Sagot sa mga Tanong sa Bibliya
Paano magiging maligaya ang mag-asawa?
Mabisa ang payo ng Bibliya tungkol sa pagkakaroon ng maligayang pag-aasawa dahil galing ito sa Tagapagpasimula ng pag-aasawa, ang Diyos na Jehova. Tinuturuan tayo nito na maglinang ng magagandang katangian na makatutulong para maging maligaya ang mag-asawa. Nagbababala ito tungkol sa mga saloobing makasisira sa pag-aasawa. Itinuturo din nito kung paano makikipag-usap para maging mas maligaya ang mag-asawa.
Dapat parangalan at igalang ng mag-asawa ang isa’t isa. Kapag ginagampanan ng bawat isa ang papel na ibinigay sa kanila ng Diyos bilang mag-asawa, maaari silang maging maligaya.
Ano ang makatutulong para magtagal ang pagsasama ng mag-asawa?
Kung mahal ng mag-asawa ang isa’t isa, tatagal ang kanilang pagsasama. Tinuturuan tayo ng Diyos kung paano magmahal. Siya at ang kaniyang Anak, si Jesus, ay nagpakita ng sakdal na halimbawa ng mapagsakripisyong pag-ibig.
Kung iginagalang ng mag-asawa ang kaayusan ng Diyos sa pag-aasawa, mananatili silang magkasama. Nilayon ng Diyos na permanenteng magsama ang lalaki at babae para protektahan ang pamilya. Posibleng magtagal ang pagsasama ng mag-asawa dahil nilalang ng Diyos ang lalaki at babae para suportahan ang isa’t isa sa pisikal at emosyonal na paraan. Ginawa rin ng Diyos ang tao ayon sa Kaniyang larawan, na may kakayahang tularan ang Kaniyang pag-ibig.