Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Moises—May Pananampalataya

Moises—May Pananampalataya

ANO ANG PANANAMPALATAYA?

Gaya ng pagkagamit sa Bibliya, ang “pananampalataya” ay matatag na paniniwalang nakasalig sa matibay na ebidensiya. Ang isang may pananampalataya sa Diyos ay nagtitiwalang tutuparin Niya ang lahat ng Kaniyang pangako.

PAANO NAGPAKITA NG PANANAMPALATAYA SI MOISES?

Pangunahin kay Moises ang mga pangako ng Diyos. (Genesis 22:15-18) Puwede sana siyang mabuhay nang marangya sa Ehipto, pero tinalikuran niya iyon, anupat “pinili pang mapagmalupitan kasama ng bayan ng Diyos kaysa sa magtamo ng pansamantalang kasiyahan sa kasalanan.” (Hebreo 11:25) Iyon ba ay padalus-dalos na desisyong pagsisisihan niya sa bandang huli? Hindi. Sinabi ng Bibliya na “nagpatuloy siyang matatag na parang nakikita ang Isa na di-nakikita.” (Hebreo 11:27) Hinding-hindi pinagsisihan ni Moises ang mga desisyon niya.

Tinulungan ni Moises ang iba na magkaroon din ng matibay na pananampalataya. Pansinin kung ano ang nangyari nang ang mga Israelita ay tila naipit sa pagitan ng hukbo ni Paraon at ng Dagat na Pula. Dahil takot na takot, ang mga Israelita ay humingi ng tulong kay Jehova at kay Moises. Ano kaya ang ginawa ni Moises?

Maaaring walang ideya si Moises na hahatiin ng Diyos ang Dagat na Pula para makadaan ang mga Israelita. Pero nakatitiyak siyang may gagawin ang Diyos para protektahan ang Kaniyang bayan. Gusto rin ni Moises na magkaroon ng gayong pananalig ang kapuwa niya mga Israelita. Mababasa natin: “Sinabi ni Moises sa bayan: ‘Huwag kayong matakot. Tumayo kayong matatag at tingnan ninyo ang pagliligtas ni Jehova, na isasagawa niya para sa inyo ngayon.’” (Exodo 14:13) Natulungan ba sila ni Moises na magkaroon ng matibay na pananampalataya? Oo, sinabi ng Bibliya tungkol kay Moises at sa lahat ng Israelita: “Sa pananampalataya ay tumawid sila sa Dagat na Pula na gaya ng sa tuyong lupa.” (Hebreo 11:29) Hindi lang si Moises ang nakinabang sa kaniyang pananampalataya, kundi pati ang lahat ng natutong manampalataya kay Jehova.

ANO ANG MATUTUTUHAN NATIN?

Matutularan natin si Moises kung gagawin din nating pangunahin sa ating buhay ang mga pangako ng Diyos. Halimbawa, nangako ang Diyos na ilalaan niya ang ating mga pangangailangan kung uunahin natin ang pagsamba sa kaniya. (Mateo 6:33) Pero isang hamon iyan ngayon dahil ang inuuna ng karamihan ng nakapaligid sa atin ay materyal na mga bagay. Gayunman, kung hindi natin hahayaang may makahadlang sa ating pagsamba kay Jehova, makatitiyak tayong ilalaan niya ang mga kailangan natin. Sinabi niya: “Hindi kita sa anumang paraan iiwan ni sa anumang paraan ay pababayaan.”—Hebreo 13:5.

Tinutulungan din natin ang iba na magkaroon ng pananampalataya. Halimbawa, alam ng matatalinong magulang na may pambihirang pagkakataon silang tulungan ang mga anak nila na magkaroon ng pananampalataya sa Diyos. Habang lumalaki ang kanilang mga anak, kailangan nilang ituro sa mga ito na may isang Diyos na nagtatakda kung ano ang tama at mali. Kailangan din nilang tiyaking nauunawaan ng kanilang mga anak na ang pagsunod sa Diyos ang pinakamabuting paraan ng pamumuhay. (Isaias 48:17, 18) Isang napakahalagang regalo ang naibibigay ng mga magulang sa kanilang mga anak kapag natutulungan nila silang manampalataya na “may Diyos, at siya ang nagbibigay ng gantimpala sa mga humahanap sa kanya.”—Hebreo 11:6, Magandang Balita Biblia.