Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

 MAGING MALAPÍT SA DIYOS

‘Lubusan Niyang Pinupuno ang Ating mga Puso’

‘Lubusan Niyang Pinupuno ang Ating mga Puso’

Talaga bang nagmamalasakit sa atin si Jehova, o hindi siya interesado sa kalagayan ng mga tao sa lupa? Nakaaaliw ang sagot ng Bibliya sa tanong na iyan. Talagang nagmamalasakit ang Diyos sa mga tao, at gusto niyang masiyahan tayo sa buhay. Araw-araw, hinahayaan niyang makinabang ang mga tao—kahit ang mga lubhang di-mapagpahalaga—sa kaniyang saganang kabutihan. Isaalang-alang ang pananalita ni apostol Pablo.Basahin ang Gawa 14:16, 17.

Kausap ang mga tao sa lunsod ng Listra na hindi mananamba ng Diyos, sinabi ni Pablo: “Noong mga nakalipas na salinlahi ay pinahintulutan [ng Diyos] ang lahat ng mga bansa na lumakad sa kanilang mga daan, bagaman, sa katunayan, hindi niya pinabayaang wala siyang patotoo sapagkat gumawa siya ng mabuti, na binibigyan kayo ng mga ulan mula sa langit at mabubungang kapanahunan, na lubusang pinupuno ang inyong mga puso ng pagkain at pagkagalak.” Ano ang kahulugan ng mga salitang ito sa mga tagapakinig ni Pablo?

Madaling mauunawaan ng mga taga-Listra ang katotohanan sa pananalita ni Pablo. Pagsasaka ang ikinabubuhay nila, at nakatira sila sa isang rehiyon na ang lupa ay mataba at natutubigang mainam. Pero gaya ng ipinaalaala sa kanila ni Pablo, ang Diyos ang Pinagmumulan ng ulan at mabubungang kapanahunan. Kaya tuwing mag-aani sila nang sagana at masisiyahan sa masasarap na pagkain, nakikinabang sila sa kabutihan ng Diyos.

May mahahalagang aral tayong matututuhan tungkol sa Diyos na Jehova sa pananalita ni Pablo sa mga taga-Listra.

Binigyan tayo ni Jehova ng kalayaang magpasiya. Pansinin na pinahintulutan ni Jehova ang lahat ng bansang Gentil na “lumakad sa kanilang mga daan.” Sinasabi ng isang reperensiya ng mga tagapagsalin ng Bibliya na ang mga salitang ito ay maaaring mangahulugang “lumakad sa paraang gusto nila” o “gawin ang iniisip nilang pinakamabuti.” Hindi pinipilit ni Jehova ang sinuman na sumamba sa kaniya. Pinagkalooban niya tayo ng kalayaang magpasiya—ang kakayahang pumili ng ating sariling landasin sa buhay.Deuteronomio 30:19.

Gusto ni Jehova na makilala natin siya. Hindi niya “pinabayaang wala siyang patotoo,” ang sabi ni Pablo. Sinasabi ng nabanggit na reperensiya na ang mga salitang ito ay maaaring isalin na “malinaw niyang ipinakita sa mga tao kung anong uri siya ng Diyos.” Ang mga nilalang ng Diyos ay matibay na patotoo sa kaniyang “di-nakikitang mga katangian,” kasali na ang kaniyang kabutihan, karunungan, kapangyarihan, at pag-ibig. (Roma 1:20) Higit pa ang isinisiwalat ni Jehova tungkol sa kaniyang sarili sa Bibliya. (2 Timoteo 3:16, 17) Hindi ba maliwanag na gusto niyang makilala natin siya?

Araw-araw, hinahayaan niyang makinabang ang mga tao—kahit ang mga lubhang di-mapagpahalaga—sa kaniyang saganang kabutihan

Gusto ni Jehova na maging maligaya tayo. ‘Lubusan niyang pinupuno ang ating mga puso ng pagkain at pagkagalak,’ ang sabi ni Pablo. Kahit ang makasalanan na hindi kumikilala kay Jehova ay maaaring masiyahan sa pagkain at maging masaya sa buhay. Pero gusto ng Diyos na magkaroon tayo ng tunay at namamalaging kaligayahan. Posible lamang iyan kung malalaman natin ang katotohanan tungkol sa kaniya at ikakapit ito sa ating buhay.Awit 144:15; Mateo 5:3.

Lahat tayo ay nakikinabang sa kabutihan ni Jehova araw-araw. Bakit hindi mo alamin nang higit kung paano mo maipakikita ang iyong pasasalamat sa Diyos na ‘lubusang pumupuno sa iyong puso ng pagkain at pagkagalak’?

Pagbabasa ng Bibliya para sa Hulyo

Gawa 11-28