Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

 SUSI SA MALIGAYANG PAMILYA

Gawing Matagumpay ang Pangalawang Pag-aasawa

Gawing Matagumpay ang Pangalawang Pag-aasawa

HERMAN: * “Namatay ang una kong asawa dahil sa cancer pagkatapos ng 34-na-taon naming pagsasama. Nang mag-asawa akong muli kay Linda, nadama niya na lagi ko siyang ikinukumpara sa una kong asawa. Mas malala pa, madalas na pag-usapan ng dati kong mga kaibigan ang magagandang katangian ng namatay kong asawa, at nasasaktan si Linda.”

LINDA: “Pagkatapos naming magpakasal ni Herman, pakiramdam ko, hindi ko kailanman mapapantayan ang una niyang asawa kasi maraming nagmamahal dito. Malambing ito at mabait. Kung minsan, naiisip ko kung mapapalapít kaya ako kay Herman na gaya ng una niyang asawa.”

Si Linda ay nakipagdiborsiyo sa kaniyang unang asawa. Maligaya sina Herman at Linda sa piling ng isa’t isa. Pero gaya ng inamin nila, ang pangalawang pag-aasawa ay maaaring may mga hamon na wala sa unang pag-aasawa. *

Kung nag-asawa kang muli, ano ang nadarama mo sa iyong pangalawang pag-aasawa? Si Tamara, na nag-asawang muli tatlong taon matapos siyang makipagdiborsiyo, ay nagsabi: “Sa una mong pag-aasawa, pakiramdam mo, panghabambuhay ang inyong pagsasama. Pero sa pangalawa mong pag-aasawa, baka hindi mo na madama iyon kasi lagi mong naiisip na ang una mong pag-aasawa ay hindi nagtagal.”

Gayunman, marami ang nakadama ng tunay at namamalaging kaligayahan pagkatapos na mag-asawang muli. Nagawa nilang maging matagumpay ang kanilang pag-aasawa—at magagawa mo rin ito! Paano? Isaalang-alang ang tatlong hamon at kung paano makatutulong  ang mga simulain ng Bibliya para maharap mo ang mga iyon. *

HAMON 1: NAHIHIRAPAN KANG HINDI MAHIGITAN NG DATING PAG-AASAWA ANG PAG-AASAWA MO NGAYON.

“Hindi ko basta mabubura sa isip ko ang alaala ng aking unang asawa, lalo na kapag nagpupunta kami ng mister ko ngayon sa mga lugar na dati naming pinagbakasyunan ng una kong asawa,” ang sabi ni Ellen, na nakatira sa Timog Aprika. “Kung minsan, naikukumpara ko ang aking asawa sa dati kong asawa.” Sa kabilang dako, kung ang iyong asawa ay may dating kabiyak, baka magdamdam ka kung madalas niyang banggitin ang dati niyang asawa.

Bumuo ng bagong mga alaala na magpapatibay sa buklod ninyong mag-asawa

MUNGKAHI: Tanggapin na di-makatotohanang asahang basta makalilimutan mo o ng iyong kabiyak ang naunang pag-aasawa, lalo na kung tumagal ito nang ilang taon. Sa katunayan, inamin ng ilan na di-sinasadyang natatawag nila ang kanilang kabiyak sa pangalan ng una nilang asawa! Paano mo haharapin ang gayong sitwasyon o isa na katulad nito? “Maging maunawain,” ang payo ng Bibliya.1 Pedro 3:8, Magandang Balita Biblia.

Huwag basta ipagbawal dahil sa selos ang anumang pagbanggit tungkol sa naunang pag-aasawa. Kung nadarama ng iyong kabiyak na kailangan niyang ipakipag-usap ang tungkol sa kaniyang dating asawa, maging maunawain at may-kabaitang makinig. Huwag ding isipin agad na ikinukumpara ka. “Hindi ipinagbabawal ng misis kong si Kaitlyn na pag-usapan ang namatay kong asawa,” ang sabi ni Ian, na nag-asawang muli sampung taon nang nakalilipas. “Sa halip, itinuring niya itong paraan para higit niya akong makilala.” Baka makatulong pa nga sa iyo ang gayong pag-uusap para maging mas malapít ka sa iyong bagong kabiyak.

Magtuon ng pansin sa natatangi at positibong mga katangian ng iyong kasalukuyang asawa. Totoo, baka wala sa kabiyak mo ngayon ang ilang katangian at abilidad na taglay ng iyong unang asawa. Pero tiyak na may magagandang katangian din ang asawa mo ngayon. Kaya patibayin ang kaugnayan mo sa kaniya, “hindi kung ihahambing sa ibang tao,” kundi sa pagsasaisip at pagpapahalaga sa mga katangiang nagustuhan mo sa kaniya. (Galacia 6:4) Ganito ang sinabi ni Edmond, na dalawang beses nang nag-asawa, “Kung paanong walang magkatulad na pagkakaibigan, wala ring magkatulad na pag-aasawa.”

Paano ka magiging timbang pagdating sa masasayang alaala ng iyong unang pag-aasawa at sa buhay ninyo ngayon ng bago mong asawa? “Ipinaliwanag ko noon sa misis ko na ang aking unang pag-aasawa ay gaya ng isang magandang aklat na isinulat namin ng una kong asawa,” ang sabi ni Jared. “Paminsan-minsan, baka buksan ko ito at basahin at gunitain ang masasaya naming karanasan. Pero hindi ako nabubuhay sa aklat na iyon. Sa halip, magkasama naming isinusulat ng asawa ko ngayon ang aming aklat, at masaya ako sa piling niya.”

SUBUKAN ITO: Itanong sa iyong kabiyak kung naaasiwa siya kapag pinag-uusapan ang tungkol sa naunang pag-aasawa. Alamin kung kailan hindi makabubuting pag-usapan ang tungkol dito.

HAMON 2: NAHIHIRAPAN KANG MAKIHALUBILO SA MGA MATAGAL NANG KAIBIGAN NA DI-PAMILYAR SA BAGO MONG ASAWA.

“Sa loob ng ilang panahon pagkatapos naming makasal, nadama ng misis ko na kinikilatis at sinusubukan siya ng mga kaibigan ko,” ang sabi ni Javier, na nag-asawang muli anim na taon pagkaraang makipagdiborsiyo. Iba naman ang naging kalagayan ni Leo. Ikinuwento niya, “Sinabi ng ilan sa misis ko na mahal na mahal nila at nami-miss ang dati nitong asawa—sa harap ko mismo!”

MUNGKAHI: Ilagay ang iyong sarili sa kalagayan ng iyong mga kaibigan. “Sa tingin ko, kung minsan ay napakasakit at nakaaasiwa para sa mga dati nang kaibigan ang pakikisama sa isa lang sa mag-asawa na kilala nila,” ang sabi ni Ian, na nabanggit kanina. Kaya “maging makatuwiran, nagpapakita ng buong kahinahunan sa lahat ng tao.” (Tito 3:2) Magbigay ng panahon para makapag-adjust ang iyong mga kaibigan at kapamilya. Yamang nagbago ang iyong pag-aasawa, maaari ding magbago ang iyong mga pakikipagkaibigan. Sinabi ni Javier, na nabanggit kanina, na sa paglipas ng mga taon, silang mag-asawa ay muling nakisama sa dating mga kaibigan. Sinabi pa niya, “Pero nagkaroon din kami ng bagong mga kaibigan at nakatulong iyan sa amin.”

 Isaalang-alang ang damdamin ng iyong kabiyak kapag nakikisama ka sa dati mong mga kaibigan. Halimbawa, kapag napag-uusapan ang una mong pag-aasawa, maging mataktika at gumamit ng mahusay na pagpapasiya para maiwasang maramdaman ng iyong asawa na hindi siya kabilang sa usapan. Isang kawikaan sa Bibliya ang nagsasabi: “Kung ang isang tao ay magsasalita nang hindi nag-iisip, ang mga salitang iyon ay makasasakit na parang tabak. Pero ang taong matalino ay maingat sa kaniyang pagsasalita. Ang kaniyang salita ay nakagiginhawa.”Kawikaan 12:18, Holy Bible—Easy-to-Read Version.

SUBUKAN ITO: Isipin ang mga salu-salong maaaring makaasiwa sa iyo o sa iyong asawa. Pag-usapan nang patiuna kung paano tutugon sa mga tanong at komento ng inyong mga kaibigan tungkol sa naunang pag-aasawa.

HAMON 3: NAHIHIRAPAN KANG MAGTIWALA SA IYONG BAGONG ASAWA DAHIL NAGTAKSIL ANG UNA MONG ASAWA.

“Dati, takót na takót akong muling pagtaksilan,” ang sabi ni Andrew na iniwan ng kaniyang unang asawa. Nang maglaon, pinakasalan niya si Riley. “Lagi kong naiisip kung magiging mabuting asawa kaya ako na gaya ng unang asawa ni Riley. Nag-alala pa nga ako na baka isipin niyang hindi ako mabuting asawa at iwan niya ako para sumama sa iba.”

MUNGKAHI: Huwag mahiyang ipakipag-usap ang mga ikinababahala mo sa iyong kabiyak. “Nabibigo ang mga plano kung saan walang matalik na usapan,” ang sabi ng Bibliya. (Kawikaan 15:22) Ang matalik na usapan ang nakatulong kina Andrew at Riley na magtiwala sa isa’t isa. “Sinabi ko kay Riley na hinding-hindi ako makikipagdiborsiyo para malusutan ang mga problema,” ang sabi ni Andrew, “at iyon din ang tiniyak sa akin ni Riley. Unti-unti, lubusan akong nagtiwala sa kaniya.”

Kung ang asawa mo ay pinagtaksilan ng dati niyang asawa, gawin ang iyong buong makakaya para makamit ang pagtitiwala niya. Halimbawa, sina Michel at Sabine, na parehong nauwi sa diborsiyo ang unang pag-aasawa, ay nagkasundo na sabihin sa isa’t isa kung makakausap nila ang kani-kanilang dating asawa. “Ang kasunduang ito ay tumulong sa amin na maging panatag,” ang sabi ni Sabine.Efeso 4:25.

SUBUKAN ITO: Limitahan ang pribadong pakikipag-usap sa di-kasekso, ito man ay harapan, sa telepono, o sa Internet.

Maraming pangalawang pag-aasawa ang nagtagumpay, at maaari ding magtagumpay ang sa iyo. Tutal, kung ikukumpara sa una mong pag-aasawa, malamang na mas kilala mo na ang iyong sarili. “Talagang naging maligaya ako sa piling ni Riley,” ang sabi ni Andrew, na nabanggit kanina. “Pagkatapos ng 13-taóng pagsasama, naging napakalapít namin sa isa’t isa, anupat hinding-hindi namin gugustuhing maghiwalay.”

^ par. 3 Binago ang mga pangalan.

^ par. 5 Siyempre pa, magkaiba ang mga sitwasyon at nadarama ng isa na namatayan ng asawa at ng isa na nakipagdiborsiyo. Ang artikulong ito ay dinisenyo para tulungan ang isa na nasa alinmang sitwasyon na maging matagumpay sa pangalawang pag-aasawa.

^ par. 7 Para sa impormasyon tungkol sa mga hamon sa pagpapalaki ng mga anak ng asawa mo, tingnan ang serye ng artikulong “Susi sa Maligayang Stepfamily” sa Gumising!, isyu ng Abril 2012 na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.

TANUNGIN ANG SARILI . . .

  • Ano ang ilang magagandang katangian ng aking kabiyak na labis kong pinahahalagahan?

  • Kapag napag-uusapan ang nauna kong pag-aasawa, paano ako tutugon sa paraang magbibigay ng kapanatagan at dangal sa aking kasalukuyang asawa?