Sagot sa mga Tanong sa Bibliya
Anong uri ng persona ang Diyos?
Ang Diyos ay isang di-nakikitang espiritung persona. Nilalang niya ang langit, lupa, at ang lahat ng nabubuhay na bagay. Walang lumalang sa Diyos—wala siyang pasimula. (Awit 90:2) Gusto ng Diyos na hanapin siya ng mga tao at alamin ang katotohanan tungkol sa kaniya.
Ang Diyos ay isang persona na maaari nating makilala sa pangalan. Malalaman natin ang mga katangian niya sa pamamagitan ng pagbubulay-bulay sa mga bagay na ginawa niya. (Roma 1:20) Pero upang higit na makilala ang Diyos, kailangan nating pag-aralan ang kaniyang Salita, ang Bibliya. Sinasabi nito sa atin ang maibiging personalidad ng Diyos.
Ano ang nadarama ng Diyos hinggil sa kawalang-katarungan?
Kinapopootan ng ating Maylalang na si Jehova ang kawalang-katarungan. (Deuteronomio 25:16) At nilalang niya ang tao ayon sa kaniyang larawan. Iyan ang dahilan kung bakit ang karamihan sa atin ay napopoot sa kawalang-katarungan. Hindi kagagawan ng Diyos ang kawalang-katarungang nakikita natin. Binigyan ng Diyos ang tao ng kalayaang magpasiya. Pero ginagamit ng maraming tao ang kanilang kalayaang magpasiya sa maling paraan at nakikitungo nang walang katarungan. Nalungkot si Jehova.
Si Jehova ay maibigin sa katarungan, at hindi niya pahihintulutan magpakailanman ang kawalang-katarungan. (Awit 37:28, 29) Nangangako ang Bibliya na malapit nang wakasan ng Diyos ang lahat ng kawalang-katarungan.
Nangangako ang Bibliya na malapit nang pairalin ng Diyos ang katarungan para sa lahat