TURUAN ANG IYONG MGA ANAK
Nagsinungaling Sina Pedro at Ananias—Ano ang Matututuhan Natin?
Gaya ng alam mo, ang kasinungalingan ay ang pagsasabi ng hindi totoo. Nagsinungaling ka na ba?— * Kahit ang ilang adultong umiibig sa Diyos ay nagsinungaling din. Malamang na kilala mo ang isang tauhan sa Bibliya na gumawa nito. Siya ay si Pedro, isa sa 12 apostol ni Jesus. Alamin natin kung bakit siya nagsinungaling.
Matapos arestuhin si Jesus, dinala siya sa bahay ng mataas na saserdote. Lagpas na noon ang hatinggabi. Samantala, nakapasok si Pedro sa looban ng bahay ng saserdote. Sa liwanag ng apoy, nakilala siya ng nagpapások sa kaniya na alilang babae ng mataas na saserdote. “Ikaw rin ay kasama ni Jesus,” ang sabi niya. Dahil sa takot, itinanggi iyon ni Pedro.
Sinabi ng Bibliya na “isa pang babae ang nakapansin sa kaniya.” Sinabi ng babae: “Ang taong ito ay kasama ni Jesus.” Itinanggi ulit ito ni Pedro. Mayamaya, may iba pang nagsabi: “Tiyak na isa ka rin sa kanila.”
Natakot si Pedro. Kaya sa ikatlong pagkakataon, nagsinungaling siya: “Hindi ko kilala ang taong iyon!” Tumilaok ang tandang. Tumingin si Jesus kay Pedro, at naalaala niya ang sinabi ni Jesus sa kaniya ilang oras pa lang ang nakalilipas: “Bago tumilaok ang tandang, itatatwa mo ako nang tatlong ulit.” Umiyak si Pedro. Lungkot na lungkot siya!
Posible bang mangyari iyan sa iyo?— Halimbawang nasa iskul ka, at biglang pinag-usapan ng mga kaeskuwela mo ang tungkol sa mga Saksi ni Jehova. “Hindi sila sumasaludo sa bandila,” ang sabi ng isa. “Hindi sila nagsusundalo,” ang sabi naman ng isa. “Hindi talaga sila Kristiyano, kasi hindi sila nagpapasko,” ang sabi pa ng isa. ’Tapos, bigla kang tinanong ng isa sa kanila, “Hindi ba Saksi ni Jehova ka?” Ano ang sasabihin mo?—
Kailangang maging handa ka para makapagbigay ng magandang sagot. Hindi handa si Pedro. Kaya nang magipit siya, nagsinungaling siya! Pero talagang nalungkot siya sa ginawa niya, kaya pinatawad siya ng Diyos.
Isa pang alagad noon ni Jesus ang nagsinungaling, si Ananias. Pero hindi siya pinatawad ng Diyos, pati na ang asawa niyang si Sapira. Pumayag kasi siya kay Ananias na magsinungaling sila. Tingnan natin kung bakit hindi pinatawad ng Diyos sina Ananias at Sapira.
Sampung araw pagkaakyat ni Jesus sa langit, mga 3,000 katao ang nabautismuhan sa Jerusalem. Marami ang nagmula pa sa malalayong lupain para ipagdiwang ang Kapistahan ng Pentecostes. Pagkabautismo sa kanila, nanatili pa sila sa Jerusalem para higit pang matuto tungkol sa bago nilang pananampalataya. Kaya ginamit ng ilang alagad ni Jesus ang sarili nilang pera para matustusan sila.
Nagbenta sina Ananias at Sapira ng ari-arian para makatulong sa mga bagong bautisado. Nang dalhin ni Ananias ang pera sa mga apostol, sinabi niyang iyon na ang lahat ng pinagbentahan. Pero hindi iyon totoo! Hindi niya talaga ibinigay ang lahat ng pinagbentahan! Ipinaalam ito ng Diyos kay Pedro, kaya sinabi ni Pedro kay Ananias: “Nagbulaan ka, hindi sa mga tao, kundi sa Diyos.” Biglang namatay si Ananias! Pagkalipas ng mga tatlong oras, pumasok naman ang kaniyang asawa. Hindi niya alam ang nangyari kay Ananias. Nagsinungaling din siya at namatay.
Ang aral: Mahalagang magsabi ng totoo! Oo, lahat tayo ay dapat matutong magsabi ng totoo. Pero magkakamali pa rin tayo, lalo na kapag bata pa. Hindi ka ba natutuwa na mahal ka ni Jehova at patatawarin ka niya gaya ng ginawa niya kay Pedro?— Pero tandaan, dapat tayong magsabi ng totoo. At kung makapagsinungaling man tayo, dapat tayong humiling, oo, magmakaawa na patawarin tayo ng Diyos. Malamang na iyan ang ginawa ni Pedro, kaya pinatawad siya. Kung magsisikap tayong huwag nang magsinungaling, patatawarin din tayo ng Diyos!
Basahin sa iyong Bibliya
^ par. 3 Kapag binabasa mo ito sa isang bata, ang gatlang pagkatapos ng tanong ay nagsisilbing paalaala sa iyo na huminto at hintayin ang kaniyang sagot.