Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

 TAMPOK NA PAKSA | ANG TINGIN NG DIYOS SA PANINIGARILYO

Ano ang Tingin ng Diyos sa Paninigarilyo?

Ano ang Tingin ng Diyos sa Paninigarilyo?

Sinabi ni Naoko, na binanggit sa naunang artikulo, kung paano niya naihinto ang paninigarilyo, “Nagawa kong magbago nang malaman ko ang katotohanan tungkol sa mga katangian at layunin ng Diyos.” Ang katotohanang iyon ay natutuhan ni Naoko mula sa Bibliya. Kahit hindi binabanggit sa Bibliya ang tabako, matutulungan tayo nitong malaman ang tingin ng Diyos sa paninigarilyo. * Para sa marami, ito ang nagbigay sa kanila ng determinasyong labanan o ihinto ang bisyo. (2 Timoteo 3:16, 17) Talakayin natin ang tatlong kilaláng masasamang epekto ng paninigarilyo at kung ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol dito.

NAKAKAADIK ANG PANINIGARILYO

Nasa tabako ang isa sa lubhang nakakaadik na sangkap—ang nikotina. Nagsisilbi itong pampasigla at pampakalma. At dahil sa paninigarilyo, mabilis at paulit-ulit na napupunta sa utak ang nikotina. Yamang bawat hitit ng sigarilyo ay isang dosis ng nikotina, ang isang taong nakakaisang kaha kada araw ay nakalalanghap ng mga 200 dosis sa isang araw, mas mataas na dosis kumpara sa ibang droga. Ang ganito kadalas na paghitit ng nikotina ay nakakaadik. Kapag adik na ang isa, daranas siya ng mga withdrawal symptom kung hindi masasapatan ang paghahangad niya sa nikotina.

“Kayo ay mga alipin niya sapagkat sinusunod ninyo siya.”Roma 6:16

Talaga bang masusunod mo ang Diyos kung alipin ka ng paninigarilyo?

Tinutulungan tayo ng Bibliya na magkaroon ng tamang pananaw. Sinasabi nito: “Hindi ba ninyo alam na kung patuloy ninyong inihaharap sa kaninuman ang inyong sarili bilang mga alipin upang sundin siya, kayo ay mga alipin niya sapagkat sinusunod ninyo siya?” (Roma 6:16) Kapag kontrolado na ng paghahangad sa tabako ang pag-iisip at paggawi ng isa, nagiging alipin siya ng napakasamang bisyo. Pero gusto ng Diyos, na ang pangalan ay Jehova, na makalaya tayo hindi lang sa mga bisyong nakapipinsala sa katawan kundi pati sa kaisipan. (Awit 83:18; 2 Corinto 7:1) Kaya habang natututuhan ng isa na pahalagahan at igalang si Jehova, nakikita niya na dapat niyang ibigay kay Jehova ang pinakamainam. Pero hindi niya ito magagawa kung alipin siya ng nakamamatay na bisyo. Ang katotohanang ito ang tutulong sa isa na labanan ang nakapipinsalang mga pagnanasa.

Nadaig ni Olaf, na taga-Germany, ang 16-na-taóng pagkaadik sa sigarilyo, na nagsimula noong 12 anyos siya. Noong una, inakala niya na walang masama sa paninigarilyo. Pero sa paglipas ng mga taon, naadik na siya rito. Ang sabi niya: “Nang minsang maubusan ako ng sigarilyo, kinuha ko ang mga upos sa ashtray, sinimot ang laman nito, at saka ibinilot sa kapirasong diyaryo. Pagkatapos nito, hiyang-hiya ako sa sarili ko.” Paano niya naihinto ang bisyong ito? “Gusto ko kasing mapasaya si Jehova,”  ang sabi niya. “Ang pagmamahal ni Jehova sa mga tao at ang pag-asang ibinibigay niya ang nagpalakas sa akin na tuluyang ihinto ang bisyong ito.”

SINISIRA NG PANINIGARILYO ANG KATAWAN

“Napatunayan na ng siyensiya na sinisira ng paninigarilyo . . . ang halos buong katawan at pinaiikli ang buhay ng tao,” ang sabi ng The Tobacco Atlas. Alam ng lahat na ang paninigarilyo ay sanhi ng di-nakahahawang sakit na gaya ng kanser, sakit sa puso, at mga sakit sa baga. Pero ayon sa World Health Organization (WHO), ang paninigarilyo ay pangunahing sanhi rin ng nakahahawa at nakamamatay na sakit, gaya ng tuberkulosis.

“Iibigin mo si Jehova na iyong Diyos nang iyong buong puso at nang iyong buong kaluluwa at nang iyong buong pag-iisip.”Mateo 22:37

Ipinakikita mo bang mahal mo at iginagalang ang Diyos kung inaabuso mo sa maruming bisyo ang katawang ibinigay niya sa iyo?

Sa Bibliya, itinuturo ng Diyos na Jehova ang tamang pananaw sa ating buhay, katawan, at mga kakayahan. Iyan ang binanggit ng Anak niyang si Jesus, na nagsabi: “Iibigin mo si Jehova na iyong Diyos nang iyong buong puso at nang iyong buong kaluluwa at nang iyong buong pag-iisip.” (Mateo 22:37) Maliwanag na gusto ng Diyos na irespeto natin ang ating buhay at katawan, at gamitin ito sa tamang paraan. Habang natututo tayo tungkol kay Jehova at sa mga pangako niya, lalo natin siyang mamahalin at mapahahalagahan ang lahat ng ginawa niya. Tutulungan tayo nito na umiwas sa anumang bagay na magpaparumi sa ating katawan.

Si Jayavanth, isang doktor sa India, ay 38 taóng nanigarilyo. Sinabi niya: “Nalaman ko sa mga babasahin sa medisina ang mga panganib ng paninigarilyo. Alam kong mali iyon, at pinapayuhan ko ang mga pasyente ko na ihinto ang bisyo. Pero ako mismo hindi ko magawa iyon, kahit lima o anim na beses ko nang sinubukan.” Ano ang nakatulong sa kaniya? Sinabi niya: “Naihinto ko ang paninigarilyo nang mag-aral ako ng Bibliya. Agad ko itong nagawa kasi gusto kong mapasaya si Jehova.”

NAKAPIPINSALA SA IBA ANG PANINIGARILYO

Nakalalason ang ibinubugang usok, maging ang usok ng nakasinding sigarilyo. Ang paglanghap ng gayong usok ay puwedeng maging sanhi ng kanser at ng iba pang sakit. Kumikitil ito ng 600,000 di-naninigarilyo bawat taon, na karamihan ay mga babae at bata. Isang ulat ng WHO ang nagbabala: “Walang ligtas na antas ng pagkahantad sa secondhand smoke.”

“Iibigin mo ang iyong kapuwa gaya ng iyong sarili.”Mateo 22:39

Masasabi mo bang mahal mo ang iyong kapuwa at pamilya kung inihahantad mo sila sa nakapipinsalang usok ng iyong sigarilyo?

 Ayon kay Jesus, ang pagmamahal sa kapuwa—sa ating pamilya, mga kaibigan, at iba pang nakakasama—ay pangalawa sa pagmamahal sa Diyos. “Iibigin mo ang iyong kapuwa gaya ng iyong sarili,” ang sabi niya. (Mateo 22:39) Kung ang bisyo natin ay nakapipinsala sa mga malapít sa atin, wala tayong pag-ibig sa kapuwa. Pakikilusin tayo ng tunay na pag-ibig na sundin ang payo ng Bibliya: “Patuloy na hanapin ng bawat isa, hindi ang kaniyang sariling kapakinabangan, kundi yaong sa ibang tao.”1 Corinto 10:24.

Naalaala ni Armen, na taga-Armenia: “Nagmakaawa sa akin ang pamilya ko na ihinto ko na ang paninigarilyo dahil naaapektuhan sila nito. Pero ayokong aminin na may masamang epekto ito sa kanila.” Ipinaliwanag ni Armen kung bakit nagbago ang pananaw niya: “Natulungan ako ng natutuhan ko sa Bibliya at ng pag-ibig kay Jehova na itigil ang paninigarilyo at amining nakapipinsala ito, hindi lang sa akin kundi pati na rin sa mga nakapaligid sa akin.”

PANINIGARILYO—MAWAWALA NA MAGPAKAILANMAN!

Nakatulong kina Olaf, Jayavanth, at Armen ang kaalaman sa Bibliya para makalaya sa bisyong pumipinsala sa kanila at sa iba. Nadaig nila ang paninigarilyo hindi lang dahil nalaman nilang masama ito, kundi dahil mahal nila si Jehova at gusto nilang mapasaya siya. Ang mahalagang papel ng pag-ibig ay idiniin sa 1 Juan 5:3, na nagsabi: “Ito ang kahulugan ng pag-ibig sa Diyos, na tuparin natin ang kaniyang mga utos; gayunma’y ang kaniyang mga utos ay hindi pabigat.” Siyempre, hindi laging madaling sundin ang sinasabi ng Bibliya. Pero kung ang isa ay may matinding pag-ibig sa Diyos, hindi mahirap ang pagsunod.

Sa pamamagitan ng pangglobong kampanya ng pagtuturo, tinutulungan ng Diyos na Jehova ngayon ang milyon-milyon na makalaya o makaiwas sa paninigarilyo. (1 Timoteo 2:3, 4) Napakalapit nang alisin ng Kaharian ni Jehova—isang gobyerno sa langit na pamamahalaan ng kaniyang Anak, si Jesu-Kristo—ang sakim na komersiyo na dahilan ng pagkaalipin ng milyon-milyon sa tabako. Papawiin niya magpakailanman ang epidemya ng paninigarilyo at bibigyan ng malusog na pangangatawan at isipan ang masunuring mga tao.Isaias 33:24; Apocalipsis 19:11, 15.

Kung nahihirapan kang ihinto ang paninigarilyo, huwag masiraan ng loob. Kapag natutuhan mong mahalin si Jehova at pahalagahan ang pananaw niya sa paninigarilyo, magiging determinado ka ring magtagumpay. Matutuwa ang mga Saksi ni Jehova na magbigay ng praktikal na tulong para masunod mo ang mga simulain sa Bibliya. Makatitiyak ka na kung kailangan mo ang tulong ni Jehova para maihinto ang paninigarilyo, bibigyan ka niya ng lakas na kailangan mo.Filipos 4:13.

^ par. 3 Ang paninigarilyo na binabanggit dito ay tumutukoy sa paglanghap ng usok mula mismo sa sigarilyo, tabako, pipa, o pipang may tubig. Pero ang simulaing tatalakayin dito ay tumutukoy rin sa pagngata ng tabako, pagsinghot ng pinulbos na tabako, paggamit ng electronic cigarette na may nikotina, at iba pang produkto.