Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

 MAGING MALAPÍT SA DIYOS

“Aling Utos ang Una sa Lahat?”

“Aling Utos ang Una sa Lahat?”

Paano mapapasaya ang Diyos? Napakarami bang alituntuning dapat sundin? Buti na lang, ang sagot ay hindi. Ayon mismo sa Anak ng Diyos, si Jesu-Kristo, masasabi sa isang salita kung ano ang hinihiling ng Diyos sa atin.—Basahin ang Marcos 12:28-31.

Tingnan muna natin kung kailan iyan sinabi ni Jesus. Nagtuturo siya sa templo noong Nisan 11, ilang araw bago ang kaniyang kamatayan. Sinikap ng kaniyang mga kaaway na sukulin siya sa pamamagitan ng ilang kontrobersiyal na tanong. Pero sa tuwing sasagot siya, napapatahimik sila. Pagkatapos, may nagtanong kay Jesus: “Aling utos ang una sa lahat?”—Talata 28.

Mahirap sagutin ang tanong na iyan. Pinagtatalunan kasi ng ilang Judio kung alin sa mahigit 600 utos ng Kautusang Mosaiko ang una, o pinakaimportante. Posible rin naman na may nagsasabing ang lahat ng utos ay pare-parehong importante. Ano kaya ang isasagot ni Jesus?

Hindi lang isang utos ang binanggit ni Jesus, kundi dalawa. Una, sinabi niya: ‘Ibigin mo si Jehova na iyong Diyos nang iyong buong puso at nang iyong buong kaluluwa at nang iyong buong pag-iisip at nang iyong buong lakas.’ (Talata 30; Deuteronomio 6:5) Ang mga terminong “puso,” “pag-iisip,” “kaluluwa,” at “lakas” ay halos magkakasingkahulugan. * Ibig sabihin: Sa pag-ibig kay Jehova, sangkot ang buong pagkatao ng isa, ang lahat ng kaniyang kakayahan at tinataglay. Ganito ang sinabi ng isang reperensiya sa Bibliya: “Ang Diyos ay dapat ibigin nang lubus-lubusan.” Kaya kung iniibig mo ang Diyos, sisikapin mong mamuhay araw-araw sa paraang makapagpapasaya sa kaniya.—1 Juan 5:3.

Ikalawa, sinabi ni Jesus: ‘Ibigin mo ang iyong kapuwa gaya ng iyong sarili.’ (Talata 31; Levitico 19:18) Ang pag-ibig sa kapuwa ay resulta ng pag-ibig sa Diyos. (1 Juan 4:20, 21) Kung iniibig natin ang ating kapuwa gaya ng ating sarili, pakikitunguhan natin sila sa paraang gusto nating pakitunguhan nila tayo. (Mateo 7:12) Sa gayon, ipinakikita nating iniibig natin ang Diyos na gumawa sa atin—at sa ating kapuwa—ayon sa Kaniyang larawan.—Genesis 1:26.

Ang lahat ng hinihiling ni Jehova sa kaniyang mga mananamba ay masasabi sa isang salita: pag-ibig

Gaano ba kaimportante ang mga utos na ibigin ang Diyos at ibigin ang kapuwa? “Wala nang iba pang utos na mas dakila kaysa sa mga ito,” ang sabi ni Jesus. (Talata 31) Sa kahawig na ulat, sinabi ni Jesus na ang lahat ng iba pang kautusan ay nakasalalay sa dalawang utos na iyan.—Mateo 22:40.

Hindi mahirap pasayahin ang Diyos. Ang lahat ng hinihiling niya sa atin ay masasabi sa isang salita: pag-ibig. Noon pa man, iyan na ang kahulugan ng tunay na pagsamba. Pero ang pag-ibig ay hindi lang basta sinasabi o nadarama; dapat itong ipakita sa gawa. (1 Juan 3:18) Gusto mo bang malaman kung paano mo malilinang at maipakikita ang iyong pag-ibig kay Jehova, ang Diyos ng “pag-ibig”?1 Juan 4:8.

Pagbabasa ng Bibliya para sa Marso

Marcos 9-16Lucas 1-6

^ par. 6 Sa Bibliya, ang salitang “kaluluwa” ay tumutukoy sa buong pagkatao. Kaya kalakip sa “kaluluwa” ang “puso,” “pag-iisip,” at “lakas.”