Malapit Na ang Wakas ng Pagdurusa!
Isiping nabubuhay ka sa isang daigdig na wala nang pagdurusa
ANG PAMAMAHALA NG MABUTING GOBYERNO
“Magtatatag ang Diyos ng langit ng isang kaharian na hindi magigiba kailanman. At ang kaharian ay hindi isasalin sa iba pang bayan. Dudurugin nito at wawakasan ang lahat ng mga kahariang ito, at iyon ay mananatili hanggang sa mga panahong walang takda.”
Ang Kaharian ng Diyos ay isang makalangit na gobyerno. Ang napiling Tagapamahala nito, si Jesu-Kristo, ang papalit sa lahat ng taong tagapamahala. Titiyakin niyang mangyayari ang kalooban ng Diyos hindi lang sa langit kundi pati na rin sa lupa. (Mateo 6:9, 10) Ang gobyernong ito ay hindi papalitan ng anumang gobyerno ng tao dahil ito ang “walang-hanggang kaharian ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesu-Kristo.” Tiyak na magkakaroon ng namamalaging kapayapaan.
WALA NANG HUWAD NA RELIHIYON
“Si Satanas mismo ay laging nag-aanyong isang anghel ng liwanag. Kaya nga hindi malaking bagay kung ang kaniyang mga ministro rin ay laging nag-aanyong mga ministro ng katuwiran. Ngunit ang kanilang wakas ay magiging ayon sa kanilang mga gawa.”
Ibubunyag ang huwad na relihiyon bilang gawa ng Diyablo at aalisin ito mula sa lupa. Mawawala na ang lahat ng pagkapanatiko at pagbububo ng dugo dahil sa relihiyon. Bilang resulta, ang lahat ng umiibig sa “buháy at tunay na Diyos” ay makasasamba sa kaniya sa “isang pananampalataya” at sa “espiritu at katotohanan.” Tunay ngang iiral ang kapayapaan at pagkakaisa!
MAWAWALA NA ANG DI-KASAKDALAN NG TAO
“Ang Diyos mismo ay sasakanila. At papahirin niya ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man. Ang mga dating bagay ay lumipas na.”
Pangyayarihin ito ng Diyos na Jehova sa pamamagitan ng kaniyang Anak, si Jesus, na nagbigay ng kaniyang buhay para sa sangkatauhan. (Juan 3:16) Sa ilalim ng pamamahala ni Jesus, ang sangkatauhan ay ibabalik sa kasakdalan. Wala nang sinumang magdurusa sapagkat “ang Diyos mismo ay sasakanila” at “papahirin niya ang bawat luha sa kanilang mga mata.” Lilipas na ang di-kasakdalan at pagdurusa ng tao; “ang mga matuwid ang magmamay-ari ng lupa, at tatahan sila roon magpakailanman.”
MAWAWALA NA ANG MASASAMANG ESPIRITU
“Sinunggaban niya [ni Jesu-Kristo] ang dragon, ang orihinal na serpiyente, na siyang Diyablo at Satanas, at iginapos siya sa loob ng isang libong taon. At inihagis niya siya sa kalaliman at isinara iyon at tinatakan iyon sa ibabaw niya, upang hindi na niya mailigaw pa ang mga bansa.”
Mawawala na ang impluwensiya ni Satanas at ng mga demonyo kapag sila ay iginapos at inihagis sa “kalaliman,” isang kalagayan kung saan wala nang anumang magagawa. Hindi na nila makokontrol ang gawain ng mga tao. Napakasarap ngang mabuhay sa isang daigdig na wala nang impluwensiya ni Satanas at ng masasamang espiritu!
MATATAPOS NA ANG “MGA HULING ARAW”
Ang “mga huling araw” ay magwawakas sa “malaking kapighatian.” Tinukoy ito ni Jesus nang sabihin niya: “Kung magkagayon ay magkakaroon ng malaking kapighatian gaya ng hindi pa nangyayari mula nang pasimula ng sanlibutan hanggang sa ngayon, hindi, ni mangyayari pang muli.”
Ang kapighatian ay magiging malaki sa diwa na magkakaroon ng kahindik-hindik na mga pangyayari na wala pang katulad. Magwawakas ito sa “digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat,” ang Armagedon.
Inaasam ng lahat ng taong umiibig sa katuwiran ang wakas ng masamang sistemang ito ng mga bagay. Isaalang-alang ang ilan lamang sa mga pagpapalang naghihintay sa kanila sa Kaharian ng Diyos.
HIGIT PA ANG GAGAWIN NG DIYOS!
Ang “malaking pulutong” ay iingatang buháy tungo sa mapayapang bagong sanlibutan: Sinasabi ng Salita ng Diyos na isang di-mabilang na “malaking pulutong” ng mga tao ang ‘lalabas mula sa malaking kapighatian’ at iingatang buháy tungo sa matuwid na bagong sanlibutan. (Apocalipsis 7:9, 10, 14; 2 Pedro 3:13) Utang nila ang kanilang kaligtasan kay Jesu-Kristo, “ang Kordero ng Diyos na nag-aalis ng kasalanan ng sanlibutan.”
Ang pagtuturo ng Diyos ay magdudulot ng maraming pagpapala: Sa bagong sanlibutan, “ang lupa ay tiyak na mapupuno ng kaalaman kay Jehova.” (Isaias 11:9) Kasama sa pagtuturo ng Diyos ang mga tagubilin kung paano mamumuhay nang payapa ang lahat ng tao at kung paano iingatan ang kalikasan. Nangangako ang Diyos: “Ako, si Jehova, ang iyong Diyos, ang Isa na nagtuturo sa iyo upang makinabang ka, ang Isa na pumapatnubay sa iyo sa daan na dapat mong lakaran.”
Bubuhaying-muli ang mga namatay nating mahal sa buhay: Noong nasa lupa si Jesus, binuhay niyang muli ang kaniyang kaibigang si Lazaro. (Juan 11:1, 5, 38-44) Sa gayon, ipinakita niya kung ano ang gagawin niya sa ilalim ng Kaharian ng Diyos.
Mananatili magpakailanman ang kapayapaan at katuwiran: Sa ilalim ng pamamahala ni Kristo, hindi na iiral ang kasamaan. Paano natin nalaman ito? Sapagkat kayang basahin ni Jesus ang mga puso ng tao, at gagamitin niya ang kakayahang iyan para hatulan ang mga matuwid at ang ubod-samâ. Ang mga ayaw magbago sa kanilang masamang lakad ay hindi pahihintulutang mabuhay sa bagong sanlibutan ng Diyos.
Ang ating natalakay ay ilan lamang sa maraming hula sa Bibliya na naglalarawan sa kahanga-hangang panahon na darating. Kapag namahala na ang Kaharian ng Diyos sa buong lupa, ‘sasagana ang kapayapaan’ magpakailanman. (Awit 37:11, 29) Mawawala na ang lahat ng dahilan ng kirot at pagdurusa na nagpapahirap sa sangkatauhan. Makatitiyak tayo tungkol dito sapagkat nangangako ang Diyos: “Narito! Ginagawa kong bago ang lahat ng bagay. . . . Ang mga salitang ito ay tapat at totoo.”