Sagot sa mga Tanong sa Bibliya
Talaga bang Salita ng Diyos ang Bibliya?
Maaasahan mong natatangi ang Salita ng Diyos, at ganoon nga ang Bibliya. Bilyun-bilyong kopya nito ang naimprenta na sa daan-daang wika. Ang karunungan sa Bibliya ay may kapangyarihang magpabago sa mga tao.—Basahin ang 1 Tesalonica 2:13; 2 Timoteo 3:16.
Alam natin na mula sa Diyos ang Bibliya dahil tumpak ang sinasabi nito tungkol sa mangyayari sa hinaharap. Walang sinumang tao ang makagagawa niyan. Kunin nating halimbawa ang aklat ni Isaias. Isang kopya nito na ginawa mahigit isang siglo bago ipanganak si Jesus ang natagpuan sa isang kuweba malapit sa Dagat na Patay. Sinasabi nito na ang lunsod ng Babilonya ay hindi na titirhan. Unang nangyari ang hulang iyan maraming taon pagkatapos ng ministeryo ni Jesus sa lupa.—Basahin ang Isaias 13:19, 20; 2 Pedro 1:20, 21.
Paano isinulat ang Bibliya?
Ang Bibliya ay isinulat sa loob ng mga 1,600 taon. Iisa ang tema na isinulat ng mga 40 manunulat nito at hindi ito nagkakasalungatan. Paano nangyari iyon? Ginabayan sila ng Diyos.—Basahin ang 2 Samuel 23:2.
Kung minsan, nakikipag-usap ang Diyos sa mga manunulat ng Bibliya sa pamamagitan ng mga anghel, pangitain, o panaginip. Karaniwan nang inilalagay ng Diyos ang kaisipan niya sa isip ng manunulat at hinahayaan niya itong pumili ng gagamiting mga salita sa paghahayag ng mensahe ng Diyos.—Basahin ang Apocalipsis 1:1; 21:3-5.