang pagpili ng “tamang panahon” para mapag-usapan ang mga dapat pag-usapan. Kapag regular na nag-uusap ang inyong pamilya, madali ninyong malalapitan ang isa’t isa para lutasin ang anumang problema at magkakaroon kayo ng ‘mabuti’ at ‘kaiga-igayang’ mga panahon ng pagsasama-sama.

a Tingnan ang mga artikulong “Bakit Dapat Kong Makilala ang Aking mga Lolo’t Lola?” at “Paano Ako Higit na Mapapalapít sa Aking mga Lolo’t Lola?” sa Abril 22 at Mayo 22, 2001 ng Gumising! na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.