Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Thomas Emlyn—Mamumusong o Tagapagtanggol ng Katotohanan?

Thomas Emlyn—Mamumusong o Tagapagtanggol ng Katotohanan?

SINO si Thomas Emlyn, at ano ang nag-udyok sa kaniya na manindigan sa katotohanan? Ano ang matututuhan natin sa kaniya na makatutulong sa atin ngayon?

Para masagot iyan, balikan natin ang huling mga taon ng ika-17 at maaga noong ika-18 siglo sa England at Ireland. Makapangyarihan noon ang Church of England. Pero may mga indibiduwal at mga grupong Protestante na kontra sa mga turo at gawain ng simbahan.

SINO SI EMLYN?

Isinilang si Thomas Emlyn noong Mayo 27, 1663, sa Stamford, Lincolnshire, England. Sa edad na 19, ipinahayag niya ang kaniyang unang sermon. Nang maglaon, naging kapelyan siya ng isang kondesa na nakatira sa London; at pagkatapos, lumipat siya sa Belfast, Ireland.

Noong nasa Belfast na siya, nanungkulan siya sa isang parokya. Paglipas ng ilang panahon, si Emlyn ay nagsilbing ministro sa iba’t ibang lugar, pati na sa Dublin.

BAKIT SIYA INAKUSAHAN NG PAMUMUSONG?

Pinag-aralang mabuti ni Emlyn ang Bibliya. Dahil dito, pinagdudahan niya ang turo ng Trinidad, bagaman dati niya itong pinaniniwalaan. Sa pagsasaliksik niya sa mga Ebanghelyo, nakumbinsi siya na sinusuportahan nito ang kaniyang bagong pagkaunawa.

Hindi agad inihayag ni Emlyn ang kaniyang natuklasan. Pero napansin ng ilang miyembro ng kaniyang simbahan sa Dublin na hindi na niya binabanggit ang Trinidad sa kaniyang mga sermon. Dahil alam niyang hindi tatanggapin ng iba ang kaniyang natuklasan, sumulat siya: “Alam kong hindi na ako maaaring magpatuloy sa aking kasalukuyang katungkulan kapag umamin ako.” Noong Hunyo 1702, kinompronta siya ng dalawang kasamahan niya tungkol sa hindi niya pagbanggit sa Trinidad sa kaniyang mga sermon. Inamin ni Emlyn na hindi na siya naniniwala rito at na magbibitiw na siya sa tungkulin.

Ang publikasyon ni Emlyn ay nagharap ng katibayan mula sa Bibliya kung bakit hindi maaaring si Jesus ang Kataas-taasang Diyos

Pagkalipas ng ilang araw, umalis siya ng Dublin, Ireland, at nagpunta sa England. Gayunman, bumalik siya sa Dublin pagkaraan ng 10 linggo para asikasuhin ang ilang bagay, sa layuning manirahan na sa London. Habang naroroon, inilathala niya ang An Humble Inquiry Into the Scripture-Account of Jesus Christ upang ipagtanggol ang kaniyang mga pananaw. Sa publikasyong ito, nagbigay siya ng maliwanag na patotoo mula sa Bibliya kung bakit hindi maaaring si Jesus ang Kataas-taasang Diyos. Galít na galít ang mga miyembro ng dating kongregasyon ni Emlyn sa Dublin. Nagsampa sila ng pormal na reklamo.

Inaresto si Emlyn at dinala sa isang korte sa Dublin noong Hunyo 14, 1703. Sa kaniyang akda na True Narrative of the Proceedings, sinabi ni Emlyn na idinemanda siya “dahil sa pagsulat at paglalathala ng isang aklat, kung saan, diumano’y mapamusong at mapaminsala kong ipinahayag, atbp. Na si Jesu-Kristo ay hindi kapantay ng Diyos Ama.” Ang paglilitis ay hindi patas. Pitong obispo ng Church of Ireland ang nakaupo sa tabi ng mga hukom. Hindi pinagsalita si Emlyn para ipagtanggol ang kaniyang sarili.  Isang iginagalang na abogado, si Richard Levins, ang nagsabi kay Emlyn na tutugisin siyang parang kriminal at hindi siya makaliligtas. Sa pagtatapos ng paglilitis, ang Lord Chief Justice ng Ireland na si Richard Pyne ay nagsabi sa hurado na kung hindi sila magbababa ng inaasahang hatol, “naroroon ang kaniyang mga panginoon na mga obispo,” na nagpapahiwatig na may karampatang parusa para sa hurado.

“Handa akong magdusa alang- alang sa pinaniniwalaan kong katotohanan at kaluwalhatian niya [ng Diyos].”—Thomas Emlyn

Nang si Emlyn ay mahatulang may-sala, iminungkahi ng solicitor-general na bawiin niya ang kaniyang sinabi. Tumanggi si Emlyn. Pinagmulta siya at sinentensiyahan ng isang-taóng pagkabilanggo. Dahil hindi siya makabayad ng multa, nanatili siya sa bilangguan nang dalawang taon hanggang sa isang kaibigan ang kumumbinsi sa mga awtoridad na bawasan ang multa. Napalaya si Emlyn noong Hulyo 21, 1705. Ang kahihiyang dinanas niya ang nag-udyok sa kaniya na sabihin ang sinipi sa simula: “Handa akong magdusa alang-alang sa pinaniniwalaan kong katotohanan at kaluwalhatian niya [ng Diyos].”

Lumipat si Emlyn sa London, at nang maglaon ay sumama kay William Whiston, isa ring iskolar ng Bibliya. Itinakwil si Whiston dahil inilathala niya ang iniisip niyang katotohanan mula sa Bibliya. Malaki ang respeto ni Whiston kay Emlyn, at tinawag niya itong “ ‘ang una at pangunahing tagapaghayag’ ng ‘sinaunang kristiyanismo.’ ”

BAKIT NIYA ITINAKWIL ANG TRINIDAD?

Tulad ni William Whiston at ng isa pang iginagalang na iskolar, si Isaac Newton, natuklasan ni Emlyn na hindi sinusuportahan ng Bibliya ang doktrina ng Trinidad. Ipinaliwanag niya: “Matapos seryosong pag-isipan at pag-aralan ang banal na Kasulatan, . . . ipinasiya kong makatuwirang . . . baguhin ang aking opinyon may kaugnayan sa dating tinatanggap na paniniwala tungkol sa Trinidad.” Naging konklusyon niya na “ang Diyos at Ama ni Jesu-Kristo ang tanging Kataas-taasan.”

Bakit ganoon ang konklusyon ni Emlyn? Marami siyang nakitang teksto na bumabanggit sa pagkakaiba ni Jesus at ng Kaniyang Ama. Narito ang ilang halimbawa (Ang mga komento ni Emlyn sa mga teksto ay nakaitaliko):

  •  Juan 17:3: “Hindi kailanman sinasabing si Kristo ang mismong Diyos na iyon o ang Diyos, na parang siya ang tanging Diyos.” Ang Ama lamang ang tinatawag na “ang tanging tunay na Diyos.”

  •  Juan 5:30: “Hindi ginagawa ng Anak ang kaniyang sariling kalooban, kundi ang kalooban ng Ama.”

  •  Juan 5:26: “Ang kaniyang Buhay ay mula sa Ama.”

  •  Efeso 1:3: “Bagaman si Jesu-Kristo ay karaniwang tinatawag na Anak ng Diyos, hindi natin kailanman mababasa na tinatawag ang Ama bilang Ama ng Diyos, kahit na madalas siyang tawaging Ama ng ating Panginoong Jesus.”

Matapos pag-aralan ni Emlyn ang lahat ng katibayan, sinabi niya: “Walang isa mang talata sa banal na Kasulatan na nag-aangking ang Ama, Anak, at Espiritu Santo ay iisang persona.”

ANO ANG MATUTUTUHAN NATIN?

Marami ngayon ang natatakot ipagtanggol ang itinuturo ng Bibliya. Pero handang ipagtanggol ni Emlyn ang katotohanang nasa Bibliya. Nagtanong siya, “Kung hindi ipahahayag ng isang tao ang mahahalagang katotohanan, na maliwanag na nasa banal na Kasulatan, bakit pa niya ito babasahin at sasaliksikin?” Hindi ikokompromiso ni Emlyn ang katotohanan.

Ang halimbawa ni Emlyn at ng iba pa ay maaaring magpakilos sa atin na tingnan kung handa ba nating ipagtanggol ang katotohanan sa harap ng mga pagtuya. Maaari din nating tanungin ang ating sarili, ‘Alin ang mas mahalaga—ang karangalan at pagsang-ayon ng komunidad o ang pagtatanggol sa katotohanang nasa Salita ng Diyos?’