Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Alam Mo Ba?

Alam Mo Ba?

Paano inihahanda ng mga Judio noong unang siglo ang patay para sa libing?

Inililibing agad ng mga Judio ang kanilang patay, karaniwan nang sa araw din ng pagkamatay nito. Bakit? Una, madali kasing maagnas ang katawan ng patay dahil sa mainit na klima sa Gitnang Silangan. Ikalawa, iniisip ng mga tao noon na isang paglapastangan sa patay at sa kaniyang pamilya kapag nagpalipas pa ng ilang araw bago ilibing ang patay.

Ang mga Ebanghelyo at aklat ng Mga Gawa ay nag-uulat ng di-kukulangin sa apat na paglilibing na ginawa sa mismong araw ng kamatayan. (Mateo 27:57-60; Gawa 5:5-10; 7:60–8:2) Ilang siglo bago nito, ang pinakamamahal na asawa ni Jacob na si Raquel ay namatay habang naglalakbay ang kanilang pamilya. Sa halip na bumalik at ilibing ang bangkay sa libingan ng pamilya nila, inilibing siya ni Jacob “sa daang patungo sa . . . Betlehem.”—Genesis 35:19, 20, 27-29.

Mababasa sa mga ulat ng Bibliya na ingat na ingat ang mga Judio sa paghahanda sa bangkay para sa libing. Pinaliliguan ng pamilya at mga kaibigan ang kanilang patay, pinapahiran ito ng mga espesya at mainam na langis, at binabalot ng tela. (Juan 19:39, 40; Gawa 9:36-41) Ang mga kapitbahay at ang iba pa ay puwedeng pumunta para makiramay, at aliwin ang pamilya.—Marcos 5:38, 39.

Ang libing ba ni Jesus ay ayon sa paraan ng mga Judio?

Inililibing ng maraming pamilyang Judio ang kanilang patay sa mga yungib at libingang inuka sa malambot na bato na karaniwang makikita sa maraming lugar sa Israel. Tinutularan nila ang halimbawa ng mga patriyarka. Sina Abraham, Sara, Isaac, Jacob, at iba pa ay inilibing sa yungib ng Macpela malapit sa Hebron.—Genesis 23:19; 25:8, 9; 49:29-31; 50:13.

Si Jesus ay inilibing sa libingang inuka sa isang batong-limpak. (Marcos 15:46) Karaniwan nang makitid ang pasukan ng gayong libingan. Makikita sa loob ang mga nitso, o mga uka sa bato na pinaglalagyan ng mga bangkay. Kapag nabulok na ang bangkay, ang mga tuyong buto nito ay inililipat sa isang lalagyang bato na tinatawag na imbakan ng buto. Iyan ang kaugalian noong panahon ni Jesus. Sa paggawa nito, ang pamilya ay may magagamit na libingan kapag namatayan ulit sila.

Ayon sa Kautusan ni Moises, ang mga Judio ay hindi puwedeng maglibing kapag araw ng Sabbath. Yamang si Jesus ay namatay mga tatlong oras bago magsimula ang Sabbath, inilibing siya ni Jose ng Arimatea at ng iba pa kahit hindi pa tapos ang paghahanda sa kaniyang bangkay para sa libing. (Lucas 23:50-56) Dahil diyan, ang ilan sa mga kaibigan ni Jesus ay bumalik sa libingan pagkatapos ng Sabbath para tapusin sana ang proseso ng paghahanda sa bangkay niya.—Marcos 16:1; Lucas 24:1.