BINAGO NG BIBLIYA ANG KANILANG BUHAY
“Pangarap Kong Maging Pari”
ISINILANG: 1957
BANSANG PINAGMULAN: MEXICO
DATING SEMINARISTA; MAGAGALITIN
ANG AKING NAKARAAN:
Isinilang ako sa maliit na bayan ng Texcoco. Noong panahong iyon, karamihan sa mga kalsada ay hindi pa sementado at maalikabok. Karaniwan nang makikita roon ang mga tagaibang nayon na papunta sa bayan dala ang mga burikong punô ng paninda. Napakahirap ng buhay namin. Pampito ako sa siyam na magkakapatid. Si Itay ay nagrerepair ng mga guarache (sandalyas) para makaraos kami. Pero namatay siya noong pitong taon pa lang ako. Mula noon, si Inay na ang bumuhay sa amin.
Ang lolo ko ay tumutugtog ng biyolin at konduktor ng isang orkestra ng relihiyosong mga musika. Halos lahat kami sa pamilya ay tumutugtog ng mga instrumento. Si Inay ay kumakanta sa koro ng simbahan, at ang tiyuhin ko naman ay piyanista at mang-aawit sa opera. Relihiyoso kami—sakristan ako, at pangarap kong maging misyonerong Katoliko. Pero mahilig din akong manood ng mga pelikulang karate. Habang dumarami ang napapanood kong ganitong pelikula, lalo akong nagiging marahas.
Nag-aral ako sa lunsod ng Puebla, sa isang relihiyosong eskuwelahan na parang seminaryo. Gusto ko kasing maging pari. Pero noong huling taon ko sa pag-aaral, nadismaya ako sa Simbahang Katoliko. Inakit ako ng isang madre na makipagtalik sa kaniya. Tinanggihan ko ang panunukso niya, pero napukaw nito ang paghahangad kong mag-asawa. Napansin ko ring may mga paring namumuhay nang taliwas sa kanilang itinuturo. Nang bandang huli, tinalikuran ko ang pangarap kong magpari.
Noong sakristan pa ako, pangarap kong maging misyonerong Katoliko, pero mahilig din akong manood ng pelikulang karate kaya naging marahas ako
Nagdesisyon akong mag-aral ng musika sa National Conservatory of Music sa Mexico City. Nang makatapos ako, nag-asawa ako at nagkaroon kami ng apat na anak. Kumakanta ako sa Misa ng Simbahang Katoliko para maitaguyod ang pamilya ko.
Sa umpisa pa lang, magulo na ang pagsasama naming mag-asawa. Dahil sa selos, palagi kaming nag-aaway na madalas ay nauuwi sa pisikal na pananakit. Pagkaraan ng 13 taóng pagsasama, naghiwalay kami at nang maglaon ay nagdiborsiyo.
KUNG PAANO BINAGO NG BIBLIYA ANG BUHAY KO:
Una kong nakilala ang mga Saksi ni Jehova noong bago kami maghiwalay ng asawa ko. Dalawang Saksi ang kumatok sa aming bahay at nag-alok na pag-usapan ang Bibliya. Akala ko’y marami akong alam tungkol sa relihiyon, kaya nagtanong ako ng mahihirap na tanong na iniisip kong hindi nila masasagot. Pero nagulat ako nang sagutin nila ako mula sa Bibliya. Nakita ko kung gaano kababaw ang alam ko. Sa tuwing dumadalaw ang mga Saksi, sinusungitan sila ng asawa ko, at masyado naman akong abala, kaya tumigil sila sa pagdalaw.
Pagkaraan ng limang taon, muli akong natagpuan ng mga Saksi ni Jehova. May iba na akong kinakasama noon, si Elvira. Dahil hindi naman tutol si Elvira sa mga Saksi, naging regular ang aking pag-aaral ng Bibliya. Pero, inabot pa rin ako ng ilang taon bago ako tuluyang nagbago.
Napag-isip-isip kong kailangan kong gumawa ng malalaking pagbabago kung gusto kong sambahin si Jehova nang buong puso. Una, kailangan kong tumigil sa pagkanta sa Misa ng Simbahang Katoliko at humanap ng ibang trabaho. (Apocalipsis 18:4) Kailangan ko ring gawing legal ang aming pagsasama ni Elvira.
Isa sa pinakamahirap baguhin ay ang pagiging magagalitin ko. Dalawang teksto sa Bibliya ang nakatulong sa akin: ang Awit 11:5, na nagsasabing kinapopootan ni Jehova ang karahasan, at ang 1 Pedro 3:7, na nagturo sa akin na dapat kong bigyang-dangal ang asawa ko para pakinggan ni Jehova ang aking panalangin. Habang pinag-iisipan ko ang mga tekstong iyan at nananalanging tulungan ako ni Jehova, unti-unti kong nakontrol ang aking galit.
Natutuhan ko mula sa Bibliya na dapat kong bigyang-dangal ang asawa ko para pakinggan ni Jehova ang aking panalangin
KUNG PAANO AKO NAKINABANG:
May masaya na akong pamilya ngayon. Sinisikap kong ayusin ang aking relasyon sa mga anak ko sa aking unang asawa at tulungan ang aking kasalukuyang pamilya na manatiling matatag sa pananampalataya.
Noong bata ako, pangarap kong maging pari at tumulong sa mga tao. Ngayon may tunay na kabuluhan na ang buhay ko. Nagtuturo ako ng musika para suportahan ang aking pamilya. Laking pasasalamat ko kay Jehova dahil naging matiisin siya sa akin, anupat binigyan niya ako ng pagkakataong magbago at maging mas mabuting tao!