Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Jesus—Ang Susi sa Makabuluhang Buhay

Jesus—Ang Susi sa Makabuluhang Buhay

TALAGA bang naging makabuluhan ang buhay ni Jesus? Lumaki siyang mahirap, at nabuhay nang walang gaanong materyal na pag-aari. Sa katunayan, ‘wala siyang dakong mahihigan ng kaniyang ulo.’ (Lucas 9:57, 58) Bukod diyan, siya ay kinapootan, siniraang-puri, at pinatay pa nga ng kaniyang mga kaaway.

Baka sabihin mo, ‘Hindi ganiyan ang iniisip kong makabuluhang buhay!’ Pero hindi lang iyan ang dapat nating isaalang-alang sa buhay ni Jesus. Suriin natin ang apat na aspekto ng kaniyang buhay.

1. MAY LAYUNIN SA BUHAY SI JESUS—ANG GAWIN ANG KALOOBAN NG DIYOS.

“Ang aking pagkain ay ang gawin ko ang kalooban niya na nagsugo sa akin.”—Juan 4:34.

Sa salita at gawa, sinikap ni Jesus na tuparin ang kalooban ng kaniyang makalangit na Ama, si Jehova. * Napakaligaya ni Jesus sa paggawa ng kalooban ng Diyos. Inihambing pa nga niya ito sa pagkain, gaya ng nasa teksto sa itaas. Isaalang-alang natin ang sitwasyon nang banggitin niya ang paghahambing na iyan.

Mga tanghaling tapat nang sabihin ni Jesus ang mga salitang iyan. (Juan 4:6) Buong-umaga siyang naglakbay sa maburol na bayan ng Samaria, kaya tiyak na gutóm na siya. Sa katunayan, sinabi ng kaniyang mga alagad: “Rabbi, kumain ka.” (Juan 4:31) Sa kaniyang sagot, ipinahiwatig ni Jesus na siya ay napalalakas at tila nabubusog kapag ginagawa niya ang gawain ng Diyos. Hindi ba’t ganiyan ang isang taong may kabuluhan ang buhay?

2. MAY MASIDHING PAG-IBIG SI JESUS SA KANIYANG AMA.

“Iniibig ko ang Ama.”—Juan 14:31.

Si Jesus ay may napakalapít na kaugnayan sa kaniyang Ama sa langit. Ang malalim na pag-ibig ni Jesus sa Diyos ang nag-udyok sa kaniya na ipakilala ang kaniyang Ama—ang pangalan Niya, mga layunin, at katangian. Ang pananalita, paggawi, at saloobin ni Jesus ay kagayang-kagaya ng sa kaniyang Ama—anupat nakikita natin kay Jesus ang kaniyang Ama. Kaya nang sabihin ni Felipe kay Jesus: “Ipakita mo sa amin ang Ama,” sumagot si Jesus: “Siya na nakakita sa akin ay nakakita rin sa Ama.”—Juan 14:8, 9.

Mahal na mahal ni Jesus ang kaniyang Ama anupat handa siyang sumunod sa kaniyang Ama hanggang kamatayan. (Filipos 2:7, 8; 1 Juan 5:3) Dahil sa masidhing pag-ibig ni Jesus sa Diyos, naging makabuluhan ang kaniyang buhay.

 3. MAHAL NI JESUS ANG MGA TAO.

“Walang sinuman ang may pag-ibig na mas dakila kaysa rito, na ibigay ng isa ang kaniyang kaluluwa alang-alang sa kaniyang mga kaibigan.”—Juan 15:13.

Madilim ang kinabukasan nating mga di-sakdal na tao. Sinasabi ng Bibliya: “Sa pamamagitan ng isang tao [si Adan] ang kasalanan ay pumasok sa sanlibutan at ang kamatayan sa pamamagitan ng kasalanan, at sa gayon ang kamatayan ay lumaganap sa lahat ng tao sapagkat silang lahat ay nagkasala.” (Roma 5:12) Hindi natin kayang takasan ang resulta ng kasalanan—ang kamatayan.—Roma 6:23.

Buti na lang, maibiging naglaan si Jehova ng solusyon sa sitwasyon ng sangkatauhan. Ang kaniyang sakdal na Anak, si Jesus, ay hinayaan niyang magdusa at mamatay para mailaan ang pantubos na kailangan upang mapalaya ang mga tao sa pagkaalipin sa kasalanan at kamatayan. Udyok ng pag-ibig sa kaniyang Ama at mga tao, kusang-loob na sumunod si Jesus at ibinigay niya ang kaniyang sakdal na buhay alang-alang sa atin. (Roma 5:6-8) Dahil sa gayong di-makasariling pag-ibig, nagkaroon ng kabuluhan ang buhay ni Jesus. *

4. ALAM NI JESUS NA MAHAL SIYA AT SINASANG-AYUNAN NG KANIYANG AMA.

“Ito ang aking Anak, ang minamahal, na aking sinang-ayunan.”—Mateo 3:17.

Sinabi ni Jehova ang mga salitang iyan mula sa langit noong bautismuhan si Jesus. Ipinahayag mismo ni Jehova ang pagmamahal niya at pagsang-ayon sa kaniyang Anak na si Jesus. Kaya naman talagang masasabi ni Jesus: ‘Iniibig ako ng Ama’! (Juan 10:17) Sa pagkaalam na mahal siya at sinasang-ayunan ng kaniyang Ama, naging matapang si Jesus sa pagharap sa mga pagsalansang at pangungutya. Naging matatag pa nga siya sa harap ng kamatayan. (Juan 10:18) Dahil alam ni Jesus na mahal siya at sinasang-ayunan ng kaniyang Ama, tiyak na lalong naging mas makabuluhan ang kaniyang buhay.

Talagang naging makabuluhan ang buhay ni Jesus. Marami tayong matututuhan sa kaniya tungkol sa pagkakaroon ng buhay na may tunay na kabuluhan. Isasaalang-alang sa susunod na artikulo ang ilang payo ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod tungkol sa tamang pamumuhay.

^ par. 6 Jehova ang pangalan ng Diyos gaya ng sinasabi sa Bibliya.

^ par. 15 Para matuto pa nang higit tungkol sa halaga ng kamatayan ni Jesus bilang pantubos, tingnan ang kabanata 5 ng aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? na inilalathala ng mga Saksi ni Jehova.