Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

 TURUAN ANG IYONG MGA ANAK

Jesu-Kristo—Isang Sanggol o Isang Hari?

Jesu-Kristo—Isang Sanggol o Isang Hari?

Tuwing Disyembre, nakikita ng mga tao sa buong daigdig ang mga larawan ni Jesus bilang isang sanggol. Siya ay nasa sabsaban, isang malaking kahon na may mga dayaming ipinakakain sa mga hayop. Pero si Jesus ba ay sanggol pa rin hanggang ngayon? * Pag-usapan natin ang mas mahalagang paraan kung paano siya alalahanin. May matututuhan tayo sa nangyari isang gabi sa isang grupo ng mga pastol sa bukid na malapit sa Betlehem.

Isang anghel ang biglang nagpakita sa mga pastol. Sinabi niya sa kanila: “Ipinanganak sa inyo ngayon ang isang Tagapagligtas, na siyang Kristo na Panginoon.” Sinabi rin sa kanila ng anghel na makikita nila si Jesus na “nakabalot ng mga telang pamigkis at nakahiga sa sabsaban.” Agad na nagpakita ang maraming iba pang anghel at nagsimulang ‘pumuri sa Diyos.’

Ano ang madarama mo kung marinig mong pinupuri ng mga anghel ang Diyos?— Nagsaya ang mga pastol! Sinabi nila: “Pumaroon nga tayo hanggang sa Betlehem at tingnan ang bagay na ito na naganap.” Nakita nila roon “si Maria at gayundin si Jose, at ang sanggol na nakahiga sa sabsaban.”

May mga dumating pa sa Betlehem, kung saan naroroon sina Maria at Jose. Nang sabihin sa kanila ng mga pastol ang nangyari, namangha sila. Natutuwa ka bang malaman ang kamangha-manghang mga bagay na ito tungkol kay Jesus?— Lahat tayo na nagmamahal sa Diyos ay natutuwa. Ngayon tingnan natin kung bakit nagdulot ng malaking kagalakan ang pagsilang kay Jesus. Pero balikan muna natin ang panahon bago mag-asawa si Maria.

Isang araw, dinalaw si Maria ng isang anghel na nagngangalang Gabriel. Ipinangako niya kay Maria na magsisilang ito ng isang sanggol na “magiging dakila at tatawaging Anak ng Kataas-taasan.” “Siya ay mamamahala bilang hari,” ang sabi ni Gabriel, “at hindi magkakaroon ng wakas ang kaniyang kaharian.”

Gustong malaman ni Maria kung paano ito mangyayari, gayong wala naman siyang asawa. Kaya ipinaliwanag  sa kaniya ni Gabriel: “Ang kapangyarihan ng Kataas-taasan ay lililim sa iyo,” at “ang ipanganganak ay tatawaging banal, Anak ng Diyos.” Inilipat ng Diyos ang buhay ng kaniyang Anak mula sa langit sa bahay-bata ni Maria upang ito ay maging isang sanggol—isa ngang malaking himala!

Nakakita ka na ba ng mga larawan o displey ng tatlong “hari” na dumalaw kay Jesus kasama ng mga pastol?— Karaniwan nang makikita ang mga ito sa panahon ng Kapaskuhan. Pero mali ito. Ang mga “hari” na ito ay mga astrologo, nagsasagawa ng mga bagay na hinahatulan ng Diyos. Tingnan natin kung ano ang nangyari nang dumating sila. Sinasabi ng Bibliya: “Nang pumasok sila sa loob ng bahay ay nakita nila ang bata na kasama ni Maria na kaniyang ina.” Kaya noong panahong iyon, si Jesus ay hindi na isang sanggol sa sabsaban kundi isa nang bata na nasa bahay kasama nina Jose at Maria!

Paano natagpuan ng mga astrologo si Jesus?— Inakay sila ng isang “bituin,” hindi sa Betlehem, kundi kay Haring Herodes sa Jerusalem. Sinasabi ng Bibliya na gustong hanapin ni Herodes si Jesus para ipapatay. Ngayon, pag-isipan ito. Sino sa tingin mo ang nagpalitaw ng bituin na umakay sa mga astrologo kay Herodes?— Hindi ang tunay na Diyos, si Jehova, kundi ang kaniyang kaaway, si Satanas na Diyablo!

Sa ngayon, sinisikap ni Satanas na isipin ng mga tao na isang walang kalaban-labang sanggol lang si Jesus. Pero sinabi ni anghel Gabriel kay Maria: “Siya ay mamamahala bilang hari . . . , at hindi magkakaroon ng wakas ang kaniyang kaharian.” Namamahala na ngayon si Jesus bilang Hari sa langit, at malapit na niyang puksain ang lahat ng kaaway ng Diyos. Kaya kailangan nating sabihin ito sa iba.

^ par. 3 Kapag binabasa mo ito sa isang bata, ang gatlang pagkatapos ng tanong ay nagsisilbing paalaala sa iyo na huminto at hintayin ang kaniyang sagot.