Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

 MAGING MALAPÍT SA DIYOS

Talaga Bang Nagmamalasakit sa Iyo si Jehova?

Talaga Bang Nagmamalasakit sa Iyo si Jehova?

“Pakiramdam ko’y wala akong silbi at ito na siguro ang pinakamalaking hadlang para mapalapít ako sa Diyos.” Iyan ang sinabi ng isang babaing nahihirapang maniwala na magmamalasakit sa kaniya si Jehova. Ganiyan din ba ang iyong nadarama? Kung oo, baka maitanong mo, ‘Talaga bang nagmamalasakit si Jehova sa bawat mananamba niya?’ Oo! Makikita natin sa mga sinabi ni Jesus ang katibayan na nagmamalasakit si Jehova.—Basahin ang Juan 6:44.

Ano nga ba ang sinabi ni Jesus, na siyang higit na nakakakilala kay Jehova at higit na nakaaalam ng layunin Niya? (Lucas 10:22) Sinabi ni Jesus: “Walang taong makalalapit sa akin malibang ilapit siya ng Ama, na nagsugo sa akin.” Kaya hindi tayo magiging tagasunod ni Kristo—at mananamba ng ating Ama sa langit, si Jehova—malibang personal tayong ilapit ni Jehova. (2 Tesalonica 2:13) Kung nauunawaan natin ang ibig sabihin ni Jesus, makikita natin sa kaniyang mga salita ang matibay na ebidensiyang nagmamalasakit ang Diyos.

Ano ang ibig sabihin ng paglalapit sa atin ni Jehova? Ang pandiwang Griego na isinaling “ilapit” ay ginamit din para tumukoy sa paghatak sa lambat na punô ng isda. (Juan 21:6, 11) Ibig bang sabihin ay pinipilit tayo ni Jehova na paglingkuran siya? Hindi. Binigyan tayo ni Jehova ng kalayaang magpasiya, kaya hindi niya pipiliting buksan ang ating puso. (Deuteronomio 30:19, 20) Ganito ang sabi ng isang iskolar: “Walang bukasan sa labas ng pintuan ng puso ng tao. Kailangan itong buksan mula sa loob.” Sinasaliksik ni Jehova ang bilyun-bilyong puso sa mundong ito, anupat hinahanap ang mga taong gustong makilala siya. (1 Cronica 28:9) Kapag nahanap na niya ang gayong tao, kumikilos siya sa nakaaantig na paraan. Paano?

Dahan-dahang inaakit, o hinihila wika nga, ni Jehova ang puso ng isang taong “wastong nakaayon.” (Gawa 13:48) Ginagawa ito ni Jehova sa dalawang paraan—sa pamamagitan ng mabuting balita ng Bibliya, na ipinararating sa bawat isa sa atin, at sa pamamagitan ng kaniyang banal na espiritu. Kapag nakakita si Jehova ng pusong tumutugon sa katotohanang nasa Bibliya, ginagamit niya ang kaniyang espiritu para tulungan ang indibiduwal na iyon na maintindihan at maisabuhay ang katotohanan. (1 Corinto 2:11, 12) Kung wala ang tulong ng Diyos, hindi tayo magiging tunay na tagasunod ni Jesus at tapat na mananamba ni Jehova.

“Walang bukasan sa labas ng pintuan ng puso ng tao. Kailangan itong buksan mula sa loob”

Ano kung gayon ang matututuhan natin tungkol kay Jehova mula sa mga pananalita ni Jesus sa Juan 6:44? Inilalapit ni Jehova ang mga tao dahil may nakita siyang mabuti sa kanilang puso at nagmamalasakit siya sa bawat isa sa kanila. Ang babaing nabanggit sa umpisa ay naaliw nang maintindihan niya ang katotohanang ito. Sinabi niya: “Ang pagiging lingkod ni Jehova ang pinakamataas na karangalang matatamo ng sinuman. At kung pinili ako ni Jehova na maging lingkod niya, ibig sabihin mahalaga ako sa kaniya.” Kumusta ka naman? Ngayong alam mo nang nagmamalasakit si Jehova sa bawat mananamba niya, gusto mo rin bang mapalapít sa kaniya?

Pagbabasa ng Bibliya para sa Mayo

Lucas 22-24Juan 1-16