BINAGO NG BIBLIYA ANG KANILANG BUHAY
“Gusto Nilang Alamin Ko Mismo ang Katotohanan”
- ISINILANG: 1982
- BANSANG PINAGMULAN: DOMINICAN REPUBLIC
- DATING MORMON
ANG AKING NAKARAAN:
Ipinanganak ako sa Santo Domingo, Dominican Republic, at bunso sa apat na magkakapatid. Edukado ang mga magulang ko at gusto nilang lumaki kami sa isang maayos na komunidad. Apat na taon bago ako ipanganak, may nakilalang mga misyonerong Mormon ang mga magulang ko. Dahil magalang at disenteng manamit ang mga ito, nagdesisyon ang mga magulang ko na umanib sa Church of Jesus Christ of Latter-day Saints, o Mormon Church. Sa aming isla, ang pamilya namin ang isa sa mga unang miyembro ng relihiyong iyon.
Habang lumalaki ako, nag-eenjoy ako sa mga social activity sa aming simbahan at hinahangaan ko ang pagpapahalaga ng Mormon sa buhay pampamilya at mga pamantayang moral. Ipinagmamalaki ko ang aking pagiging Mormon at gustung-gusto kong maging misyonero.
Nang 18 anyos na ako, lumipat ang pamilya namin sa Estados Unidos para doon ako magkolehiyo. Pagkaraan ng mga isang taon, dinalaw kami sa Florida ng aking tiyahin at tiyuhin na mga Saksi ni Jehova. Inanyayahan nila kaming dumalo sa isang kombensiyon tungkol sa Bibliya. Hangang-hanga ako nang makita kong lahat ng katabi ko ay nagbubuklat ng Bibliya at nagsusulat. Kaya kumuha ako ng bolpen at papel at ginaya ko sila.
Pagkatapos ng kombensiyon, sinabi nina Tiyo at Tiya na yamang gusto kong magmisyonero, puwede nila akong tulungang matuto sa Bibliya. Naisip kong magandang ideya iyon dahil mas pamilyar ako sa Book of Mormon kaysa sa Bibliya.
KUNG PAANO BINAGO NG BIBLIYA ANG BUHAY KO:
Kapag nag-uusap kami sa telepono tungkol sa Bibliya, laging sinasabi nina Tiyo at Tiya na ikumpara ko sa mga turo ng Bibliya ang aking mga paniniwala. Gusto nilang alamin ko mismo ang katotohanan.
Marami akong pinaniniwalaang turo ng Mormon, pero hindi ko tiyak kung nasa Bibliya ang mga iyon. Pinadalhan ako ni Tiya ng magasing Gumising!, isyu ng Nobyembre 8, 1995, na inilathala ng mga Saksi ni Jehova. May ilang artikulo iyon tungkol sa paniniwala ng Mormon. Nagulat ako dahil marami pa pala akong hindi alam sa mga turo ng Mormon. Kaya nag-search ako sa Web site ng Mormon para tiyakin kung totoo ang sinasabi sa Gumising! Totoo nga, at lalo ko pa itong napatunayan nang pumunta ako sa mga museo ng Mormon sa Utah.
Ang akala ko noon, magkaayon ang Book of Mormon at ang Bibliya. Pero nang basahin kong mabuti ang Bibliya, napansin kong magkaiba ang mga turo ng Mormon at ang sinasabi ng Bibliya. Halimbawa, sa Ezekiel 18:4, sinasabi ng Bibliya na ang kaluluwa ay namamatay. Pero sinasabi naman ng Book of Mormon, sa Alma 42:9: “Ang kaluluwa ay hindi kailanman namamatay.”
Bukod sa magkaibang mga doktrina, gumugulo rin sa isip ko ang nasyonalistikong mga ideya na itinuturo ng Mormon. Halimbawa, itinuturo sa amin na ang hardin ng Eden ay nasa Jackson County, Missouri, E.U.A. At sinasabi ng mga lider namin na kapag “namahala ang Kaharian ng Diyos, ang watawat ng Estados Unidos ay matayog na wawagayway nang walang-dungis sa tagdan ng kalayaan at pantay na karapatan.”
Kung totoo ito, paano naman ang bansa ko o ang iba pang bansa? Itinanong ko ito nang minsang tawagan ako sa telepono ng isang kabataang Mormon na sinasanay na maging misyonero. Tinanong ko siya kung lalabanan ba niya ang mga kapuwa niya Mormon kapag nakipagdigma ang bansa niya sa kanilang bansa. Nagulat ako nang sabihin niyang oo! Sinuri ko pa nang husto ang mga turo ng aming relihiyon at kinonsulta ang aming mga lider. Sinabi nilang ang sagot sa mga tanong ko ay isang misteryong malulutas din kapag nagliwanag na ang lahat.
Dahil hindi ako kontento sa paliwanag nila, sinuri kong mabuti ang aking sarili at ang dahilan kung bakit gusto kong maging misyonero ng Mormon. Naisip kong gusto ko lang palang makatulong sa iba at irespeto ng mga tao. Pero kung tungkol sa Diyos, wala talaga akong gaanong alam. Kahit maraming beses na akong nakapagbasa ng Bibliya, hindi ko ito gaanong sineryoso. Hindi ko alam ang layunin ng Diyos para sa lupa o sa mga tao.
KUNG PAANO AKO NAKINABANG:
Sa aking pakikipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova, kasama sa mga natutuhan ko ang pangalan ng Diyos, ang nangyayari sa tao kapag namatay, at ang papel ni Jesus sa katuparan ng layunin ng Diyos. Sa wakas, unti-unti akong naging pamilyar sa kahanga-hangang aklat na ito, at natutuwa akong sabihin sa iba ang katotohanang natututuhan ko. Alam ko namang may Diyos, pero ngayon, nakakausap ko na siya sa panalangin bilang isang matalik na Kaibigan. Nabautismuhan ako bilang Saksi ni Jehova noong Hulyo 12, 2004, at pagkalipas ng anim na buwan, pumasok ako sa buong-panahong ministeryo.
Sa loob ng limang taon, nagtrabaho ako sa punong-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova sa Brooklyn, New York. Talagang nag-enjoy ako sa pagtulong sa paglilimbag ng mga Bibliya at mga literaturang salig sa Bibliya na napapakinabangan ng milyun-milyon sa buong daigdig, at patuloy akong nag-eenjoy sa pagtulong sa iba na matuto tungkol sa Diyos.