Pagtulong sa Nangangailangan
“Siyang may mabait na mata ay pagpapalain, sapagkat nagbigay siya ng kaniyang pagkain sa maralita.”—KAWIKAAN 22:9.
Kung bakit nagdiriwang ng Pasko ang ilan.
Dahil tumulong si Jesus sa mahihirap, maysakit, at napipighati, gusto itong tularan ng ilan. Iniisip nilang ang pinakaangkop na panahon para gawin ito ay tuwing Pasko, kung kailan aktibong nanghihingi ng donasyon ang mga organisasyong pangkawanggawa.
Bakit ito isang hamon?
Sa ganitong mga panahon, maraming tao ang abala sa pamimilí, pag-iistima ng mga bisita, at pagdalaw sa mga kaibigan at kapamilya. Halos wala na silang panahon, lakas, o pera para personal na tumulong sa mahihirap at mga nangangailangan, kaya maaaring nagbibigay na lang sila ng mga donasyon.
Anong mga simulain sa Bibliya ang makatutulong?
“Huwag mong ipagkait ang mabuti doon sa mga kinauukulan, kapag nasa kapangyarihan ng iyong kamay na gawin ito.” (Kawikaan 3:27) Ang mahihirap, nagugutom, at napipighati ay hindi lang tuwing Kapaskuhan nagdurusa. Kung nakikita mong may nangangailangan ng tulong at “nasa kapangyarihan ng iyong kamay” na tumulong, bakit pa maghihintay ng okasyon bago mo ito gawin? Ang iyong pagiging mabait at maawain ay pagpapalain.
“Sa bawat unang araw ng sanlinggo ay magbukod ang bawat isa sa inyo sa kaniyang sariling bahay ng anumang maiipon ayon sa kaniyang kasaganaan.” (1 Corinto 16:2) Iyan ang ipinayo ni apostol Pablo sa mga Kristiyano noon na gustong tumulong sa mahihirap. Ikaw ba ay ‘makapagbubukod,’ o makapaglalaan, ng pera na regular mong maibibigay sa mga indibiduwal o sa isang organisasyon na mahusay humawak ng kanilang pondo? Kung gagawin mo ito, matitiyak mong nakatutulong ka sa mga nangangailangan ayon sa iyong kakayahan.
“Huwag ninyong kalilimutan ang paggawa ng mabuti at ang pagbabahagi ng mga bagay-bagay sa iba, sapagkat sa gayong mga hain ay lubos na nalulugod ang Diyos.” (Hebreo 13:16) Pansinin na bukod sa “pagbabahagi ng mga bagay-bagay sa iba,” hindi rin natin dapat kalimutan ang “paggawa ng mabuti,” o pagtulong sa iba. Halimbawa, sinasanay ng matatalinong magulang ang kanilang mga anak na tumulong sa mga may-edad sa pang-araw-araw nilang gawain; magbigay ng kard sa mga maysakit, dalawin sila, o tawagan sa telepono; at magmalasakit sa mga batang mahihirap o may kapansanan. Bilang resulta, ang mga anak ay natututong maging mabait at bukas-palad sa lahat ng panahon.
Sinasanay ng matatalinong magulang ang kanilang mga anak na tumulong sa mga may-edad, maysakit, at mga batang kapos-palad. Bilang resulta, ang mga anak ay natututong maging mabait at bukas-palad sa lahat ng panahon