Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

 MAGING MALAPÍT SA DIYOS

Si Jehova ay “Hindi Nagtatangi”

Si Jehova ay “Hindi Nagtatangi”

Naging biktima ka na ba ng diskriminasyon? Minsan ka na bang hindi pinagbigyan, hindi pinagsilbihan, o hinamak pa nga dahil sa iyong lahi, kulay ng balat, o katayuan sa lipunan? Kung oo, hindi ka nag-iisa. Pero may magandang balita: Bagaman karaniwan sa mga tao ang pagtatangi, hindi tayo kailanman pakikitunguhan ng Diyos sa gayong paraan. Buong-pananalig na sinabi ng Kristiyanong apostol na si Pedro: “Ang Diyos ay hindi nagtatangi.”—Basahin ang Gawa 10:34, 35.

Binanggit ni Pedro ang mga salitang iyan sa isang di-inaasahang sitwasyon—nasa bahay siya ni Cornelio na isang Gentil. Noong panahon ni Pedro, na isang Judio, ang mga Gentil ay itinuturing ng mga Judio na marumi at dapat layuan. Kaya bakit siya nasa bahay ni Cornelio? Dahil ang Diyos na Jehova mismo ang nagsaayos nito. Si Pedro ay tumanggap ng isang pangitain mula sa Diyos at sinabihan: “Huwag mo nang tawaging marungis ang mga bagay na nilinis na ng Diyos.” Walang kamalay-malay si Pedro na isang araw bago nito, si Cornelio ay tumanggap din ng isang pangitain, kung saan inutusan siya ng isang anghel na ipatawag si Pedro. (Gawa 10:1-15) Nang makita ni Pedro na may kinalaman si Jehova sa pangyayaring iyon, hindi niya napigilang magsalita.

Sinabi ni Pedro: “Tunay ngang napag-uunawa ko na ang Diyos ay hindi nagtatangi.” (Gawa 10:34) Ang salitang Griego na isinaling “nagtatangi” ay literal na nangangahulugang “tagakuha ng mukha.” (The Kingdom Interlinear Translation of the Greek Scriptures) Ipinaliwanag ng isang iskolar: “Tumutukoy ito sa isang hukom na tumitingin sa mukha ng isang tao at humahatol hindi batay sa kung may kasalanan ang isang iyon o wala, kundi batay sa kung gusto niya ang taong iyon o hindi.” Walang mukhang pinapaboran ang Diyos batay sa lahi, nasyonalidad, katayuan sa lipunan, o iba pang panlabas na anyo.

Sa halip, ang tinitingnan ni Jehova ay ang ating puso. (1 Samuel 16:7; Kawikaan 21:2) Sinabi pa ni Pedro: “Sa bawat bansa ang tao na natatakot sa kaniya at gumagawa ng katuwiran ay kaayaaya sa kaniya.” (Gawa 10:35) Ang pagkatakot sa Diyos ay nangangahulugan ng paggalang, pagpaparangal, at pagtitiwala sa kaniya, anupat iniiwasan ang anumang hindi nakalulugod sa kaniya. Ang paggawa naman ng katuwiran ay nagsasangkot ng kusang-loob na paggawa ng tama sa paningin ng Diyos. Natutuwa si Jehova sa taong ang puso ay punô ng pagpipitagan at pagkatakot na nagpapakilos sa kaniya na gawin ang tama.—Deuteronomio 10:12, 13.

Kapag tumitingin si Jehova sa lupa, iisa lang ang nakikita niyang lahi—ang lahi ng tao

Kung nakaranas ka na ng diskriminasyon o pagtatangi, mapatitibay ka sa sinabi ni Pedro tungkol sa Diyos. Inaakay ni Jehova ang mga tao ng lahat ng bansa sa tunay na pagsamba. (Juan 6:44; Gawa 17:26, 27) Dinirinig niya at sinasagot ang mga panalangin ng kaniyang mga mananamba anuman ang kanilang lahi, nasyonalidad, o katayuan sa lipunan. (1 Hari 8:41-43) Makapagtitiwala tayo na kapag tumitingin si Jehova sa lupa, iisa lang ang nakikita niyang lahi—ang lahi ng tao. Gusto mo bang higit pang kilalanin ang Diyos na ito na hindi nagtatangi?

Pagbabasa ng Bibliya Para sa Hunyo

Juan 17-21Gawa 1-10