Panahon ng Pagbibigayan
“May higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa sa pagtanggap.”—GAWA 20:35.
Kung bakit nagdiriwang ng Pasko ang ilan.
Gaya ng sinabi ni Jesus, ang pagbibigay ay nagpapaligaya kapuwa sa nagbibigay at sa tumatanggap. Dahil diyan, iniisip ng marami na ang pagbibigayan ng regalo ang isa sa pinakamahahalagang aspekto ng Pasko. Halimbawa, kahit may krisis sa ekonomiya noong nakaraang taon, lumabas sa isang surbey na ang bawat pamilya sa Ireland ay gagastos pa rin nang mahigit 500 euro (mga $660 U.S.) sa mga panregalo sa Pasko.
Bakit ito isang hamon?
Iniisip ng marami na ang pagbibigayan ng mga regalo kung Pasko ay nakaka-stress, sa halip na nakapagpapasaya. Bakit? Marami ang napipilitang mamilí ng mga regalong hindi naman kaya ng kanilang bulsa. At dahil ang lahat ay sabay-sabay na namímilí ng mga panregalo, marami ang naiinis sa dami ng tao at haba ng mga pila.
Anong mga simulain sa Bibliya ang makatutulong?
“Ugaliin ang pagbibigay,” ang sabi ni Jesus. a (Lucas 6:38) Walang binanggit si Jesus na isang partikular na panahon sa isang taon kung kailan dapat magregalo ang mga tao. Hinimok niya ang kaniyang mga tagasunod na ugaliin ang pagreregalo, anupat ginagawa itong bahagi ng kanilang buhay.
“Gawin ng bawat isa ang ayon sa ipinasiya niya sa kaniyang puso, hindi mabigat sa loob o sa ilalim ng pamimilit, sapagkat iniibig ng Diyos ang masayang nagbibigay.” (2 Corinto 9:7) Ang payong iyan ay nangangahulugang “hindi dapat magbigay ‘nang napipilitan,’ ” ang paliwanag ng isang komentaryo sa Bibliya. Ang isang “masayang nagbibigay” ay hindi nakadaramang obligado siyang magbigay ng isang partikular na bagay sa isang partikular na tao sa isang partikular na panahon—gaya ng madalas mangyari kung Pasko.
“Kung ang pagiging handa ay naroroon muna, ito ay lalo nang kaayaaya ayon sa taglay ng isang tao, hindi ayon sa hindi taglay ng isang tao.” (2 Corinto 8:12) Hindi hinihiling ng Diyos na mangutang ang mga Kristiyano para makabili ng mamahaling mga regalo. Sa halip, kung ang isang tao ay nagbibigay ‘ayon sa taglay niya,’ ang kaniyang regalo ay nagiging “lalo nang kaayaaya.” Ibang-iba nga ito sa kampanya ng mga advertiser na “buy now, pay later” kapag ganitong mga okasyon!
a Ang ilang salin ng Bibliya ay basta nagsabing “magbigay.” Pero sa orihinal na wikang Griego, ang anyong pandiwang iyan ay nagpapahiwatig ng patuluyang pagkilos. Para maipakita ang tunay na kahulugan ng salitang ginamit ni Jesus, isinalin iyan ng Bagong Sanlibutang Salin na “ugaliin ang pagbibigay.”