Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

MAGING MALAPÍT SA DIYOS

“Ang Kaniyang Di-nakikitang mga Katangian ay Malinaw na Nakikita”

“Ang Kaniyang Di-nakikitang mga Katangian ay Malinaw na Nakikita”

Naniniwala ka ba sa Diyos? Kung oo, mapatutunayan mo ba na talagang umiiral siya? Ang totoo, kahit saan tayo tumingin, may katibayan na umiiral ang isang Maylalang na matalino, makapangyarihan, at maibigin. Ano ang katibayang ito, at nakakukumbinsi ba ito? Para malaman ang sagot, isaalang-alang ang sinabi ni apostol Pablo sa kaniyang liham sa mga Kristiyano sa Roma.

Sinabi ni Pablo tungkol sa Diyos: “Ang kaniyang di-nakikitang mga katangian ay malinaw na nakikita mula pa sa pagkalalang ng sanlibutan, sapagkat napag-uunawa ang mga ito sa pamamagitan ng mga bagay na ginawa, maging ang kaniyang walang-hanggang kapangyarihan at pagka-Diyos, anupat wala silang maidadahilan.” (Roma 1:20) Malinaw na makikita sa mga gawa ng Maylalang ang katibayan na umiiral siya, gaya ng binanggit ni Pablo. Suriin natin ang sinabi ni Pablo.

Makikita ang mga katangian ng Diyos “mula pa sa pagkalalang ng sanlibutan,” ang sabi ni Pablo. Sa konteksto nito, ang salitang Griego na isinaling “sanlibutan” ay hindi tumutukoy sa planetang Lupa. Sa halip, tumutukoy ito sa sangkatauhan. a Kaya, sinasabi ni Pablo na mula nang lalangin ang mga tao, makikita nila ang katibayan ng mga katangian ng Diyos sa mga bagay na kaniyang ginawa.

Kitang-kita ang katibayang iyan. Hindi ito nakatago sa kalikasan kundi “malinaw na nakikita.” Mula sa pinakamalaki hanggang sa pinakamaliit na nilalang, malinaw na isinisiwalat ng mga ito hindi lamang ang pag-iral ng isang Maylalang kundi na mayroon din siyang kahanga-hangang mga katangian. Hindi ba isinisiwalat sa atin ng matalinong disenyo, na kitang-kita sa kalikasan, ang karunungan ng Diyos? Hindi ba isinisiwalat ng mabituing kalangitan at ng hampas ng malalaking alon ang kaniyang kapangyarihan? Hindi ba isinisiwalat ng sari-saring pagkain na kasiya-siya sa ating panlasa at ng kagandahan ng pagsikat at paglubog ng araw ang kaniyang pag-ibig para sa sangkatauhan?​—Awit 104:24; Isaias 40:26.

Gaano kalinaw ang katibayan? Napakalinaw, anupat ang mga hindi nakakakita nito at tumatangging maniwala sa Diyos ay ‘walang maidadahilan.’ Ganito ang paglalarawan dito ng isang iskolar: May isang drayber na hindi nagbigay-pansin sa isang sign na nagsasabing “Detour​—Turn Left.” Pinahinto siya ng isang pulis at tinikitan. Nangatuwiran ang drayber na hindi niya nakita ang sign. Pero hindi siya pinaniwalaan ng pulis dahil kitang-kita ang sign at wala namang diperensiya ang paningin ng drayber. Isa pa, bilang isang drayber, pananagutan niyang tingnan at sundin ang mga sign. Gayundin kung tungkol sa katibayan ng pag-iral ng Diyos sa kalikasan. Kitang-kita ang “sign” na ito. Bilang matatalinong nilalang, nakikita natin ito. Walang dahilan para hindi magbigay-pansin dito.

Malinaw na makikita sa mga gawa ng Maylalang ang katibayan na umiiral siya

Oo, maraming isinisiwalat ang aklat ng paglalang tungkol sa ating Maylalang. Pero may isa pang aklat na nagsisiwalat nang higit pa tungkol sa kaniya​—ang Bibliya. Sa mga pahina nito, malalaman natin ang sagot sa napakahalagang tanong na ito: Ano ang layunin ng Diyos para sa ating lupa at sa mga taong nakatira dito? Kung aalamin mo ang sagot sa tanong na iyan, matutulungan ka nitong maging mas malapít sa Diyos na ang “di-nakikitang mga katangian ay malinaw na nakikita” sa daigdig.

Pagbabasa ng Bibliya para sa Agosto

Roma 1-16

a Binabanggit din ng Bibliya na ang “sanlibutan” ay nagkakasala at nangangailangan ng isang tagapagligtas. Maliwanag na ipinakikita nito na sa mga kontekstong ito, ang termino ay tumutukoy sa sangkatauhan at hindi sa lupa.​—Juan 1:29; 4:42; 12:47.