Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Isang Makabuluhang Buhay—Ipinakita ni Jesus Kung Paano

Isang Makabuluhang Buhay—Ipinakita ni Jesus Kung Paano

“Lumakad na gaya ng paglakad ni Jesus.”—1 Juan 2:6, NET Bible.

GAYA ng tinalakay sa naunang artikulo, naging makabuluhan ang buhay ni Jesus. Kaya kung gusto nating gawing makabuluhan ang ating buhay, makabubuting tularan natin ang halimbawa ni Jesus at makinig tayo sa kaniyang payo.

Sa katunayan, hinihimok tayo ni Jehova na gawin iyan tulad ng ipinakikita ng teksto sa itaas. Kung tayo ay lumalakad na gaya ng paglakad ni Jesus, mamumuhay tayo ayon sa mga turo at halimbawa niya. Sa paggawa nito, makakamit natin ang pagsang-ayon ng Diyos at magiging makabuluhan ang ating buhay.

Kasama sa mga turo ni Jesus ang mga simulaing makatutulong sa atin na lumakad na gaya ng paglakad niya. Marami sa mga ito ang nasa kaniyang bantog na Sermon sa Bundok. Tingnan natin ang ilan sa mga simulaing iyon at isaalang-alang kung paano natin iyon maikakapit sa ating buhay.

SIMULAIN: “Maligaya yaong mga palaisip sa kanilang espirituwal na pangangailangan.”—Mateo 5:3.

KUNG PAANO ITO MAKATUTULONG:

Ipinahiwatig ni Jesus na ang mga tao ay may likas na pangangailangan sa espirituwal. Gusto nating malaman ang sagot sa mga tanong na ito: Bakit tayo naririto? Bakit napakaraming nagdurusa? Talaga bang nagmamalasakit sa atin ang Diyos? Mayroon bang kabilang-buhay? Kailangan nating malaman ang sagot sa mga tanong na iyan para magkaroon ng makabuluhang buhay. Alam ni Jesus na mayroon lang iisang mapagkukunan ng mapagkakatiwalaang sagot sa mga tanong na iyan—ang Salita ng Diyos. Sa kaniyang panalangin sa Ama, sinabi ni Jesus: “Ang iyong salita ay katotohanan.” (Juan 17:17) Talaga bang matutulungan tayo ng Salita ng Diyos na makilala ang Diyos at maging maligaya?

KARANASAN:

Si Esa ay lead singer ng isang sikat na banda, abot-kamay na niya ang kaniyang pangarap na maging rock star. Pero pakiramdam niya’y may kulang pa rin sa kaniyang buhay. “Bagaman nag-eenjoy ako sa banda, naghahanap pa rin ako ng mas makabuluhang buhay,” ang sabi niya. Di-nagtagal, may nakilala siyang isang Saksi ni Jehova. “Pinaulanan ko siya ng mga tanong,” ang sabi ni Esa. “Nagkainteres ako sa mga sagot niya mula sa Kasulatan, kaya pumayag akong makipag-aral ng Bibliya sa kaniya.” Dahil tumagos sa puso ni Esa ang mga natutuhan niya sa Bibliya, inialay niya ang kaniyang buhay kay Jehova. “Dati, madalas akong masangkot sa mga gulo’t problema,” ang sabi niya. “Ngayon, may kabuluhan na ang buhay ko.” *

SIMULAIN: “Maligaya ang mga maawain.”—Mateo 5:7.

KUNG PAANO ITO MAKATUTULONG:

Kalakip ng awa ang pagpapakita ng habag, pagiging mabait at makonsiderasyon. Nagpakita si Jesus ng awa sa mga nangangailangan. Dahil sa habag, tinulungan niya ang mga nagdurusa. (Mateo 14:14; 20:30-34) Kapag tinutularan natin si Jesus sa kaniyang pagiging maawain, ginagawa nating makabuluhan ang ating buhay, dahil ang mga taong maawain ay nagiging maligaya. (Gawa 20:35) Maipakikita natin ang awa sa pamamagitan ng mabubuting salita at gawa, anupat gumagaan ang pasan ng mga taong tinutulungan natin. Talaga bang nakabubuti sa atin ang pagpapakita ng awa?

Sina Maria at Carlos

KARANASAN:

Ang mag-asawang Maria at Carlos ay magandang halimbawa sa pagiging maawain. Ang ama ni Maria ay balo, at nitong nakalipas na mga taon ay nakaratay na lang sa higaan. Iniuwi siya nina Maria at Carlos sa kanilang bahay para doon alagaan. Laging napupuyat ang mag-asawa sa pag-aalaga sa kaniya, at isinusugod pa nga siya sa ospital kapag kailangan. Inamin ng mag-asawa na napapagod  din sila kung minsan. Pero maligaya sila, gaya ng sinabi ni Jesus, dahil alam nilang naibibigay nila sa ama ni Maria ang pag-aalagang kailangan niya.

SIMULAIN: “Maligaya ang mga mapagpayapa.”—Mateo 5:9.

KUNG PAANO ITO MAKATUTULONG:

Ang pagiging “mapagpayapa” ay literal na nangangahulugang pagiging “tagapamayapa.” Paano nagiging mas makabuluhan ang buhay sa pagiging tagapamayapa? Una sa lahat, mas nagiging maayos ang ating kaugnayan sa iba. Makabubuting sundin natin ang payo ng Bibliya: “Kung posible, hangga’t nakasalalay sa inyo, makipagpayapaan kayo sa lahat ng tao.” (Roma 12:18) Kasama sa “lahat ng tao” ang ating kapamilya at mga di-kapananampalataya. Talaga bang magiging makabuluhan ang ating buhay kung makikipagpayapaan tayo sa “lahat ng tao”?

Nair

KARANASAN:

Sa nakalipas na mga taon, si Nair ay napaharap sa maraming hamon na sumubok sa kakayahan niyang mapanatili ang kapayapaan, lalo na sa loob ng kaniyang pamilya. Mula nang iwan siya ng kaniyang mister mga 15 taon na ang nakalilipas, mag-isa na lang niyang itinaguyod ang kaniyang mga anak. Isa sa kaniyang anak na lalaki ang naging adik at laging nagwawala. Pinagbabantaan din siya nito at ang kaniyang anak na babae. Naniniwala si Nair na natulungan siya ng mga natutuhan niya sa Bibliya na makipagpayapaan, kahit sa gayong mahirap na sitwasyon. Pinilit niyang huwag makipagtalo o makipag-away. Sinikap niyang maging mabait, madamayin, at maunawain. (Efeso 4:31, 32) Kumbinsido siya na natulungan siya ng pakikipagpayapaan na magkaroon ng mabuting kaugnayan sa kaniyang pamilya at sa iba.

TUMINGIN SA HINAHARAP

Kung susundin natin ang matatalinong payo ni Jesus, magiging maligaya tayo at kontento sa buhay. Pero para maging tunay na makabuluhan ang buhay, kailangan din nating malaman ang mangyayari sa hinaharap. Paano ngang magiging makabuluhan ang buhay kung ang alam lang natin ay tatanda tayo, magkakasakit, at mamamatay? Pero iyan talaga ang nangyayari sa buhay ngayon.

Buti na lang, may magandang balita! Maraming pagpapalang ilalaan si Jehova para sa mga nagsisikap “lumakad na gaya ng paglakad ni Jesus.” Nangako si Jehova ng isang matuwid na bagong sanlibutan, kung saan ang tapat na mga tao ay mabubuhay ayon sa nilayon ni Jehova—magpakailanman taglay ang perpektong kalusugan. Sinasabi ng kaniyang Salita: “Narito! Ang tolda ng Diyos ay nasa sangkatauhan, at tatahan siyang kasama nila, at sila ay magiging kaniyang mga bayan. At ang Diyos mismo ay sasakanila. At papahirin niya ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man. Ang mga dating bagay ay lumipas na.”—Apocalipsis 21:3, 4.

Nananabik ang 84-anyos na si Maria, binanggit sa unang artikulo ng seryeng ito, na makita ang katuparan ng pangakong iyan. Ikaw, gusto mo bang malaman nang higit pa ang tungkol sa “tunay na buhay”—sa ilalim ng Kaharian ng Diyos? (1 Timoteo 6:19) Kung oo, maaari kang magtanong sa mga Saksi ni Jehova sa inyong lugar o sumulat sa mga tagapaglathala ng magasing ito. *

^ par. 8 Mababasa mo ang buong kuwento ni Esa sa artikulong ”Binago ng Bibliya ang Kanilang Buhay—Napakapangit ng Ugali ko”.

^ par. 18 Ang aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya?, inilalathala ng mga Saksi ni Jehova, ay nakatulong sa marami na pag-aralan ang sinasabi ng Kasulatan tungkol sa iba’t ibang paksa.