Moises—May Pag-ibig
ANO ANG PAG-IBIG?
Ito ay ang masidhing pagmamahal sa iba. Sa pamamagitan ng mga salita at gawa, ipinakikita ng isang taong may pag-ibig ang nadarama niya sa kaniyang mga minamahal, kahit na maaaring may kaakibat itong sakripisyo.
PAANO NAGPAKITA NG PAG-IBIG SI MOISES?
Nagpakita si Moises ng pag-ibig sa Diyos. Paano? Pansinin ang binabanggit sa 1 Juan 5:3: “Ito ang kahulugan ng pag-ibig sa Diyos, na tuparin natin ang kaniyang mga utos.” Mahal ni Moises ang Diyos, kaya sinunod niya ang mga utos ng Diyos. Ang lahat ng iniutos ng Diyos sa kaniya—mula sa mahirap na atas na humarap sa makapangyarihang si Paraon hanggang sa simpleng pag-uunat ng kaniyang tungkod sa Dagat na Pula—ay sinunod ni Moises. “Gayung-gayon ang ginawa niya.”—Exodo 40:16.
Nagpakita si Moises ng pag-ibig sa kapuwa niya mga Israelita. Alam nilang ginagamit ni Jehova si Moises para patnubayan ang kaniyang bayan, kaya inilalapit nila kay Moises ang kanilang mga problema. Mababasa natin: “Ang bayan ay nanatiling nakatayo sa harap ni Moises mula umaga hanggang gabi.” (Exodo 18:13-16) Isipin na lang kung paano nasasaid ang lakas ni Moises sa maghapong pakikinig sa problema ng mga Israelita! Pero masaya si Moises na tulungan ang mga taong mahal niya.
Bukod sa pakikinig sa kanila, ipinanalangin din ni Moises ang kaniyang mga mahal sa buhay. Ipinanalangin pa nga niya ang mga gumawa ng masama sa kaniya! Halimbawa, nang magreklamo ang kapatid niyang si Miriam laban sa kaniya, pinarusahan ni Jehova si Miriam ng ketong. Sa halip na matuwa, nanalangin si Moises: “O Diyos, pakisuyo! Pagalingin mo siya, pakisuyo!” (Bilang 12:13) Tiyak na pag-ibig ang nag-udyok kay Moises para manalangin nang gayon!
ANO ANG MATUTUTUHAN NATIN?
Matutularan natin si Moises sa pamamagitan ng paglilinang ng masidhing pag-ibig sa Diyos. Ang gayong pag-ibig ay nag-uudyok sa atin na sundin ang mga utos niya “mula sa puso.” (Roma 6:17) Kapag sinusunod natin si Jehova mula sa puso, napasasaya natin siya. (Kawikaan 27:11) Nakikinabang din tayo. Kapag naglilingkod tayo sa Diyos udyok ng tunay na pag-ibig, hindi lang natin ginagawa ang tama, kundi nasisiyahan din tayo sa paggawa nito!—Awit 100:2.
Ang isa pang paraan para matularan si Moises ay sa pamamagitan ng paglilinang ng mapagsakripisyong pag-ibig para sa iba. Kapag ang mga kaibigan natin at mga kapamilya ay nagsasabi ng kanilang mga problema, ang pag-ibig ay nag-uudyok sa atin na (1) taimtim na makinig; (2) damhin ang kanilang nadarama; at (3) magpakita ng pagmamalasakit sa kanila.
Gaya ni Moises, puwede rin nating ipanalangin ang ating mga mahal sa buhay. Kung minsan, pakiramdam natin ay wala tayong maitutulong sa kanilang mga problema. Baka sabihin pa nga natin: “Pasensiya ka na, wala akong magagawa kundi ang ipanalangin ka.” Pero tandaan: “Ang panalangin ng taong matuwid ay makapangyarihan at mabisa.” (Santiago 5:16, Ang Biblia—Bagong Salin sa Pilipino) Dahil sa ating mga panalangin, maaaring mapakilos si Jehova na tulungan ang taong iyon. Oo, ang pinakamahalagang maitutulong natin sa ating mga mahal sa buhay ay ang ipanalangin sila. *
Tiyak na sasang-ayon kang marami tayong matututuhan kay Moises. Bagaman ordinaryong tao, nagpakita siya ng ekstraordinaryong halimbawa ng pananampalataya, kapakumbabaan, at pag-ibig. Habang tinutularan natin ang kaniyang halimbawa, mas nakikinabang tayo at ang iba.—Roma 15:4.
^ par. 8 Para pakinggan ng Diyos ang ating mga panalangin, dapat tayong maging taimtim sa pagsisikap na maabot ang kaniyang mga kahilingan. Para sa higit pang impormasyon, tingnan ang kabanata 17 ng aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? na inilalathala ng mga Saksi ni Jehova.