TAMPOK NA PAKSA: BAKIT LABIS ANG PAGDURUSA? KAILAN ITO MAGWAWAKAS?
Napakaraming Inosenteng Tao ang Namatay!
Malambing at mahilig magdrowing ang batang si Noelle. Isang gabi ng tag-araw, naglakad siya sa likod-bahay nila at nahulog sa kanilang swimming pool. Nalunod siya dalawang linggo bago ang kaniyang ikaapat na kaarawan.
Charlotte, Daniel, Olivia, Josephine . . . Ito ang mga pangalan ng ilan sa 20 biktima na edad anim o pito, na kasama sa 26 na binaril sa isang paaralan sa Connecticut, E.U.A., noong Disyembre 14, 2012. Sa isang seremonya ng pag-alaala sa mga biktima, isa-isang binanggit ni Presidente Obama ang pangalan ng mga bata at sinabi sa nagdadalamhating mga tagapakinig: “Dapat nang maihinto ang ganitong mga trahedya.”
Ang 18-anyos na dalagang si Bano ay umalis sa Iraq noong 1996 at lumipat sa Norway kasama ng kaniyang pamilya. Tinawag siya ng kaniyang mga kaibigan na Sun Rays, na ang ibig sabihin ay sikat ng araw. Pero nakalulungkot, noong Hulyo 22, 2011, si Bano ay isa sa 77 biktima na pinatay ng isang ekstremista, na nagyabang: “Gusto kong humingi ng paumanhin . . . na hindi ako nakapatay nang mas marami pa.”
Ang malulungkot na pangyayaring gaya nito ay paulit-ulit na iniuulat sa buong daigdig. Isip-isipin ang dalamhati at kirot na dulot ng mga aksidente, krimen, digmaan, terorismo, likas na sakuna, at iba pang trahedya. Napakaraming inosenteng tao ang namamatay o labis na nagdurusa!
Sinisisi ng ilan ang Diyos, anupat ikinakatuwiran na ang ating Maylalang ay walang malasakit sa mga tao. Sinasabi ng iba na nakikita ng Diyos ang pagdurusa natin, pero ayaw lang niyang makialam. Sinasabi naman ng iba na ang gayong mga trahedya ay nakatadhana na. Napakaraming opinyon tungkol sa paksang ito. Saan natin masusumpungan ang maaasahan at kasiya-siyang mga sagot? Sa susunod na mga artikulo, aalamin natin mula sa Salita ng Diyos, ang Bibliya, kung ano ang mga dahilan ng pagdurusa at kung paano ito magwawakas.