TAMPOK NA PAKSA
Pornograpya—Di-nakapipinsala o Nakalalason?
Laganap ngayon sa daigdig ang pornograpya. a Makikita ito sa mga advertisement, kausuhan, pelikula, musika, at mga magasin, pati na sa telebisyon, mga video game, cellphone o iba pang gadyet, Web site, at mga photo-sharing service sa Internet. Ang pornograpya ay karaniwan nang tinatanggap sa modernong lipunan. Ngayon higit kailanman, mas maraming tao sa mas maraming lugar ang gumugugol ng higit na panahon sa pornograpya.—Tingnan ang kahon na “Ang Totoo Tungkol sa Pornograpya.”
Ang anyo ng pornograpya ay nagbabago rin. Isinulat ni Propesor Gail Dines: “Naging mas malaswa ang mga larawan ngayon anupat ang pornograpyang itinuturing noon na grabe ay karaniwan na lang sa ngayon.”
Ano ang tingin mo sa kalakarang ito? Ang pornograpya ba ay di-nakapipinsalang libangan o nakamamatay na lason? Sinabi ni Jesus: “Bawat mabuting punungkahoy ay nagluluwal ng mainam na bunga, ngunit bawat bulok na punungkahoy ay nagluluwal ng walang-kabuluhang bunga.” (Mateo 7:17) Ano ang bunga ng pornograpya? Para malaman ang sagot, pag-usapan muna natin ang ilang karaniwang tanong tungkol sa pornograpya.
Paano nakaaapekto ang pornograpya sa mga indibiduwal?
ANG SINASABI NG MGA EKSPERTO: Ang pornograpya ay lubhang nakasusugapa na gaya ng crack cocaine, ayon sa ilang mananaliksik at terapist.
Si Brian, b na nahumaling sa pornograpya sa Internet, ay nagsabi: “Walang makapigil sa akin. Para akong wala sa sarili. Nanginginig ako at sumasakit ang ulo ko. Sinikap kong huminto, pero pagkalipas ng mga taon, sugapa pa rin ako.”
Karaniwan nang itinatago ng mga nahuhumaling sa pornograpya ang kanilang bisyo. Malihim sila at mapanlinlang. Hindi kataka-taka, marami sa kanila ang nakadarama ng kahihiyan, pagkabalisa, depresyon, at galit. Pakiramdam nila’y nag-iisa sila. Ang ilan pa nga sa kanila ay nag-iisip magpakamatay. “Puro sarili ko na lang ang iniisip ko at naging desperado ako,” ang sabi ni Serge, na nagda-download ng pornograpya sa kaniyang cellphone halos araw-araw. “Parang wala akong halaga, nakokonsensiya ako, at pakiramdam ko, nag-iisa ako at walang magawa. Hindi ako makahingi ng tulong dahil sa sobrang hiya at takot.”
Kahit ang pagsulyap lang sa pornograpya ay maaaring magbunga ng masamang resulta. Si Dr. Judith Reisman, isang kilaláng mananaliksik tungkol sa pornograpya, ay nagsabi sa harap ng isang komite ng Senado sa Estados Unidos: “Ang mga pornograpikong larawan ay tumatatak at bumabago sa utak. Pinagmumulan ito ng bigla, di-makontrol, pero nagtatagal na alaala [na] mahirap o imposibleng burahin.” Si Susan, 19 anyos, na nahantad sa pornograpikong mga Web site, ay nagsabi: “Nakaukit sa aking isip ang mga larawan. Bigla na lang pumapasok ang mga ito sa isip ko. Parang hindi ko na kailanman mabubura ang mga iyon.”
MAHALAGANG TANDAAN: Inaalipin at pinipinsala ng pornograpya ang mga biktima nito.—2 Pedro 2:19.
Paano nakaaapekto ang pornograpya sa mga pamilya?
ANG SINASABI NG MGA EKSPERTO: “Sinisira ng pornograpya ang relasyon ng mga mag-asawa at pamilya.”—The Porn Trap, nina Wendy at Larry Maltz.
Nakapipinsala ang pornograpya sa relasyon ng mga mag-asawa at pamilya dahil
-
Pinahihina nito ang tiwala, ugnayan, at pag-ibig ng mag-asawa sa isa’t isa.—Kawikaan 2:12-17.
-
Itinataguyod nito ang kasakiman, kawalang-malasakit, at kawalang-kasiyahan sa asawa.—Efeso 5:28, 29.
-
Pinupukaw nito ang malalaswang seksuwal na pantasya at pagnanasa.—2 Pedro 2:14.
-
Tinutukso nito ang mga nanonood na ipilit sa kanilang asawa ang malalaswang seksuwal na gawain.—Efeso 5:3, 4.
-
Itinataguyod nito ang pagtataksil.—Mateo 5:28.
Pinapayuhan ng Bibliya ang mga mag-asawa na huwag “makitungo nang may kataksilan” sa isa’t Malakias 2:16) Ang pagtataksil ay maaaring sumira sa pag-aasawa at humantong sa paghihiwalay at diborsiyo. Ang gayong paghihiwalay ay nakapipinsala naman sa mga anak.
isa. (Maaari ding mas tuwirang mapinsala ng pornograpya ang mga bata. Si Brian, na nabanggit kanina, ay nagsabi: “Noong mga sampung taon ako, di-sinasadyang nakita ko ang pornograpikong mga magasin ni Tatay habang naglalaro ng taguan. Mula noon, palihim kong tinitingnan ang mga ito nang hindi talaga naiintindihan kung bakit ko gustong gawin iyon. Diyan nagsimula ang masamang bisyo ko na tumagal nang maraming taon.” Ipinakikita ng mga pag-aaral na ang pornograpya ay nakaiimpluwensiya sa mga kabataan. Maaari silang magkaroon ng seksuwal na mga kaugnayan nang mas maaga, maging liberal at marahas pagdating sa sekso, at magkaproblema sa emosyon at pag-iisip.
MAHALAGANG TANDAAN: Nilalason ng pornograpya ang magagandang ugnayan at nagdudulot ito ng sama ng loob at kirot.—Kawikaan 6:27.
Ano ang pangmalas ng Diyos tungkol sa pornograpya?
ANG SINASABI NG SALITA NG DIYOS: “Patayin ninyo, kung gayon, ang mga sangkap ng inyong katawan . . . may kinalaman sa pakikiapid, karumihan, pita sa sekso, nakasasakit na pagnanasa, at kaimbutan, na siyang idolatriya.”—Colosas 3:5.
Sa madaling salita, kinapopootan ng Diyos na Jehova c ang pornograpya. Hindi naman dahil sa napakahigpit niya pagdating sa sekso. Sa katunayan, nilalang niya ang ating seksuwal na kakayahan at nilayong gamitin ito ng mag-asawa para palugdan ang isa’t isa, maging malapít, at magkasamang masiyahan sa pagkakaroon ng mga anak.—Santiago 1:17.
Kung gayon, paano natin matitiyak na kinapopootan ni Jehova ang pornograpya? Isaalang-alang ang ilan lamang sa mga dahilan.
-
Alam niyang makasisira ng buhay ang pornograpya.—Efeso 4:17-19.
-
Mahal niya tayo at gusto niyang ingatan tayo mula sa pinsala.—Isaias 48:17, 18.
-
Gustong ingatan ni Jehova ang ugnayan ng mga mag-asawa at pamilya.—Mateo 19:4-6.
-
Gusto niyang maging malinis tayo sa moral at igalang natin ang karapatan ng iba.—1 Tesalonica 4:3-6.
-
Gusto niyang igalang natin ang ating kakayahang mag-anak at gamitin ito sa marangal na paraan.—Hebreo 13:4.
-
Alam ni Jehova na masasalamin sa pornograpya ang pilipit, makasarili, at satanikong pangmalas sa sekso.—Genesis 6:2; Judas 6, 7.
MAHALAGANG TANDAAN: Sinisira ng pornograpya ang pakikipagkaibigan ng isa sa Diyos.—Roma 1:24.
Gayunman, si Jehova ay may matinding awa sa mga gustong makalaya sa pornograpya. Sinasabi ng Bibliya: “Si Jehova ay maawain at magandang-loob, mabagal sa pagkagalit at sagana sa maibiging-kabaitan. Sapagkat nalalaman niyang lubos ang kaanyuan natin, na inaalaalang tayo ay alabok.” (Awit 103:8, 14) Inaanyayahan niya ang mga mapagpakumbaba na bumaling sa kaniya upang “makapagtamo . . . ng awa at makasumpong ng di-sana-nararapat na kabaitan bilang tulong sa tamang panahon.”—Hebreo 4:16; tingnan ang kahon na “Kung Paano Makalalaya sa Pornograpya.”
Marami ang tumanggap ng tulong ng Diyos. Talaga bang nakatulong ito sa kanila? Pansinin ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa ilan na nadaig ang kanilang bisyo: “Hinugasan na kayong malinis, . . . pinabanal na kayo, . . . ipinahayag na kayong matuwid sa pangalan ng ating Panginoong Jesu-Kristo at sa espiritu ng ating Diyos.” (1 Corinto 6:11) Tulad ni apostol Pablo, masasabi nila: “Sa lahat ng bagay ay may lakas ako dahil sa kaniya na nagbibigay ng kapangyarihan sa akin.”—Filipos 4:13.
Ganito ang sinabi ni Susan na nakalaya sa kaniyang adiksiyon sa pornograpya: “Si Jehova lang ang makatutulong sa iyo na makalaya sa pornograpya. Kung hihingin mo ang kaniyang tulong at patnubay, maaari kang magkaroon ng malinis na katayuan sa harap niya. Hindi ka niya bibiguin.”
a Ang terminong “pornograpya” ay tumutukoy sa malalaswang materyal na dinisenyo upang pukawin ang damdamin ng mga nakakakita, nagbabasa, o nakikinig nito. Kasama rito ang mga larawan pati na ang anumang materyal na mababasa o mapapakinggan.
b Binago ang mga pangalan sa artikulong ito.
c Jehova ang pangalan ng Diyos gaya ng sinasabi sa Bibliya.