Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

TAMPOK NA PAKSA | BAKIT NAHIHIRAPAN ANG ILAN NA MAHALIN ANG DIYOS?

Kasinungalingan 3: Malupit ang Diyos

Kasinungalingan 3: Malupit ang Diyos

ANG PANINIWALA NG MARAMI

“Pagkamatay, ang kaluluwang may mortal na kasalanan ay napupunta sa impiyerno kung saan pinahihirapan sila sa ‘walang-hanggang apoy.’” (Catechism of the Catholic Church) Sinasabi ng ilang lider ng relihiyon na ang impiyerno ay isang kalagayan na lubusang hiwalay sa Diyos.

ANG KATOTOHANAN MULA SA BIBLIYA

“Ang kaluluwa na nagkakasala​—iyon mismo ang mamamatay.” (Ezekiel 18:4) Ang mga patay ay “walang anumang kabatiran.” (Eclesiastes 9:5) Kung namamatay at walang nalalaman ang kaluluwa, paano ito maaaring pahirapan sa “walang-hanggang apoy” o sa walang hanggang pagkahiwalay sa Diyos?

Sa Bibliya, ang mga salitang Hebreo at Griego na kadalasang isinasaling “impiyerno” ay aktuwal na tumutukoy sa karaniwang libingan ng tao. Halimbawa, nang magdusa si Job dahil sa napakasakit na karamdaman, nanalangin siya: “Kung itatago mo lang ako sa libingan [“sa impiyerno,” Douay-Rheims Version].” (Job 14:13, Ang Biblia​—Bagong Salin sa Pilipino) Gusto ni Job na magpahinga, hindi sa isang dako ng pagpapahirap o pagiging hiwalay sa Diyos, kundi sa libingan.

KUNG BAKIT ITO MAHALAGANG PAG-ISIPAN

Kung malupit ang Diyos, hindi siya mapapamahal sa atin; lalayo pa nga tayo sa kaniya. “Bata pa ako, itinuro na sa akin ang doktrina ng maapoy na impiyerno,” ang sabi ni Rocío, na nakatira sa Mexico. “Takot na takot ako anupat hindi ko maisip na may magagandang katangian ang Diyos. Iniisip kong galít siya at walang pasensiya.”

Dahil sa maliwanag na sinasabi ng Bibliya tungkol sa mga kahatulan ng Diyos at sa kalagayan ng mga patay, nagbago ang pangmalas ni Rocío sa Diyos. “Gumaan ang pakiramdam ko​—para akong nabunutan ng tinik,” ang sabi niya. “Natuto akong magtiwala na gusto ng Diyos ang pinakamabuti para sa atin, na mahal niya tayo, at na maaari ko siyang mahalin. Kagaya siya ng isang ama na hawak ang kamay ng kaniyang mga anak at gusto niya ang pinakamabuti para sa kanila.”​—Isaias 41:13.

Marami ang nagsisikap na maging relihiyoso dahil natatakot sila sa impiyerno, pero ayaw ng Diyos na paglingkuran mo siya dahil sa takot. Sa halip, sinabi ni Jesus: “Iibigin mo si Jehova na iyong Diyos.” (Marcos 12:29, 30) Kapag naunawaan natin na hindi kumikilos nang walang katarungan ang Diyos ngayon, makapagtitiwala rin tayo sa kaniyang mga hatol sa hinaharap. May-pagtitiwala nating masasabi: “Malayong gumawi nang may kabalakyutan ang tunay na Diyos, at na gumawi nang di-makatarungan ang Makapangyarihan-sa-lahat.”​—Job 34:10.