SUSI SA MALIGAYANG PAMILYA
Kapag May Kapansanan ang Iyong Anak
CARLO: * “May Down syndrome ang anak naming si Angelo. Dahil dito, nasasaid ang aming pisikal, mental, at emosyonal na lakas. Isipin mo ang lakas na kailangan sa pag-aalaga ng isang malusog na bata—isang daang beses nito ang kailangan namin. Kung minsan, apektado tuloy ang relasyon naming mag-asawa.”
MIA: “Kailangan ang tiyaga at mahabang pasensiya para ituro kay Angelo kahit mga simpleng bagay lang. Kapag pagod na pagod ako, madali akong mainis at maubusan ng pasensiya sa asawa kong si Carlo. Kung minsan, may mga bagay kaming hindi mapagkasunduan na nauuwi sa pagtatalo.”
Natatandaan mo pa ba nang isilang ang iyong anak? Tiyak na gustung-gusto mong makarga ito. Pero sa mga gaya nina Carlo at Mia, ang kagalakan nila ay nahahaluan ng pag-aalala kapag nalaman nilang may sakit o kapansanan ang kanilang anak.
May kapansanan ba ang iyong anak? Iniisip mo ba kung makakayanan mo ito? Huwag kang mawalan ng pag-asa. May mga magulang na nakayanan iyon. Isa-isahin natin ang tatlong karaniwang hamon na maaaring mapaharap sa iyo at kung paano makatutulong ang Bibliya.
HAMON 1: HINDI MO MATANGGAP ANG KATOTOHANAN.
Maraming magulang ang nanlumo nang malaman nilang may kapansanan ang kanilang anak. “Nang sabihin ng mga doktor na may cerebral palsy ang anak naming si Santiago, hindi ako makapaniwala,” ang sabi ni Juliana na taga-Mexico. “Pakiramdam ko’y gumuho ang mundo ko.” Baka nadarama rin ng iba ang nadama ng Italyanang si Villana. “Nagdesisyon pa rin akong mag-anak kahit delikado na ito sa mga katulad ko ang edad,” ang sabi niya. “Ngayon, kapag nagkakaproblema ang anak ko dahil sa kaniyang Down syndrome, sinisisi ko ang aking sarili.”
Kung nakadarama ka ng kawalang-pag-asa o paninisi sa sarili, isipin mong natural lang iyon. Ang pagkakasakit ay hindi bahagi ng orihinal na layunin ng Diyos. (Genesis 1:27, 28) Hindi niya nilikha ang mga magulang na may kakayahang tanggapin agad ang mga bagay na hindi likas na nangyayari. Baka kailangang “mamighati” ka dahil sa isang bagay na nawala—ang kalusugan ng iyong anak. Kailangan mo ng panahon para makapag-isip-isip at makapag-adjust sa bagong sitwasyon.
Sinisisi mo ba ang iyong sarili? Tandaan na hindi natin talaga alam kung paano nakaaapekto sa kalusugan ng isang bata ang gene, kapaligiran, at iba pang bagay. Baka naman ang iyong asawa ang sinisisi mo. Iwasan mo iyon. Mas mabuting makipagtulungan sa iyong asawa at pagtuunan ng pansin ang pag-aalaga sa inyong anak.—Eclesiastes 4:9, 10.
MUNGKAHI: Pag-aralan ang sakit ng iyong anak. “Kailangan ang karunungan para magkaroon ng mabuting pamilya,” ang sabi ng Bibliya, “at kailangan ang pang-unawa para mapatibay ito.”—Kawikaan 24:3, New Century Version.
Marami kang matututuhan sa mga propesyonal sa medisina at mapagkakatiwalaang publikasyon. Ang pag-aaral tungkol sa sakit ng iyong anak ay maikukumpara sa pag-aaral ng bagong wika. Mahirap sa umpisa, pero matututuhan din.
Sina Carlo at Mia ay nagtanong sa kanilang doktor at sa isang organisasyong eksperto sa sakit ng anak nila. “Natulungan kami nitong maunawaan hindi lang ang mga problemang mapapaharap sa amin kundi pati ang ‘positibong’ mga aspekto ng Down syndrome,” ang sabi nila. “Nalaman namin na maraming bagay sa buhay ng aming anak ang magiging normal naman. Nakahinga kami nang maluwag.”
SUBUKAN ITO: Magpokus sa mga kayang gawin ng iyong anak. Magplano ng mga gagawin ninyo bilang isang pamilya. Kahit maliit na bagay lang ang nagawa ng iyong anak, purihin agad siya at makisaya sa kaniya.
HAMON 2: PAGOD NA PAGOD KA AT PARANG WALANG NAKAKAINTINDI SA IYO.
Baka nadarama mong nasasaid ang iyong lakas sa pag-aalaga sa anak mong may sakit. Sinabi ni Jenney na taga-New Zealand, “Sa loob ng ilang taon mula nang malaman kong may spina bifida ang aking anak, sinusubukan kong gumawa ng iba pang gawain sa bahay, pero patang-pata ako at napapaiyak na lang.”
Baka nadarama mo rin na parang walang nakakaintindi sa iyo. Ang anak ni Ben ay may muscular dystrophy at Asperger’s syndrome. Sinabi ni Ben, “Marami ang hindi talaga makakaintindi sa pinagdaraanan namin.” Baka gustung-gusto mong may makausap. Pero karamihan sa iyong mga kaibigan ay malulusog ang anak. Kaya atubili kang sabihin sa kanila ang nararamdaman mo.
MUNGKAHI: Magpatulong sa iba. Inamin ni Juliana, “Kung minsan, nahihiya kaming mag-asawa na humingi ng tulong sa iba.” Pero sinabi rin niya, “Nakita naming kailangan namin ang tulong nila. Kapag may tumutulong sa amin, pakiramdam nami’y may karamay kami.” Kapag ang isang kaibigan o kapamilya ay nagsabing tatabihan niya ang iyong anak sa isang salu-salo o Kristiyanong pagpupulong, pumayag ka. “Ang tunay na kaibigan ay umiibig sa lahat ng panahon,” ang sabi ng Bibliya, “at isang kapatid na ipinanganganak kapag may kabagabagan.”—Kawikaan 17:17.
Alagaan ang iyong sarili. Kung paanong ang isang ambulansiya ay dapat na regular na magpagasolina para patuloy na makapaghatid ng mga pasyente sa ospital, dapat ka ring magpalakas sa pamamagitan ng tamang pagkain, ehersisyo, at pahinga para patuloy mong maalagaan ang iyong anak. Ganito ang sinabi ni Javier na may anak na lumpo: “Hindi nakakalakad ang anak ko, kaya iniisip kong dapat akong kumaing mabuti. Kasi, ako ang bumubuhat sa kaniya. Ako ang kaniyang mga paa!”
Paano ka magkakaroon ng panahon para sa iyong sarili? Ang ilang magulang ay nagsasalitan sa pag-aalaga sa kanilang anak. Sa gayon, ang isa sa kanila ay nakapagpapahinga o nakagagawa ng ibang personal na gawain. Bagaman mahirap gawin, kailangan mong bawasan ang panahong ginugugol mo sa di-gaanong mahahalagang bagay para may magamit ka sa iyong sarili. Pero gaya ng sinabi ni Mayuri na taga-India, “Sa katagalan, masasanay ka rin.”
Makipag-usap sa isang mapagkakatiwalaang kaibigan. Kahit walang anak na may sakit ang mga kaibigan mo, puwede pa rin nilang mapagaan ang iyong loob. Puwede ka ring manalangin sa Diyos na Jehova. Makatutulong nga ba ang panalangin? Ang dalawang anak ni Yazmin ay parehong may cystic fibrosis. Inamin niya, “May mga sandaling para akong sinasakal dahil sa matinding istres.” Pero sinabi rin niya: “Nananalangin ako kay Jehova na bigyan niya ako ng lakas. Pagkatapos, gumagaan ang pakiramdam ko at kaya ko nang harapin ulit ang buhay.”—Awit 145:18.
SUBUKAN ITO: Isipin kung ano ang iyong kinakain, kung kailan ka nag-eehersisyo, at kung ilang oras ka natutulog. Alamin kung paano mo babawasan ang panahong ginugugol mo sa di-gaanong mahahalagang bagay para may magamit ka sa pangangalaga sa iyong kalusugan. I-adjust ang iyong iskedyul kung kailangan.
HAMON 3: HALOS LAHAT NG ATENSIYON MO AY NASA MAY-SAKIT MONG ANAK NA LANG.
Dahil sa sakit ng anak, maaaring maapektuhan ang kinakain ng pamilya, ang pinupuntahan nila, at ang dami ng panahong ginugugol ng mga magulang sa bawat anak. Kaya baka makadama ang ibang mga anak na napapabayaan sila. Isa pa, baka sobrang abala na ang mag-asawa sa pag-aalaga sa may-sakit nilang anak kaya apektado na ang kanilang relasyon. “Kung minsan, sinasabi ng asawa ko na siya na lang ang gumagawa ng lahat at na wala akong pakialam sa anak namin,” ang sabi ni Lionel na taga-Liberia. “Parang hindi na niya ako iginagalang, kaya nakakapagsalita tuloy ako nang masakit.”
MUNGKAHI: Para maipakitang mahal mong lahat ang iyong mga anak, magplano ka ng mga gawaing magugustuhan nila. “Paminsan-minsan, sinosorpresa namin ang aming panganay na lalaki,” ang sabi ni Jenney, “kahit ang kumain lang sa paborito niyang restawran.”
Para maingatan ang inyong pagsasama, makipag-usap sa iyong asawa at manalanging magkasama. Sinabi ni Aseem, taga-India na may anak na nakararanas ng mga seizure: “Kahit may mga panahong pagod na pagod na kaming mag-asawa at pinanghihinaan ng loob, sinisikap pa rin naming maupo, mag-usap, at manalanging magkasama. Tuwing umaga bago magising ang mga bata, pinag-uusapan namin ang isang teksto sa Bibliya.” Ang ibang mag-asawa naman ay nag-uusap bago matulog. Ang inyong pag-uusap at taimtim na pananalangin ay magpapatibay sa inyong pagsasama sa mga panahon ng matinding istres. (Kawikaan 15:22) Gaya nga ng sabi ng isang mag-asawa, “ang ilan sa pinakamatatamis naming sandali ay noong dumaranas kami ng pinakamatitinding problema.”
SUBUKAN ITO: Purihin ang iba mong mga anak sa anumang suportang ibinibigay nila sa kanilang kapatid na may sakit. Lagi mong ipadama ang iyong pagmamahal at pagpapahalaga sa kanila at sa iyong asawa.
MANATILING POSITIBO
Nangangako ang Bibliya na malapit nang alisin ng Diyos ang lahat ng sakit at kapansanan na nagpapahirap sa mga bata at matatanda. (Apocalipsis 21:3, 4) Sa panahong iyon, “walang sinumang tumatahan ang magsasabi: ‘Ako ay may sakit.’” *—Isaias 33:24.
Habang hinihintay iyon, maaari kang magtagumpay bilang magulang ng isa na may kapansanan. “Huwag mawalan ng pag-asa kapag waring patung-patong ang mga problema,” ang sabi nina Carlo at Mia. “Magpokus sa magagandang bagay tungkol sa iyong anak, dahil marami ang mga ito.”
^ par. 3 Binago ang mga pangalan sa artikulong ito.
^ par. 29 Marami ka pang mababasa tungkol sa pangako ng Bibliya na perpektong kalusugan sa kabanata 3 ng aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? na inilalathala ng mga Saksi ni Jehova.
TANUNGIN ANG SARILI . . .
- Paano ko mapananatiling malakas hangga’t maaari ang aking pisikal, emosyonal, at espirituwal na kalusugan?
- Kailan ko huling pinuri ang iba kong mga anak dahil sa mga tulong nila?