Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

TAMPOK NA PAKSA | BAKIT NAHIHIRAPAN ANG ILAN NA MAHALIN ANG DIYOS?

Ang Katotohanan ay Magpapalaya sa Iyo

Ang Katotohanan ay Magpapalaya sa Iyo

Isang araw sa Jerusalem, ipinakipag-usap ni Jesus ang tungkol sa kaniyang Ama, si Jehova, at inilantad ang huwad na mga lider ng relihiyon noong panahon niya. (Juan 8:12-30) Ang sinabi niya noon ay nagtuturo sa atin kung paano susuriin ang karaniwang mga paniniwala ngayon tungkol sa Diyos. Sinabi ni Jesus: “Kung kayo ay nananatili sa aking salita, kayo ay tunay ngang mga alagad ko, at malalaman ninyo ang katotohanan, at ang katotohanan ay magpapalaya sa inyo.”​—Juan 8:31, 32.

“Nananatili sa aking salita.” Dito ibinibigay ni Jesus ang pamantayan sa pagsusuri kung ang mga turo ng relihiyon ay “ang katotohanan.” Kapag may narinig ka tungkol sa Diyos, tanungin ang sarili, ‘Kaayon ba ito ng mga sinabi ni Jesus at ng iba pang bahagi ng Banal na Kasulatan?’ Tularan ang mga taong nakinig kay apostol Pablo at pagkatapos ay ‘maingat na sinuri ang Kasulatan sa araw-araw kung totoo nga ang mga bagay’ na kanilang natutuhan.​—Gawa 17:11.

Maingat na sinuri nina Marco, Rosa, at Raymonde, na nabanggit sa unang artikulo ng seryeng ito, ang kanilang mga paniniwala sa pamamagitan ng pakikipag-aaral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova. Ano ang nadama nila sa kanilang natutuhan?

Marco: “Ginagamit ng nagtuturo sa amin ang Bibliya para sagutin ang mga tanong naming mag-asawa. Lumago ang pag-ibig namin kay Jehova, at naging mas malapít din kaming mag-asawa sa isa’t isa!”

Rosa: “Noong una, akala ko ang Bibliya ay isang aklat lang ng pilosopiya ng tao na nagtatangkang ipaliwanag ang tungkol sa Diyos. Pero unti-unti kong nakita sa Bibliya ang sagot sa mga tanong ko. Ngayon, totoong-totoo sa akin si Jehova. Isa siya na mapagkakatiwalaan.”

Raymonde: “Nanalangin ako sa Diyos na tulungan niya akong matuto tungkol sa kaniya. Di-nagtagal, nag-aral kami ng mister ko ng Bibliya. Sa wakas, natutuhan namin ang katotohanan tungkol kay Jehova! Tuwang-tuwa kaming malaman kung anong uri siya ng Diyos.”

Hindi lamang inilalantad ng Bibliya ang mga kasinungalingan tungkol sa Diyos; isinisiwalat din nito ang katotohanan tungkol sa kaniyang magagandang katangian. Ito ang kaniyang Salita, at tinutulungan tayo nito na “malaman natin ang mga bagay na may-kabaitang ibinigay sa atin ng Diyos.” (1 Corinto 2:12) Bakit hindi mo subukang alamin ang sagot ng Bibliya sa karaniwan pero mahahalagang tanong tungkol sa Diyos, sa kaniyang layunin, at sa ating kinabukasan? Alamin ang mga sagot sa ilan sa mga tanong na ito sa seksiyon na “Turo ng Bibliya > Sagot sa mga Tanong sa Bibliya” sa www.pr418.com/tl. Puwede ka ring humiling ng isang pag-aaral sa Bibliya sa pamamagitan ng Web site na iyon o sa isang Saksi ni Jehova. Umaasa kami na kung gagawin mo ito, masusumpungan mong mas madaling mahalin ang Diyos kaysa sa inaakala mo.