Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Malalabanan Mo ang Tukso!

Malalabanan Mo ang Tukso!

“Wala akong intensiyong tumingin ng pornograpya. Pero pagbukas ko ng Internet, may bigla na lang lumitaw. Ewan ko ba, basta nag-click na lang ako.”—CODY. *

“Isang magandang katrabaho ko ang nagpi-flirt sa akin. Isang araw, niyaya niya akong maghotel. Alam ko kung ano talaga ang gusto niya.”—DYLAN.

“MALALABANAN ko ang lahat maliban sa tukso.” Pabirong sinasabi ito ng ilan. Ipinakikita nito na para sa kanila, ang tukso ay kanais-nais. Sa iba naman, ito ay isang kaaway na gusto nilang daigin. Kapag napaharap sa tukso, dapat ka bang magpadala rito o dapat mong labanan ito?

Siyempre, hindi naman lahat ng tukso ay nauuwi sa malalaking problema. Halimbawa, hindi ka naman mapapahamak kung kakain ka ng isang hiwa ng cake kapag nagda-diet ka. Pero kung magpapadala ka sa ibang tukso—gaya ng imoralidad—magiging kapaha-pahamak ito. Nagbabala ang Bibliya: “Ang sinumang nangangalunya . . . ay kapos ang puso; siyang gumagawa nito ay nagpapahamak ng kaniyang sariling kaluluwa.”Kawikaan 6:32, 33.

Kapag bigla kang napaharap sa tuksong gumawa ng imoralidad, ano ang dapat mong gawin? Sinasabi ng Bibliya: “Ito ang kalooban ng Diyos, ang pagpapabanal sa inyo, na umiwas kayo sa pakikiapid; na ang bawat isa sa inyo ay dapat makaalam kung paano susupilin ang kaniyang sariling sisidlan sa pagpapabanal at karangalan.” (1 Tesalonica 4:3, 4) Paano mo mapatitibay ang determinasyon mong labanan ang tukso? May tatlong hakbang na makatutulong sa iyo.

Hakbang 1: Bantayan ang Iyong Mata

Ang pagtingin sa mahahalay na larawan o palabas ay lalong magpapatindi sa maling pagnanasa. Para patunayan ang kaugnayan ng pagtingin at pagnanasa, nagbabala si Jesus: “Ang bawat isa na patuloy na tumitingin sa isang babae upang magkaroon ng masidhing pagnanasa sa kaniya ay nangalunya na sa kaniya sa kaniyang puso.” Gamit ang isang malinaw na hyperbole, sinabi niya: “Kung ang kanang mata mong iyan ay nagpapatisod sa iyo, dukitin mo ito at itapon.” (Mateo 5:28, 29) Ang aral? Para malabanan ang tukso, maging determinado na huwag tumingin sa mahahalay na larawan.

Kung may masulyapan kang malaswa, agad na umiwas ng tingin

 Para ilarawan: Kunwari ay napatingin ka sa nakasisilaw na liwanag mula sa welding. Tititigan mo ba ito? Siyempre hindi! Tiyak na tatalikod ka o tatakpan mo ang iyong mata. Sa katulad na paraan, kung may masulyapan kang malaswa—sa mga babasahin, palabas, o sa aktuwal—agad na umiwas ng tingin. Ingatan na huwag mahawa ang iyong isip. Sinabi ni Juan, isang dating adik sa pornograpya: “Kapag nakakakita ako ng magandang babae, ilang beses akong napapalingon. Kaya pinipilit kong umiwas ng tingin, at sinasabi ko sa aking sarili: ‘Manalangin ka kay Jehova! Ngayon na!’ Pagkapanalangin ko, nawawala na ang pagnanasa.”Mateo 6:9, 13; 1 Corinto 10:13.

Isaalang-alang din ang tapat na si Job na nagsabi: “Nakipagtipan ako sa aking mga mata. Kaya paano ako makapagbibigay-pansin sa isang dalaga?” (Job 31:1) Bakit hindi tularan ang determinasyon ni Job?

Subukan ito: Kung mapasulyap ka sa isang mahalay na larawan, alisin agad ang iyong tingin. Tularan ang manunulat ng Bibliya na nanalangin: “Palampasin mo ang aking mga mata sa pagtingin sa walang kabuluhan.”Awit 119:37.

Hakbang 2: Bantayan ang Iyong Isip

Dahil tayong lahat ay di-sakdal, baka mahirapan tayo kung minsan na labanan ang maling pagnanasa. Sinasabi ng Bibliya: “Ang bawat isa ay nasusubok kapag nahihila at naaakit ng sarili niyang pagnanasa. Pagkatapos ang pagnanasa, kapag naglihi na ito, ay nagsisilang ng kasalanan.” (Santiago 1:14, 15) Paano mo maiiwasang masukol sa ganitong sitwasyon?

Kapag pumapasok sa isip mo ang imoral na mga bagay, huminto kaagad at manalangin

Kapag nagkakaroon ka ng maling mga pagnanasa, tandaan na may magagawa ka. Labanan ang mga pagnanasang iyon. Alisin ang mga ito sa isipan. Umiwas sa imoral na pagpapantasya. Sinabi ni Troy, na naadik sa pornograpya sa Internet: “Nakipaglaban ako para maalis ang maling mga kaisipan sa pamamagitan ng pagpopokus sa positibong mga kaisipan. Hindi ito madali. Maraming beses akong nadaig ng tukso. Pero nang maglaon, natutuhan ko ring kontrolin ang aking kaisipan.” Naalaala ni Elsa, na nakipaglaban sa tuksong gumawa ng imoralidad noong tin-edyer siya, “Lagi akong maraming ginagawa at  nananalangin kay Jehova kaya naiwasan ko ang maling kaisipan.”

Subukan ito: Kapag pumapasok sa isip mo ang imoral na mga bagay, huminto kaagad at manalangin. Labanan ang maling kaisipan sa pamamagitan ng pag-iisip ng “anumang bagay na totoo, anumang bagay na seryosong pag-isipan, anumang bagay na matuwid, anumang bagay na malinis, anumang bagay na kaibig-ibig, anumang bagay na may mabuting ulat, anumang kagalingan ang mayroon at anumang kapuri-puring bagay ang mayroon.”Filipos 4:8.

Hakbang 3: Bantayan ang Iyong mga Hakbang

Kapag nagsabay-sabay ang pagnanasa, tukso, at pagkakataon, problema ang kasunod nito. (Kawikaan 7:6-23) Paano mo maiiwasang maging biktima?

“Nag-i-Internet lang ako kapag may ibang nakakakita”

Nagpapayo ang Bibliya: “Matalino ang nakakakita ng kapahamakan at nagkukubli, ngunit ang mga walang-karanasan ay dumaraan at daranas ng kaparusahan.” (Kawikaan 22:3) Kaya bantayan ang iyong mga hakbang. Patiunang pag-isipan ang mga sitwasyong maaaring pagmulan ng mga problema, at iwasan ang mga ito. (Kawikaan 7:25) Sinabi ni Filipe, na nagtagumpay laban sa pornograpya: “Inilagay ko ang computer namin sa lugar na makikita ng lahat, at kinabitan ko ito ng Internet filter software. Nag-i-Internet lang ako kapag may ibang nakakakita.” Sinabi naman ni Troy na nabanggit kanina: “Iniiwasan kong manood ng nakatutuksong pelikula at makisama sa mga taong bulgar magsalita tungkol sa sekso. Ayaw kong ilagay ang sarili ko sa panganib.”

Subukan ito: Tapatang suriin ang iyong mga kahinaan at patiunang magplano na iwasan ang mga sitwasyong maaaring maghantad sa iyo sa tukso.Mateo 6:13.

HUWAG SUMUKO!

Paano kung sa kabila ng iyong pagsisikap ay matukso ka pa rin? Huwag masiraan ng loob at sumuko. Sinasabi ng Bibliya: “Ang matuwid ay maaaring mabuwal nang kahit pitong ulit, at tiyak na babangon siya.” (Kawikaan 24:16) Oo, pinatitibay tayo ng ating Ama sa langit na ‘bumangon.’ Tatanggapin mo ba ang kaniyang maibiging tulong? Huwag magsawa sa pananalangin. Pag-aralan ang kaniyang Salita para tumibay ang iyong pananampalataya. Dumalo sa mga Kristiyanong pagpupulong upang patatagin ang iyong determinasyon. Hayaang palakasin ka ng pangako ng Diyos: “Patitibayin kita. Talagang tutulungan kita.”Isaias 41:10.

Sinabi ni Cody, na binanggit sa simula: “Nagsikap ako nang husto para madaig ang pagkalulong sa pornograpya. Maraming hadlang, pero sa tulong ng Diyos, napagtagumpayan ko ito.” Si Dylan, na nabanggit din kanina, ay nagsabi: “Muntik na akong matuksong makipag-sex sa katrabaho ko kung hindi ako nagpakatatag at tumanggi sa kaniya. Ang sarap ng pakiramdam na magkaroon ng malinis na budhi. Higit sa lahat, alam kong natutuwa sa akin si Jehova.”

Kung magpapakatatag ka at lalabanan mo ang tukso, makatitiyak kang matutuwa rin sa iyo ang Diyos!Kawikaan 27:11.

^ par. 2 Binago ang mga pangalan sa artikulong ito.