Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kung Bakit Kailangan Natin ang Diyos

Kung Bakit Kailangan Natin ang Diyos

Kung Bakit Kailangan Natin ang Diyos

Sinasabi ng mga doktor na para maging tunay na maligaya, kailangang masapatan ng mga tao hindi lamang ang kanilang pisikal na pangangailangan. Kitang-kita ito sa pagnanais ng mga tao na gumawa ng isang bagay na may layunin o maglingkod sa isa na nakahihigit sa kanila. Para masapatan ang pangangailangang ito, ginugugol ng ilan ang kanilang libreng panahon sa kalikasan, sining, musika, at iba pa. Pero para sa marami, hindi rin nagtatagal ang kasiyahang dulot ng gayong mga gawain.

Gusto ng Diyos na maging maligaya ang mga tao ngayon at magpakailanman

Hindi na ipinagtataka ng mga mambabasa ng Bibliya na ang mga tao ay may likas na pananabik sa espirituwal na mga bagay. Ipinahihiwatig ng unang mga kabanata sa Genesis na pagkatapos lalangin ng Diyos ang unang mag-asawa, palagi niya silang kinakausap, anupat nagkaroon sila ng kaugnayan sa kaniya. (Genesis 3:8-10) Hindi dinisenyo ng Diyos ang tao na mamuhay nang hiwalay sa kaniya; kailangan nilang makipag-usap sa kanilang Maylikha. Madalas banggitin ng Bibliya ang pangangailangang ito.

Halimbawa, sinabi ni Jesus: “Maligaya yaong mga palaisip sa kanilang espirituwal na pangangailangan.” (Mateo 5:3) Sa mga pananalitang ito, masasabi nating napakahalagang masapatan ang ating likas na hangaring makilala ang Diyos para maging maligaya at kontento sa buhay. Paano natin ito magagawa? Binanggit ni Jesus ang sagot nang sabihin niya: “Ang tao ay mabubuhay, hindi sa tinapay lamang, kundi sa bawat pananalitang lumalabas sa bibig ni Jehova.” (Mateo 4:4) Sa anong mga paraan posibleng magdulot sa atin ng isang maligaya at makabuluhang buhay ang mga pananalita ng Diyos, ibig sabihin, ang mga kaisipan at tagubilin ng Diyos na nasa Bibliya? Tingnan natin ang tatlong pangunahing paraan.

Kailangan Natin ng Mabuting Patnubay

Sa ngayon, napakaraming eksperto at espesyalista na handang magbigay ng payo tungkol sa mga ugnayan, pag-ibig, buhay pampamilya, paglutas ng di-pagkakaunawaan, at maging ang mismong kahulugan ng buhay. Mayroon pa bang iba maliban sa Maylikha ng tao, ang Diyos na Jehova, ang makapagbibigay ng mainam at timbang na patnubay sa lahat ng bagay na ito?

Gaya ng isang manwal, ang Bibliya ay isang gabay sa buhay

 Bilang paglalarawan: Kapag bumili ka ng isang bagong kasangkapan, gaya ng isang kamera o computer, aasahan mong mayroon itong manwal na magpapaliwanag kung paano gagamitin at masisiyahan sa iyong binili. Ang Bibliya ay maihahalintulad sa manwal na iyon. Isa itong manwal para sa buhay na ibinigay sa atin ng Diyos, ang Maylalang ng tao. Ipinaliliwanag ng manwal na ito kung ano ang dinisenyong gawin ng tao at kung paano ito gagamitin para sa pinakamabuting resulta.

Gaya ng anumang nasusulat na manwal ng mga tagubilin, binababalaan ng Bibliya ang mga mambabasa nito laban sa mga paraan ng paggamit na maaaring makasira sa “produkto”—ang ating buhay. Maaaring mas madaling sundin ang payo ng iba, pero hindi ba makatuwirang isipin na mas mabubuting resulta ang makukuha natin at maiiwasan pa ang mga problema kung susundin natin ang patnubay ng Maylikha?

“Ako, si Jehova, ang iyong Diyos, ang Isa na nagtuturo sa iyo upang makinabang ka, ang Isa na pumapatnubay sa iyo sa daan na dapat mong lakaran. O kung magbibigay-pansin ka lamang sana sa aking mga utos! Ang iyong kapayapaan nga ay magiging gaya ng ilog, at ang iyong katuwiran ay magiging gaya ng mga alon sa dagat.”Isaias 48:17, 18

Masusumpungan natin sa Bibliya ang patnubay at tulong na kailangan natin

Bagaman ang Diyos na Jehova ay nagbibigay ng patnubay at mga tagubilin, hindi niya tayo pinipilit na tanggapin ang mga ito. Sa halip, dahil mahal niya tayo at nais niya tayong tulungan, nagsusumamo siya sa atin: “Ako, si Jehova, ang iyong Diyos, ang Isa na nagtuturo sa iyo upang makinabang ka, ang Isa na pumapatnubay sa iyo sa daan na dapat mong lakaran. O kung magbibigay-pansin ka lamang sana sa aking mga utos! Ang iyong kapayapaan nga ay magiging gaya ng ilog, at ang iyong katuwiran ay magiging gaya ng mga alon sa dagat.” (Isaias 48:17, 18) Kaya kung susundin natin ang patnubay ng Diyos, mapapabuti tayo. Sa ibang salita, para mabuhay nang maayos at maligaya, kailangan natin ang Diyos.

Kailangan Natin ng Solusyon sa mga Problema sa Buhay

Nadarama ng ilan na hindi nila kailangan ang Diyos dahil sa maraming nakalilitong problema sa buhay na salungat sa paniniwala na ang Diyos ay pag-ibig. Halimbawa, maaaring naitatanong nila: ‘Bakit kailangang magdusa ang mabubuting tao?’ ‘Bakit ipinanganganak na may depekto ang ilang inosenteng sanggol?’ ‘Bakit di-makatarungan ang buhay?’ Oo, mga seryosong tanong iyan at ang kasiya-siyang sagot sa mga ito ay maaaring magkaroon ng malaking epekto sa ating buhay. Sa halip na agad isisi sa Diyos ang gayong mga problema, tingnan muna natin kung paano sinasagot ng Salita ng Diyos, ang Bibliya, ang mga tanong na ito.

Sa ikatlong kabanata ng Genesis, mababasa natin ang ulat kung paano sinikap ni Satanas, gamit ang isang serpiyente, na himukin ang unang mag-asawa na lumabag sa utos ng Diyos na Jehova na huwag kumain ng bunga ng punungkahoy ng pagkakakilala ng mabuti at masama. “Tiyak na hindi kayo mamamatay,” ang sabi ni Satanas kay Eva. “Sapagkat nalalaman ng Diyos na sa mismong araw na kumain kayo mula roon ay madidilat nga ang inyong mga mata at kayo nga ay magiging tulad ng Diyos, na nakakakilala ng mabuti at masama.”Genesis 2:16, 17; 3:4, 5.

Sa mga salitang iyon, ipinahiwatig ni Satanas na sinungaling ang Diyos at ang pamamahala niya ay di-makatarungan. Ikinatuwiran ng Diyablo na kung makikinig sa kaniya ang mga tao, mas mapapabuti sila. Paano malulutas ang mga isyung iyon? Kailangan ang panahon para malutas ang mga iyon at  makita ng lahat kung totoo o hindi ang mga akusasyon laban sa kaniya. Sa diwa, binibigyan ng Diyos si Satanas at ang mga pumanig dito ng pagkakataong ipakita kung maaari bang magkaroon ng maayos na buhay ang mga tao nang wala ang Diyos.

Ano ang sagot mo sa mga akusasyon ni Satanas? Maaari bang magkaroon ng maayos na buhay ang tao at matagumpay na pamahalaan ang kanilang sarili nang wala ang Diyos? Ang pagdurusa, kawalang-katarungan, sakit, at kamatayan pati na ang krimen, pagbaba ng moralidad, mga digmaan, lipulan ng lahi, at iba pang kalupitan na sumalot sa sangkatauhan sa loob ng mga dantaon ay malinaw na katibayan na ang mga pagsisikap ng tao na pamahalaan ang kanilang sarili nang hiwalay sa Diyos ay bigung-bigo. Sa halip na isisi sa Diyos ang mga pagdurusang nararanasan ng tao, binabanggit ng Bibliya ang isang pangunahing dahilan ng mga ito: “Ang tao ay nanunupil sa tao sa kaniyang ikapipinsala.”Eclesiastes 8:9.

Kaya hindi ba maliwanag na kailangang bumaling tayo sa Diyos hindi lamang para sa mga sagot sa nakalilitong problema ng mga tao kundi sa solusyon din? Ano ang gagawin ng Diyos?

Kailangan Natin ng Tulong ng Diyos

Matagal nang inaasam ng mga tao na makalaya mula sa sakit, pagtanda, at kamatayan. Gumugol sila ng maraming panahon at pera, at nagsikap sila upang masumpungan ito, ngunit kaunti lang o wala ring nangyari. Umaasa ang ilan na mananatili silang bata kung iinom sila ng eliksir ng buhay, o mula sa bukal ng kabataan, o titira sa isang espesipikong lugar. Bigo ang lahat ng pangarap na ito.

Gusto ng Diyos na magkaroon ng maayos at maligayang buhay ang mga tao. Ito ang kaniyang orihinal na layunin nang lalangin niya ang tao, at hindi niya ito nalilimutan. (Genesis 1:27, 28; Isaias 45:18) Tinitiyak sa atin ng Diyos na Jehova na anuman ang kaniyang layunin ay mangyayari. (Isaias 55:10, 11) Sinasabi sa atin ng Bibliya ang pangako ng Diyos na isauli ang Paraisong naiwala ng unang mag-asawa. Ganito ang sinasabi sa huling aklat ng Bibliya: “Papahirin [ng Diyos na Jehova] ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man. Ang mga dating bagay ay lumipas na.” (Apocalipsis 21:4) Paano ito gagawin ng Diyos, at paano tayo makikinabang sa pangakong ito?

Itinuro ng Anak ng Diyos, si Jesu-Kristo, sa kaniyang mga tagasunod na ipanalanging mangyari nawa ang kalooban ng Diyos. Maraming tao ang pamilyar o madalas na inuulit ang panalanging ito, na tinatawag ng ilan na Panalangin ng Panginoon. Ganito iyon: “Ama namin na nasa langit, pakabanalin nawa ang iyong pangalan. Dumating nawa ang iyong kaharian. Mangyari nawa ang iyong kalooban, kung paano sa langit, gayundin sa lupa.” (Mateo 6:9, 10) Oo, ang Kaharian ng Diyos ang gagamitin ni Jehova upang alisin ang kalunus-lunos na mga resulta ng pamamahala ng tao at magdudulot ito ng matuwid na bagong sanlibutang ipinangako niya. *  (Daniel 2:44; 2 Pedro 3:13) Ano ang dapat nating gawin para makinabang sa pangako ng Diyos?

Binanggit ni Jesu-Kristo ang simpleng hakbang na dapat nating gawin: “Ito ay nangangahulugan ng buhay na walang hanggan, ang kanilang pagkuha ng kaalaman tungkol sa iyo, ang tanging tunay na Diyos, at sa isa na iyong isinugo, si Jesu-Kristo.” (Juan 17:3) Oo, sa tulong ng Diyos, posible ang buhay na walang hanggan sa ipinangakong bagong sanlibutan. Ang pag-asang iyan ay maaaring kumumbinsi sa iyo sa isa pang dahilan kung bakit oo ang sagot sa tanong na, Kailangan ba natin ang Diyos?

Panahon Na Para Umasa sa Diyos

Dalawang libong taon na ang nakalilipas, sa Areopago, o Mars Hill, sa Atenas, ganito ang sinabi ni apostol Pablo tungkol sa Diyos sa mga taga-Atenas na bukás ang isip: “Siya mismo ang nagbibigay sa lahat ng buhay at ng hininga at ng lahat ng mga bagay. Sapagkat sa pamamagitan niya, tayo ay may buhay at kumikilos at umiiral, gaya nga ng sinabi ng ilan sa mga makata sa inyo, ‘Sapagkat tayo rin ay kaniyang mga supling.’”Gawa 17:25, 28.

Ang sinabi ni Pablo sa mga taga-Atenas ay totoo pa rin hanggang sa ngayon. Ang ating Maylalang ay nagbibigay ng hangin na ating nilalanghap, pagkain na ating kinakain, at tubig na ating iniinom. Hindi tayo maaaring mabuhay nang wala ang mabubuting bagay na inilalaan ni Jehova para sa atin. Ngunit bakit patuloy na inilalaan ng Diyos ang gayong mga bagay sa lahat ng tao, naiisip man nila siya o hindi? Sinabi ni Pablo na ito ay “upang hanapin nila ang Diyos, kung maaapuhap nila siya at talagang masusumpungan siya, bagaman, sa katunayan, hindi siya malayo sa bawat isa sa atin.”Gawa 17:27.

Gusto mo bang makilala nang higit ang Diyos, ibig sabihin, matuto pa tungkol sa kaniyang mga layunin at payo para mabuhay nang maayos ngayon at magpakailanman? Kung oo, pinasisigla ka naming makipag-usap sa taong nagdala sa iyo ng magasing ito o makipag-ugnayan sa mga tagapaglathala nito. Malulugod silang tumulong sa iyo.

^ par. 20 Para sa higit pang impormasyon kung paano isasagawa ng Kaharian ang kalooban ng Diyos sa lupa, tingnan ang kabanata 8 ng aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? na inilalathala ng mga Saksi ni Jehova at mada-download sa www.pr418.com/tl.