TULARAN ANG KANILANG PANANAMPALATAYA
“Siya, Bagaman Namatay Siya, ay Nagsasalita Pa”
PINAGMAMASDAN ni Abel ang kawan ng kaniyang mga tupa habang nanginginain ang mga ito sa gilid ng burol. Mula sa kinaroroonan niya, marahil ay tumingin siya sa kalayuan at natanaw ang isang malamlam na liwanag. Alam niyang iyon ang nagliliyab na tabak na patuloy na umiikot—ang harang sa pasukán ng hardin ng Eden. Doon nakatira dati ang mga magulang niya. Pero ngayon, wala nang puwedeng pumasok doon, kahit pa ang mga anak nila. Habang dumadampi kay Abel ang malamig na hangin ng dapit-hapon, tumingala siya sa langit at inisip ang kaniyang Maylalang. Maaayos pa kaya ang kaugnayan ng tao sa Diyos? Iyan ang tanging hangad ni Abel.
Sa ngayon, si Abel ay nagsasalita pa rin. Baka isipin mong imposible iyan. Halos 6,000 taon na kasing patay ang ikalawang anak na ito ni Adan. At tungkol sa mga patay, ganito ang itinuturo ng Bibliya: “Sila ay walang anumang kabatiran.” (Eclesiastes 9:5, 10) Isa pa, ang Bibliya ay walang anumang iniulat na pananalita ni Abel. Kaya paano masasabing nagsasalita siya ngayon?
Tungkol kay Abel, ipinasulat ng Diyos kay apostol Pablo: “Sa pamamagitan nito siya, bagaman namatay siya, ay nagsasalita pa.” (Hebreo 11:4) Sa pamamagitan ng ano nagsasalita si Abel? Sa pamamagitan ng pananampalataya. Si Abel ang unang taong nagtaglay ng napakagandang katangiang ito. At talagang nakapagpakita siya ng napakahusay na halimbawa ng pananampalataya. Kung tutularan natin ang pananampalataya ni Abel, masasabi nating naririnig natin siya habang nagsasalita siya sa atin ngayon.
Ano kaya ang matututuhan natin kay Abel at sa kaniyang pananampalataya kahit kaunti lang ang ulat ng Bibliya tungkol sa kaniya? Tingnan natin.
NABUHAY SA PASIMULA NG KASAYSAYAN NG TAO
Si Abel ay isinilang sa pasimula ng kasaysayan ng tao. Iniugnay siya ni Jesus sa “pagkakatatag ng sanlibutan.” (Lucas 11:50, 51) Maliwanag na ang tinutukoy rito ni Jesus ay ang sanlibutan ng mga tao na may pag-asang matubos mula sa kasalanan. Si Abel ang ikaapat na taong umiral, pero lumilitaw na siya ang unang taong nakita ng Diyos na nararapat tubusin. a Ibig sabihin, si Abel ay lumaking walang magandang halimbawang matutularan.
Nagsisimula pa lang ang kasaysayan ng tao, binalot na ito ng kalungkutan. Ang mga magulang ni Abel, sina Adan at Eva, ay malamang na larawan ng kagandahan at kalakasan. Pero gumawa sila ng napakalaking pagkakamali. Perpekto sila noong una at maaari sanang mabuhay magpakailanman. Pero nagrebelde sila sa Diyos na Jehova kaya pinalayas sila sa Paraiso nilang tahanan, ang hardin ng Eden. Dahil mas inuna nila ang kanilang pagnanasa kaysa sa anupamang bagay—kahit pa nga sa pangangailangan ng kanilang mga anak—naiwala nila ang pagiging perpekto at ang walang-hanggang buhay.—Genesis 2:15–3:24.
Sa labas ng hardin, hirap na hirap sina Adan at Eva. Pero nang isilang ang kanilang panganay, pinangalanan nila itong Cain, o “Isang Bagay na Iniluwal.” Sinabi ni Eva: “Ako ay nagluwal ng isang lalaki sa tulong ni Jehova.” Ipinahihiwatig ng kaniyang Genesis 3:15; 4:1) Inakala kaya ni Eva na siya ang babae sa hula at si Cain ang ipinangakong “binhi”?
sinabi na maaaring nasa isip niya ang pangako ni Jehova sa hardin, na may isang babaing magluluwal ng “binhi” na pupuksa sa napakasamang espiritu na umakay kina Adan at Eva na magkasala. (Kung oo, nagkamali siya. At kung iyan ang itinanim nilang mag-asawa sa isipan ni Cain, tinuruan lang nilang maging hambog ang kanilang anak. Muling nagkaanak si Eva, pero wala na siyang anumang sinambit na magagandang pananalita tungkol sa sanggol. Pinangalanan nila itong Abel, na maaaring mangahulugang “Singaw,” o “Kawalang-kabuluhan.” (Genesis 4:2) Ipinahihiwatig kaya ng pangalang ito na walang masyadong inaasahan sina Adan at Eva kay Abel kumpara kay Cain? Posible, pero hindi natin tiyak.
Anuman ang totoo, may matututuhan ang mga magulang sa ginawa nina Adan at Eva. Ano ang naituturo sa inyong mga anak ng inyong sinasabi at ginagawa? Natuturuan ba ninyo silang maging hambog, ambisyoso, at makasarili? O mahalin ang Diyos na Jehova at makipagkaibigan sa kaniya? Nakalulungkot, nabigo ang unang mga magulang sa kanilang responsibilidad. Pero may pag-asa ang kanilang mga supling.
PAANO NAGKAROON NG PANANAMPALATAYA SI ABEL?
Habang lumalaki sina Cain at Abel, malamang na sinanay sila ni Adan na magtrabaho para sa kanilang pamilya. Nagsaka si Cain, at nagpastol naman si Abel.
Pero may mas mahalagang nagawa si Abel. Sa paglipas ng panahon, nagkaroon siya ng pananampalataya—ang magandang katangiang binanggit ni apostol Pablo nang maglaon. Isipin ito. Walang tao noon na nagsilbing mabuting halimbawa kay Abel. Kaya paano siya nagkaroon ng matibay na pananampalataya sa Diyos na Jehova? Tingnan natin ang tatlong posibleng dahilan.
Mga nilalang ni Jehova.
Totoo, isinumpa ni Jehova ang lupa, kaya sumibol ang mga tinik at dawag na nakaapekto sa agrikultura. Pero ang lupa ay sagana pa ring naglaan ng pagkain kina Abel. At isa pa, hindi rin naman isinumpa ang mga hayop, gaya ng ibon at isda; o ang mga bundok, ilog, dagat, at lawa; o ang langit, ulap, araw, buwan, at bituin. Saanman tumingin si Abel, nakikita niya ang katibayan ng dakilang pag-ibig, karunungan, at kabutihan ng Diyos na Jehova, ang isa na lumalang sa lahat ng bagay. (Roma 1:20) Habang binubulay-bulay ni Abel ang mga bagay na ito, tumibay ang kaniyang pananampalataya.
Tiyak na lagi ring iniisip ni Abel si Jehova. Gunigunihin si Abel habang nagpapastol ng kaniyang mga tupa. Ang isang pastol ay lakad nang lakad. Inaakay niya ang kaniyang kawan sa mga burol, libis, at patawid sa mga ilog. Lagi siyang naghahanap ng pinakasariwang damo, pinakamainam na bukal ng tubig, at pinakaligtas na pahingahang-dako. Sa lahat ng nilalang ng Diyos, ang mga tupa ang talagang walang kalaban-laban, na para bang nilikha ang mga ito upang gabayan at protektahan ng tao. Nakita kaya ni Abel na kailangan din niya ng gabay, proteksiyon, at pangangalaga mula sa Isa na mas
matalino at mas makapangyarihan kaysa sa tao? Tiyak na kasama iyan sa mga panalangin ni Abel. At bilang resulta, lalong tumibay ang kaniyang pananampalataya.Nakita ni Abel sa mga nilalang ang isang matibay na dahilan para manampalataya sa maibiging Maylalang
Mga salita ni Jehova.
Malamang na ikinuwento nina Adan at Eva sa kanilang mga anak kung bakit sila pinalayas sa hardin ng Eden. Kaya maraming puwedeng bulay-bulayin si Abel.
Sinabi ni Jehova na ang lupa ay susumpain. Kitang-kita ni Abel ang mga tinik at dawag na katuparan ng sinabi ng Diyos. Inihula rin ni Jehova na mahihirapan si Eva sa pagdadalang-tao at panganganak. Nang isilang ang mga kapatid ni Abel, napatunayan niyang nagkatotoo rin ang hulang iyon ni Jehova. Patiuna ring nakita ni Jehova na makadarama si Eva ng sobrang paghahangad sa pagmamahal at atensiyon ng kaniyang asawa, at na pamumunuan, o dodominahan, siya ni Adan. Nasaksihan mismo ni Abel ang malungkot na katotohanang iyan. Sa lahat ng pagkakataong iyon, napatunayan ni Abel na talagang natutupad ang salita ni Jehova. Kaya may matitibay na dahilan si Abel para manampalataya sa pangako ng Diyos tungkol sa isang “binhi” na magtutuwid sa pagkakamaling nagsimula sa Eden.—Genesis 3:15-19.
Mga lingkod ni Jehova.
Si Abel ay walang naging mabuting huwaran mula sa kaniyang pamilya. Pero hindi lang naman mga tao ang matatalinong nilalang sa lupa noong panahong iyon. Nang palayasin sina Adan at Eva sa hardin, tiniyak ni Jehova na walang makapapasok sa Paraisong lupang iyon, kahit pa ang mga anak nila. Para mabantayan ang pasukán, naglagay roon si Jehova ng mga kerubin—mga anghel na may napakataas na ranggo—at ng nagliliyab na tabak na patuloy na umiikot.—Genesis 3:24.
Isipin mong bata pa lang si Abel ay nakikita na niya ang mga kerubing iyon na may katawang-tao. Tiyak na makikita sa hitsura nila na napakamakapangyarihan nila. At kamangha-mangha rin ang “tabak” na patuloy na nagliliyab at umiikot. Habang lumalaki si Abel, nakita kaya niyang nainip ang mga kerubing iyon at umalis sa kanilang puwesto? Hindi. Araw at gabing nanatili roon ang matatalino at makapangyarihang mga nilalang na iyon kahit pa lumipas ang mga taon at mga dekada. Kaya natutuhan ni Abel na may matuwid at tapat na mga lingkod ang Diyos na Jehova. Nasumpungan niya sa mga kerubing iyon ang katapatan at pagkamasunurin kay Jehova na hindi niya nakita sa kaniyang sariling pamilya. Tiyak na napatibay ng mga anghel na iyon ang pananampalataya ni Abel.
Sa pamamagitan ng pagbubulay-bulay sa mga nilalang ni Jehova, sa kaniyang mga salita, at sa halimbawa ng kaniyang mga lingkod, tiyak na napatibay nang husto ang pananampalataya ni Abel. Talaga ngang marami tayong matututuhan sa halimbawa niya! Lalo nang mapatitibay nito ang mga kabataan dahil puwede pala silang magkaroon ng tunay na pananampalataya sa Diyos na Jehova, anuman ang ginagawa ng kanilang mga kapamilya. Sa ngayon, marami tayong dahilan para magkaroon ng pananampalataya—mga kamangha-manghang nilalang, Bibliya, at halimbawa ng mga taong may pananampalataya.
ANG HAIN NI ABEL—KUNG BAKIT NAKAHIHIGIT
Gustong maipakita ni Abel kay Jehova ang kaniyang pananampalataya. Pero ano ang maibibigay ng isang hamak na tao sa Maylalang ng uniberso? Hindi kailangan ng Diyos ng anumang regalo o tulong mula sa mga tao. Sa paglipas ng panahon, naunawaan ni Abel ang isang napakahalagang katotohanan: Kung ihahandog niya kay Jehova ang pinakamabuti niyang maibibigay nang may tamang motibo, matutuwa na ang kaniyang Ama sa langit.
Kaya mula sa kaniyang kawan, kumuha si Abel ng mga tupang ihahandog. Pinili niya ang pinakamalulusog, ang mga panganay, at inihandog ang sa tingin niya ay pinakamaiinam na bahagi ng mga iyon. Sinikap din ni Cain na matamo ang pagpapala at pagsang-ayon ng Diyos, kaya naghanda siya ng ihahandog mula sa kaniyang mga pananim. Pero magkaiba ang kanilang motibo. At nakita ang kaibahang iyan nang iharap nila sa Diyos ang kanilang mga handog.
Malamang na parehong gumamit ng altar at apoy ang dalawang anak na ito ni Adan. Marahil ay naghandog sila malapit sa mga kerubin, ang tanging mga kinatawan ni Jehova sa lupa noong panahong Genesis 4:4) Hindi sinasabi sa ulat kung paano ipinakita ng Diyos ang kaniyang paglingap. Pero bakit si Abel ang nilingap niya?
iyon. At tumugon si Jehova! Mababasa natin: “Si Jehova ay nagpakita ng paglingap kay Abel at sa kaniyang handog.” (Dahil ba sa hain ni Abel? Buháy na nilalang ang inihandog niya at ibinuhos ang dugo ng mga ito na kumakatawan sa buhay. Alam kaya ni Abel kung gaano kahalaga ang gayong hain? Maraming siglo pagkamatay ni Abel, ginamit ng Diyos ang walang-kapintasang tupa para lumarawan sa hain ng Kaniyang sakdal na Anak, “ang Kordero ng Diyos,” na maghahandog ng walang-salang dugo nito. (Juan 1:29; Exodo 12:5-7) Pero malamang na walang ideya si Abel sa mga bagay na ito.
Isang bagay ang tiyak: Inihandog ni Abel ang pinakamabuting maibibigay niya. Nilingap ni Jehova, hindi lang ang handog, kundi ang mismong taong naghandog nito. Pag-ibig at tunay na pananampalataya kay Jehova ang nagpakilos kay Abel na maghandog.
Pero iba naman sa kaso ni Cain. Si Jehova ay “hindi nagpakita ng anumang paglingap kay Cain at sa kaniyang handog.” (Genesis 4:5) Wala namang problema sa handog ni Cain; ipinahintulot nga nang maglaon sa Kautusan ng Diyos ang paghahandog ng mga ani. (Levitico 6:14, 15) Pero sinasabi ng Bibliya tungkol kay Cain na “ang kaniyang sariling mga gawa ay balakyot.” (1 Juan 3:12) Gaya ng marami sa ngayon, malamang na inakala ni Cain na sapat na ang pakunwaring debosyon sa Diyos. Ang kawalan niya ng tunay na pananampalataya at pag-ibig kay Jehova ay hindi niya naitago sa sumunod niyang mga ginawa.
Nang makita ni Cain na hindi siya nilingap ni Jehova, sinikap ba niyang matuto mula sa halimbawa ni Abel? Hindi. Sa halip, nag-init siya sa galit sa kaniyang kapatid. Nakita ni Jehova ang laman ng puso ni Cain kaya mahinahong nangatuwiran si Jehova sa kaniya. Binabalaan ng Diyos si Cain na puwede siyang magkasala nang malubha kung hindi niya babaguhin ang laman ng kaniyang puso, at nangako si Jehova ng “pagkakataas” kung magbabago siya.—Genesis 4:6, 7.
Si Cain ay hindi nakinig sa Diyos. Sa halip, niyaya niya sa parang ang kaniyang nakababatang kapatid at doon ito sinaktan at saka pinatay. (Genesis 4:8) Kaya lumilitaw na si Abel ang unang biktima ng pag-uusig dahil sa relihiyon, ang unang martir. Patay na si Abel, pero hindi riyan nagtapos ang kuwento niya.
Ang dugo ni Abel ay sumigaw sa Diyos na Jehova para sa paghihiganti. Kaya tiniyak ng Diyos na mabibigyan siya ng katarungan—pinarusahan Niya ang napakasamang si Cain. (Genesis 4:9-12) Ang mas mahalaga, ang rekord ng pananampalataya ni Abel ay nagsasalita pa rin sa atin hanggang sa ngayon. Ang buhay ni Abel—marahil mga isang daang taon lang ang itinagal—ay maikli kumpara sa haba ng buhay ng mga tao noon. Pero hindi niya sinayang ang mga taon ng kaniyang buhay. Namatay man siya, alam niyang taglay niya ang pag-ibig at pagsang-ayon ng kaniyang Ama sa langit, si Jehova. (Hebreo 11:4) Kaya nakatitiyak tayong iniingatan siya ni Jehova sa Kaniyang walang-hanggang alaala, at naghihintay na buhayin siyang muli sa isang paraisong lupa. (Juan 5:28, 29) Naroon ka rin kaya para makita siya? Posible iyan kung makikinig ka sa sinasabi ni Abel at tutularan ang kaniyang pananampalataya.
a Ang pananalitang “pagkakatatag ng sanlibutan” ay maiuugnay sa pag-aanak, kaya may kinalaman ito sa unang mga supling ng tao. Bakit si Abel ang iniugnay ni Jesus sa “pagkakatatag ng sanlibutan,” at hindi ang panganay na si Cain? Makikita sa mga pasiya at ginawa ni Cain na nagrebelde siya sa Diyos na Jehova. Gaya ng mga magulang niya, lumilitaw na si Cain ay hindi rin nakahanay sa mga tutubusin at bubuhaying muli.