Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

 TAMPOK NA PAKSA | KAILANGAN BA NATIN ANG DIYOS?

Bakit Ito Itinatanong?

Bakit Ito Itinatanong?

“Nadarama mo bang hindi mo kailangan ang Diyos? Ganiyan ang nadarama ng milyun-milyon.” Iyan ang mensahe sa isang billboard na ipinagawa kamakailan ng isang grupo ng mga ateista. Maliwanag na nadarama nilang hindi nila kailangan ang Diyos.

Marami naman sa nagsasabing naniniwala sila sa Diyos ang gumagawa ng mga desisyon na para bang hindi siya umiiral. Ganito ang sinabi ni Salvatore Fisichella, isang arsobispong Katoliko, tungkol sa mga miyembro ng kanilang relihiyon: “Kung titingnan, walang sinuman ang makapagsasabing kami ay mga Kristiyano dahil ang paraan ng aming pamumuhay ay katulad ng sa mga di-mananampalataya.”

Ang ilan ay napakaabala para maisip pa ang Diyos. Inaakala nila na napakalayo niya at mahirap maabot upang magkaroon ng anumang mahalagang bahagi sa kanilang buhay. Naiisip lamang nila ang Diyos kapag may problema o may kailangan sila—para bang ang Diyos ay isang sunud-sunurang alipin.

Hindi naman sinusunod ng iba ang mga itinuturo ng kanilang relihiyon, marahil iniisip nilang hindi ito mahalaga. Bilang halimbawa, 76 na porsiyento ng mga Katoliko sa Germany ang naniniwala na okey lang magsama bago magpakasal—isang pananaw na salungat sa turo ng kanilang simbahan at ng Bibliya. (1 Corinto 6:18; Hebreo 13:4) Sabihin pa, hindi lang mga Katoliko ang nakapapansin na bagaman maraming tao ang nagsasabing relihiyoso sila, hindi sila namumuhay ayon sa kanilang paniniwala. Nagrereklamo ang mga klerigo ng iba’t ibang relihiyon na ang kanilang mga miyembro ay gumagawi na “parang mga ateista.”

Kaya makatuwirang itanong: Talaga bang kailangan natin ang Diyos? Hindi na bago ang isyung ito. Binanggit ito sa simula pa lang ng Bibliya. Upang malaman ang sagot, bigyang-pansin natin ang mga isyu na ibinangon sa aklat ng Bibliya na Genesis.