Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

TANONG NG MGA MAMBABASA . . .

Bakit Hindi Pinanganlan ang Ilang Tauhan sa Bibliya?

Bakit Hindi Pinanganlan ang Ilang Tauhan sa Bibliya?

Sa aklat ng Bibliya na Ruth, isang lalaking tumangging tuparin ang kaniyang tungkulin ayon sa Kautusang Mosaiko ang tinawag lamang na Kuwan. (Ruth 4:1-12) Dapat ba nating isipin na ang lahat ng tauhan sa Bibliya na hindi pinanganlan ay may masasamang ugali o hindi mahalaga?

Hindi. Isaalang-alang ang ibang halimbawa. Bilang paghahanda para sa kaniyang huling hapunan ng Paskuwa, sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad na ‘pumaroon sa lunsod kay Ganoon-at-ganito [“gayong tao,” Ang Biblia]’ at ihanda ang mga bagay-bagay sa tahanan nito. (Mateo 26:18) Ibig bang sabihin, ang lalaking tinukoy sa talatang ito na “Ganoon-at-ganito” ay masama o hindi mahalaga? Hindi. Ang “gayong tao” na binanggit dito ay tiyak na isang alagad ni Jesus. Yamang ang kaniyang pangalan ay hindi kailangan sa ulat na ito, hindi na ito binanggit.

Bukod diyan, iniuulat ng Bibliya ang pangalan ng maraming masamang tao. Binabanggit din nito ang maraming tapat na taong di-pinanganlan. Halimbawa, kilalang-kilala ang pangalan ni Eva, ang unang babae. Pero ang kaniyang kasakiman at di-pagsunod ay nag-udyok kay Adan na magkasala, at nagdulot ng kapaha-pahamak na resulta para sa ating lahat. (Roma 5:12) Sa kabaligtaran, ang asawa naman ni Noe ay hindi pinanganlan sa Kasulatan. Pero malaki ang utang na loob natin sa kaniya dahil sa kaniyang mapagsakripisyo at masunuring saloobin sa pagsuporta sa napakahalagang gawain ng kaniyang asawa. Maliwanag, ang di-pagbanggit sa kaniyang pangalan ay hindi nagpapahiwatig na siya ay walang halaga o hindi sinasang-ayunan ng Diyos.

May iba pang di-pinanganlang indibiduwal sa Bibliya na gumanap ng mahahalagang papel sa layunin ni Jehova. Isipin ang batang babaing Israelita na alipin sa sambahayan ni Naaman, ang pinuno ng hukbo ng Sirya. Lakas-loob niyang sinabi sa kaniyang among babae, na asawa ni Naaman, ang tungkol sa propeta ni Jehova sa Israel. Dahil dito, nagkaroon ng malaking himala. (2 Hari 5:1-14) Nag-iwan din ng natatanging halimbawa ng pananampalataya ang anak na babae ng hukom ng Israel na si Jepte. Kusa niyang tinalikdan ang pagkakataong mag-asawa at mag-anak upang tuparin ang panata ng kaniyang ama. (Hukom 11:30-40) Hindi rin pinanganlan ang mahigit 40 mangangatha ng awit, gayundin ang tapat na mga propeta na nagsagawa ng kanilang mahahalagang atas.​—1 Hari 20:37-43.

Marahil lalo nang kahanga-hanga ang halimbawa ng tapat na mga anghel. May daan-daang milyong anghel, ngunit dalawa lamang ang pinanganlan sa Bibliya​—sina Gabriel at Miguel. (Daniel 7:10; Lucas 1:19; Judas 9) Ang lahat ng iba pa ay di-pinanganlan sa mga ulat ng Bibliya. Halimbawa, tinanong ni Manoa, na ama ni Samson, ang isang anghel: “Ano ang pangalan mo, upang kapag nagkatotoo ang iyong salita ay maparangalan ka namin?” Ang sagot ng anghel? “Bakit mo pa itinatanong ang pangalan ko?” Mapagpakumbabang tinanggihan ng anghel na iyon ang karangalan na nararapat lamang sa Diyos.​—Hukom 13:17, 18.

Hindi ipinaliliwanag ng Bibliya sa bawat kaso kung bakit ang ilan ay pinanganlan at ang iba naman ay hindi. Pero marami tayong matututuhan sa tapat na mga indibiduwal na naglingkod sa Diyos na hindi umaasang maging tanyag o prominente.