Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

 TAMPOK NA PAKSA: ISANG MUNDO NA WALANG PAGTATANGI—KAILAN?

Pagtatangi—Problema sa Buong Mundo

Pagtatangi—Problema sa Buong Mundo

SI Jonathan, isang Koreano na ipinanganak sa Amerika, ay biktima ng pagtatangi noong bata siya. Habang lumalaki, humanap siya ng isang lugar kung saan hindi siya huhusgahan ng mga tao dahil sa kaniyang hitsura o lahi. Naging doktor siya sa isang bayan sa hilagang Alaska, E.U.A. Doon, nahahawig ang hitsura niya sa karamihan ng kaniyang pasyente. Umaasa siyang sa malamig na lugar na iyon ng Arctic Circle, natakasan na rin niya sa wakas ang mas malamig na hangin ng pagtatangi.

Gumuho ang kaniyang pag-asa nang gamutin niya ang isang 25-anyos na babae. Nang magising ang na-comatose na pasyenteng ito, tiningnan nito ang mukha ni Jonathan at biglang nagmura, dahil galít ito sa mga Koreano. Para kay Jonathan, ang pangyayaring iyan ay isang masaklap na paalaala na hindi niya kailanman matatakasan ang pagtatangi.

 Isang malungkot na katotohanan ang ipinakikita ng karanasan ni Jonathan. Ang pagtatangi ay nasa bawat sulok ng mundo. Lumilitaw na saanman may tao, may pagtatangi.

Gayunman, karamihan sa mga tao ay agad na nagsasabing ayaw nila ng pagtatangi. Kung gayon, bakit napakalaganap nito? Maliwanag na hindi napapansin ng marami sa mga taong iyon na sila mismo ay nagtatangi. Ganoon ka rin kaya?

ISANG PERSONAL NA ISYU

Mahirap malaman kung may pagtatangi sa ating puso. Ipinaliliwanag ng Bibliya: “Ang puso ay higit na mapandaya kaysa anupamang bagay.” (Jeremias 17:9) Kaya baka pinaniniwala natin ang ating sarili na hindi tayo nagtatangi. O baka nangangatuwiran tayo na may dahilan naman kung bakit negatibo ang tingin natin sa isang grupo ng mga tao.

Ano ang madarama mo kung mapaharap ka sa ganitong sitwasyon?

Para ilarawan na hindi ganoon kadaling malaman kung may pagtatangi tayo, isipin ito: Naglalakad kang mag-isa sa isang kalye sa kadiliman ng gabi. May dalawang lalaking hindi mo kilala na papalapit sa iyo. Malalaki ang katawan nila at parang may hawak pa nga ang isa sa kanila.

Iisipin mo ba agad na may gagawing masama sa iyo ang mga lalaking iyon? Totoo, maaaring nag-iingat ka dahil sa mga naranasan mo na noon, pero tama bang isipin mo agad na mapanganib ang dalawang lalaking iyon? Bukod diyan, ano ang naiisip mong lahi o katutubong grupo ng mga lalaking iyon? Ang sagot mo sa tanong na iyan ay maaaring magpakita kung may pagtatangi ka.

Kung tapat tayo sa ating sarili, aaminin nating tayong lahat ay may pagtatangi. Binabanggit sa Bibliya ang isang karaniwang uri ng pagtatangi: “Ang mga tao ay humuhusga batay sa panlabas na anyo.” (1 Samuel 16:7, Contemporary English Version) Dahil tayong lahat ay may ganitong tendensiya—na kadalasa’y nagdudulot ng kapahamakan—may pag-asa pa kayang mapaglabanan o maalis ang pagtatangi sa ating buhay? At darating kaya ang panahong mawawala na ang pagtatangi?