Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

TULARAN ANG KANILANG PANANAMPALATAYA

Siya ay ‘Ipinahayag na Matuwid sa Pamamagitan ng mga Gawa’

Siya ay ‘Ipinahayag na Matuwid sa Pamamagitan ng mga Gawa’

DUMUNGAW si Rahab sa kaniyang bintana habang nagbubukang-liwayway sa kapatagan sa palibot ng Jerico. Nagtitipon doon ang nananakop na hukbo ng Israel. Habang nagmamartsa sila uli roon, pumailanlang ang alikabok sa dinaraanan nila at maririnig ang nakabibinging tunog ng mga tambuli.

Sa Jerico nakatira si Rahab. Pamilyar siya sa mga lansangan nito, sa mga bahay rito, sa mataong mga pamilihan at tindahan. Kilaláng-kilalá niya ang mga tao rito. Nadarama niyang tumitindi ang kanilang takot sa paglipas ng mga araw habang patuloy ang mga Israelita sa kakaibang ritwal​—pagmamartsa sa palibot ng lunsod isang beses sa isang araw. Habang umaalingawngaw ang tunog ng kanilang tambuli sa mga lansangan at liwasan ng Jerico, hindi nadarama ni Rahab ang takot at kawalang pag-asa, di-gaya ng kaniyang mga kababayan.

Nagmamasid si Rahab nang magsimulang magmartsa ang hukbo maaga noong ikapitong araw. Sa gitna ng mga kawal na Israelita, nakita niya ang mga saserdote na humihihip ng mga tambuli at nagdadala ng sagradong kaban na kumakatawan sa presensiya ng kanilang Diyos na si Jehova. Maguguniguni natin si Rahab na nakahawak sa panaling iskarlata na nakabitin sa kaniyang bintana sa labas ng malaking pader ng Jerico. Ipinaalaala kay Rahab ng panaling iyon ang pag-asang makaliligtas siya at ang kaniyang pamilya sa pagkawasak ng lunsod. Traidor ba si Rahab? Tiyak na hindi sa paningin ni Jehova. Para kay Jehova, si Rahab ay may kahanga-hangang pananampalataya. Balikan natin ang simula ng kuwento ni Rahab at tingnan natin kung ano ang matututuhan natin sa kaniya.

SI RAHAB NA PATUTOT

Si Rahab ay isang patutot. Labis na nakagulat ito sa ilang komentarista ng Bibliya noon anupat sinabi nilang isa lamang siyang tagapag-ingat ng bahay-tuluyan. Pero maliwanag ang sinasabi ng Bibliya at hindi nito itinatago ang totoo. (Josue 2:1; Hebreo 11:31; Santiago 2:25) Sa lipunan ng mga Canaanita noon, maaaring kagalang-galang ang trabaho ni Rahab. Bagaman tinatanggap sa kultura nina Rahab ang prostitusyon, maaaring binabagabag din siya ng kaniyang budhi. Iyan ay isang likas na kabatiran sa kung ano ang tama at mali na ibinigay sa ating lahat ni Jehova. (Roma 2:14, 15) Maaaring ikinahihiya rin ni Rahab ang kaniyang paraan ng pamumuhay. Marahil, gaya ng marami sa ngayon na nasa ganiyan ding kalagayan, nadarama niya na wala na siyang mapagpipiliang trabaho na makasusuporta sa kaniyang pamilya.

Tiyak na inaasam ni Rahab ang mas maayos na buhay. Ang kanilang lupain ay punô ng karahasan at imoralidad, pati na ng insesto at bestiyalidad. (Levitico 18:3, 6, 21-24) Malaki ang impluwensiya ng relihiyon sa paglaganap ng gayong kasamaan sa lupain. Isinasagawa sa mga templo ang ritwal ng prostitusyon, at kasama sa pagsamba sa mga diyos na gaya ni Baal at ni Molec ang pagsunog nang buháy sa kanilang anak bilang handog.

Nakikita ni Jehova ang nangyayari sa Canaan. Sa katunayan, dahil sa maraming napakasamang bagay na ginagawa ng mga Canaanita, sinabi ni Jehova: “Marumi ang lupain, at lalapatan ko ito ng kaparusahan dahil sa kamalian nito, at isusuka ng lupain ang mga tumatahan sa kaniya.” (Levitico 18:25) Ano ang kahulugan ng “kaparusahan dahil sa kamalian nito”? Ganito ang pangako ng Diyos sa Israel: “Tiyak na itataboy ni Jehova na iyong Diyos ang mga bansang ito mula sa harap mo nang unti-unti.” (Deuteronomio 7:22) Daan-daang taon bago nito, ipinangako ni Jehova ang lupain sa pamilya ni Abraham, at ang “Diyos [ay] hindi makapagsisinungaling.”​—Tito 1:2; Genesis 12:7.

Ipinag-utos din ni Jehova na lubusang lipulin ang ilang grupo sa lupain. (Deuteronomio 7:1, 2) Bilang matuwid na “Hukom ng buong lupa,” nababasa niya ang lahat ng puso at alam na alam niya kung gaano sila kasamâ. (Genesis 18:25; 1 Cronica 28:9) Ano kaya ang pakiramdam ni Rahab sa pamumuhay sa hinatulang lunsod na iyon? Maguguniguni natin ang nadama niya nang marinig niya ang mga balita tungkol sa Israel. Nalaman niya na pinangungunahan ng Diyos ng Israel ang bayang ito​—isang bansa ng api-apihang mga alipin​—upang lubusin ang tagumpay laban sa hukbo ng Ehipto, ang pinakamakapangyarihang hukbo sa daigdig noong panahong iyon. At ngayon sasalakayin na ng Israel ang Jerico! Pero ang mga tao sa lunsod na iyon ay nagpapatuloy sa kanilang kasamaan. Mauunawaan natin kung bakit binabanggit ng Bibliya ang mga kapuwa Canaanita ni Rahab bilang mga “naging masuwayin.”​—Hebreo 11:31.

Iba si Rahab. Sa loob ng maraming taon, maaaring pinag-isipan niya ang mga balitang narinig niya tungkol sa Israel at sa Diyos nito, si Jehova. Ibang-iba nga si Jehova sa mga diyos ng Canaan! Isa siyang Diyos na nakipaglaban para sa kaniyang bayan sa halip na biktimahin sila, na nagtaas ng moralidad ng kaniyang mga mananamba sa halip na gawin silang marumi. Mahalaga sa paningin ng Diyos ang mga babae, hindi sila gamit lamang para sa seksuwal na kaluguran na nabibili, naibebenta, at nilalapastangan sa kasuklam-suklam na pagsamba. Nang malaman ni Rahab na ang mga Israelita ay nagkakampo sa kabila ng Jordan, at handa nang sumalakay, malamang na nalungkot siya sa maaaring mangyari sa kaniyang mga kababayan. Napansin ba ni Jehova si Rahab at pinahalagahan ang kabutihan nito?

Maraming tao sa ngayon ang gaya ni Rahab. Para silang nasukol sa isang paraan ng pamumuhay na nag-aalis ng dignidad at kagalakan. Nadarama nilang walang nakapapansin o nagpapahalaga sa kanila. Si Rahab ay isang nakapagpapatibay na paalaala sa atin na nakikita tayo ng Diyos. Gaano man kababa ang tingin natin sa ating sarili, “hindi siya malayo sa bawat isa sa atin.” (Gawa 17:27) Malapít si Jehova sa atin, handa at sabik na tumulong at magbigay ng pag-asa sa lahat ng nananampalataya sa kaniya. Nanampalataya ba sa kaniya si Rahab?

TINANGGAP NIYA ANG MGA TIKTIK

Isang araw, bago magmartsa ang mga Israelita sa Jerico, dumating ang dalawang estranghero sa pinto ni Rahab. Umaasa silang hindi sila mapapansin, pero tensiyonado ang kalagayan sa lunsod, at alerto ang marami sa mga posibleng naniniktik mula sa Israel. Maaaring nahalata agad ni Rahab kung sino sila. Karaniwan na kasing nagpupunta sa kaniyang bahay ang mga estranghero. Pero ang dalawang ito ay naghahanap lang ng matutuluyan​—hindi ng serbisyo ng isang patutot.

Sa katunayan, ang dalawang lalaking ito ay mga tiktik mula sa kampo ng mga Israelita. Isinugo sila ng kanilang kumandanteng si Josue para alamin ang mga kalakasan at kahinaan ng Jerico. Ito ang unang lunsod sa Canaan na sasalakayin ng mga Israelita at marahil ang pinakamalakas sa lahat. Gusto lang malaman ni Josue kung ano ang makakaharap ng kaniyang hukbo. Tiyak na di-sinasadyang napili ng mga tiktik ang bahay ni Rahab. Sa dinami-dami ng lugar, hindi mahahalata ang pagdating ng mga estranghero sa bahay ng isang patutot. Marahil umaasa rin ang mga tiktik na makakakuha sila ng impormasyon mula sa usap-usapang maririnig nila.

Sinasabi ng Bibliya na ‘magiliw na tinanggap ni Rahab ang mga mensahero.’ (Santiago 2:25) Kahit na naghinala siya kung sino sila at kung bakit sila naroroon, pinatuloy pa rin niya sila sa kaniyang bahay. Marahil gusto niyang makaalam nang higit pa tungkol sa kanilang Diyos na si Jehova.

Biglang dumating ang mga mensahero mula sa hari ng Jerico! Kumalat kasi ang balitang nasa bahay ni Rahab ang dalawang tiktik mula sa Israel. Ano kaya ang gagawin ni Rahab? Kung poprotektahan niya sila, hindi kaya isinasapanganib niya ang kaniyang buhay at ang pamilya niya? Patayin kaya sila ng mga taga-Jerico kung itatago niya ang mga kaaway? Pero ngayon, tiyak na alam na ni Rahab kung sino ang mga lalaking ito. Kung alam na niyang si Jehova ay mas makapangyarihang Diyos kaysa sa kaniyang mga diyos, pagkakataon na niyang pumanig kay Jehova.

Kaunti na ang panahon ni Rahab para mag-isip. Pero mapamaraan siya at kumilos agad. Itinago niya ang mga tiktik sa mga tangkay ng lino na nakalatag sa patag na bubong ng kaniyang bahay. Pagkatapos ay sinabi niya sa mga mensahero ng hari: “Oo, ang mga lalaki ay pumarito sa akin, at hindi ko alam kung saan sila nanggaling. At nangyari nga na sa pagsasara ng pintuang-daan nang magdilim ay lumabas ang mga lalaki. Hindi ko lang alam kung saan pumaroon ang mga lalaki. Habulin ninyo silang madali, sapagkat maaabutan ninyo sila.” (Josue 2:4, 5) Gunigunihin si Rahab habang pinagmamasdan ang mukha ng mga isinugo ng hari. Nangamba kaya siya na mahalata ng mga ito na kinakabahan siya?

Isinapanganib ni Rahab ang kaniyang buhay nang itago niya ang dalawang lingkod ni Jehova sa mga tangkay ng lino

Nagtagumpay ang kaniyang pakana! Nagmadaling umalis ang mga tauhan ng hari papunta sa mga tawiran ng Jordan. (Josue 2:7) Tiyak na nakahinga nang maluwag si Rahab. Sa simpleng estratehiya, nailigaw niya ang mga mamamatay-taong iyon na walang karapatang malaman ang totoo, at nailigtas niya ang walang-salang mga lingkod ni Jehova.

Nagmadaling bumalik si Rahab sa bubong ng kaniyang bahay at sinabi sa dalawang tiktik ang ginawa niya. Sinabi rin niya ang napakahalagang katotohanan: Nanghihina na ang loob ng kaniyang mga kababayan at takot na takot sila sa mga sumasalakay. Tiyak na tuwang-tuwa ang mga tiktik sa magandang balitang ito. Takot na takot ang napakasamang mga Canaanitang iyon sa kapangyarihan ng Diyos ng Israel na si Jehova! May sinabi pa si Rahab na nagpapakita ng kaniyang pananampalataya, isang bagay na interesado tayong malaman. Sinabi niya: “Si Jehova na inyong Diyos ay Diyos sa langit sa itaas at sa lupa sa ibaba.” (Josue 2:11) Ang mga balitang narinig niya tungkol kay Jehova ay sapat na para malaman ito: Ang Diyos ng Israel ay karapat-dapat sa kaniyang pagtitiwala. Nanampalataya siya kay Jehova.

Para kay Rahab, tiyak na ibibigay ni Jehova ang tagumpay sa Israel. Kaya nagsumamo siya na pagpakitaan siya ng awa, anupat nakiusap na iligtas siya at ang kaniyang pamilya. Sumang-ayon ang mga tiktik at sinabi kay Rahab na ingatan itong lihim. Dapat din niyang itali ang panaling iskarlata sa kaniyang bintana sa pader ng lunsod para siya at ang kaniyang pamilya ay mailigtas ng mga kawal.​—Josue 2:12-14, 18.

Napakahalaga ng matututuhan natin tungkol sa pananampalataya ni Rahab. Gaya ng sinasabi ng Bibliya, “ang pananampalataya ay kasunod ng bagay na narinig.” (Roma 10:17) Narinig niya ang mapananaligang mga ulat tungkol sa kapangyarihan at katarungan ng Diyos na Jehova, kaya nanampalataya at nagtiwala siya sa kaniya. Mas marami tayong makukuhang kaalaman tungkol kay Jehova ngayon. Sisikapin ba nating makilala siya at manampalataya sa kaniya batay sa natututuhan natin sa kaniyang Salita, ang Bibliya?

BUMAGSAK ANG MATIBAY NA KUTA

Bilang pagsunod sa payo ni Rahab, ang dalawang tiktik ay bumaba sa pader sa pamamagitan ng isang panali na nasa kaniyang bintana at saka mabilis na tumakas patungo sa kabundukan. Maraming kuweba at matatarik na dalisdis sa hilaga ng Jerico na maaaring pagtaguan ng mga tiktik hanggang sa ligtas na silang makababalik sa kampo ng Israel, dala ang magandang balita na nakuha nila kay Rahab.

Si Rahab ay nanampalataya sa Diyos ng Israel

Nang maglaon, nanginig sa takot ang mga taga-Jerico nang malaman nilang pinahinto ni Jehova ang daloy ng tubig sa Ilog Jordan, anupat nakatawid ang Israel sa natuyong ilog. (Josue 3:14-17) Subalit para kay Rahab, ang balita ay lalo pang nagpatunay na tama ang paglalagak niya ng pananampalataya kay Jehova.

Pagkatapos, dumating ang mga araw ng pagmamartsa ng mga Israelita sa palibot ng Jerico​—isang beses isang araw sa loob ng anim na araw. Ikapitong araw na ngayon, at naiiba ito. Gaya ng nabanggit na, nagsimula ang pagmamartsa pagsikat ng araw, at pagkatapos malibot nang isang beses ng hukbo ang lunsod, nagpatuloy pa ito. Paulit-ulit silang nagmartsa sa palibot ng Jerico. (Josue 6:15) Ano ang ginagawa ng mga Israelita?

Sa pagtatapos ng ikapitong pagmamartsa noong ikapitong araw, huminto ang hukbo. Huminto ang paghihip sa mga tambuli. Nagkaroon ng katahimikan. Tiyak na nabalot ng tensiyon ang lunsod. Pagkatapos, sa hudyat ni Josue, inilakas ng hukbo ng Israel ang kanilang tinig sa unang pagkakataon at sumigaw nang pagkalakas-lakas. Inisip ba ng mga bantay na nasa ibabaw ng pader ng Jerico na ito ay kakaibang uri ng pagsalakay, isang pagsigaw lang? Kung oo, hindi na nila kailangang mag-isip. Ang malaking pader ay nayanig. Ito ay umuga, nabiyak, at saka bumagsak! Nang mawala na ang alikabok, isang bahagi ng pader ang nakatayo pa rin. Ang bahay ni Rahab ay hindi bumagsak dahil sa kaniyang matibay na pananampalataya. Isip-isipin ang kaniyang nadama nang makita niyang iniligtas siya ni Jehova, pati na ang kaniyang pamilya! *​—Josue 6:10, 16, 20, 21.

Iginalang din ng bayan ni Jehova si Rahab dahil sa kaniyang pananampalataya. Nang makita nila ang nag-iisang bahay na nakatayo, alam nila na sinasang-ayunan ni Jehova ang babaing ito. Siya at ang kaniyang pamilya ay nakaligtas nang puksain ang napakasamang lunsod na iyon. Pagkatapos ng digmaan, si Rahab ay pinayagang tumira malapit sa kampamento ng Israel. Nang maglaon, si Rahab ay naging bahagi ng bayang Judio. Napangasawa niya ang lalaking nagngangalang Salmon. Ang kanilang anak na si Boaz ay lumaking may kahanga-hangang pananampalataya. Napangasawa niya si Ruth na Moabita. * (Ruth 4:13, 22) Si Haring David at nang maglaon ang Mesiyas mismo, si Jesu-Kristo, ay nanggaling sa pamilya ni Rahab, isang pamilya na may namumukod-tanging pananampalataya.​—Josue 6:22-25; Mateo 1:5, 6, 16.

Ipinakikita ng kuwento ni Rahab na lahat tayo ay mahalaga kay Jehova. Nakikita niya tayong lahat at nababasa niya ang ating puso. Natutuwa siyang makita na mayroon tayong pananampalatayang gaya ng kay Rahab. Pinakilos si Rahab ng kaniyang pananampalataya. Gaya ng sinasabi ng Bibliya, siya ay “ipinahayag . . . na matuwid sa pamamagitan ng mga gawa.” (Santiago 2:25) Makabubuting tularan natin ang kaniyang pananampalataya!

^ par. 27 Kapansin-pansin, iginalang ni Jehova ang kasunduang ginawa ng mga tiktik kay Rahab.

^ par. 28 Para malaman ang higit pa tungkol kina Ruth at Boaz, tingnan ang mga artikulong “Tularan ang Kanilang Pananampalataya” sa Ang Bantayan, isyu ng Hulyo 1 at Oktubre 1, 2012.