Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Tatlong Naghanap ng Katotohanan Noong Ika-16 na Siglo—Ano ang Natuklasan Nila?

Tatlong Naghanap ng Katotohanan Noong Ika-16 na Siglo—Ano ang Natuklasan Nila?

“ANO ang katotohanan?” Iyan ang itinanong ng Romanong gobernador ng Judea noong unang siglo na si Poncio Pilato, nang litisin niya si Jesus. (Juan 18:38) Sabihin pa, hindi talaga naghahanap ng katotohanan si Pilato. Ipinahihiwatig lang ng kaniyang tanong ang mapangutya niyang saloobin. Lumilitaw na para kay Pilato, ang katotohanan ay depende sa kung ano ang pinili ng isa o itinuro sa kaniya na paniwalaan; wala talagang paraan para matiyak kung ano ang katotohanan. Ganiyan din ang paniniwala ng marami ngayon.

Hindi alam ng mga nagsisimba sa Europa noong ika-16 na siglo kung anong katotohanan ang paniniwalaan nila. Namulat sila sa turo na ang papa ang pinakamakapangyarihan, bukod pa sa ibang turo ng simbahan. Pagkatapos, napaharap sila sa mga bagong ideya ng Repormasyon, na lumaganap sa Europa nang panahong iyon. Ano ang dapat nilang paniwalaan? Paano nila matitiyak kung ano ang katotohanan?

Noong panahong iyon, may tatlong lalaki, bukod pa sa iba, na determinadong hanapin ang katotohanan. * Paano nila nalaman kung ano ang totoo at kung ano ang mali? At ano ang natuklasan nila? Tingnan natin.

“ANG BIBLIYA . . . ANG LAGING DAPAT MASUNOD”

Napakarelihiyoso ni Wolfgang Capito. Siya ay estudyante ng medisina, abogasya, at teolohiya. Naging pari siya ng isang parokya noong 1512 at naging kapelyan ng arsobispo ng Mainz.

Noong una, sinikap ni Capito na pakalmahin ang mga Repormador na nangaral ng mensaheng salungat sa turong Katoliko. Pero di-nagtagal, si Capito mismo ay nagsulong ng mga reporma. Ano ang ginawa niya? Dahil iba’t ibang turo ang bumangon, naniniwala si Capito na “ang Bibliya ang pinakamabuting batayan para malaman kung tama o mali ang kanilang itinuturo, sapagkat ito lang ang nagsasabi ng totoo,” ang isinulat ng istoryador na si James M. Kittelson. Kaya naging konklusyon ni Capito na ang turo ng simbahan tungkol sa transubstansiyasyon at ang labis na pagpaparangal sa mga santo ay wala sa Bibliya. (Tingnan ang kahong “‘ Suriin Kung Totoo Nga ang mga Bagay na Ito.’”) Tinalikuran ni Capito ang kaniyang prominenteng posisyon kasama ng arsobispo noong 1523, at nanirahan siya sa lunsod ng Strasbourg, ang sentro ng relihiyosong reporma noong panahong iyon.

 Ang tahanan ni Capito sa Strasbourg ay naging lugar kung saan nagtitipon ang mga tumutuligsa sa simbahan at nag-uusap-usap tungkol sa mga turo ng Bibliya. Kahit itinataguyod pa rin ng ilang Repormador ang doktrina ng Trinidad, ayon sa aklat na The Radical Reformation, makikita sa mga akda ni Capito na “tahimik siya pagdating sa doktrina ng Trinidad.” Bakit? Tumatak sa isip ni Capito kung paano ginamit ng teologong Kastila na si Michael Servetus ang mga teksto sa Bibliya para pasinungalingan ang Trinidad. *

Maaaring ipapatay ang sinumang magkakaila sa turo ng Trinidad kaya maingat si Capito sa pagpapahayag ng kaniyang mga paniniwala. Pero ipinahihiwatig ng kaniyang mga akda na personal niyang kinukuwestiyon ang doktrina ng Trinidad bago pa man niya nakilala si Servetus. Nang maglaon, isinulat ng isang paring Katoliko na pinag-usapan ni Capito at ng kaniyang mga kasama nang pribado “ang pinakamalalalim na misteryo ng relihiyon; [at] itinakwil ang turong Santisima Trinidad.” Pagkaraan ng isang siglo, si Capito ay nanguna sa listahan ng prominenteng mga manunulat na laban sa Trinidad.

Naniniwala si Wolfgang Capito na ang “pagbabale-wala sa Kasulatan” ang malaking pagkakamali ng simbahan

Naniniwala si Capito na ang Bibliya ang pinagmumulan ng katotohanan. “Ang Bibliya at ang kautusan ng Kristo ang laging dapat masunod,” ang sabi niya. Ayon kay Dr. Kittelson, iginiit ni Capito na “ang malaking pagkakamali ng mga teologong iskolar ay ang pagbabale-wala nila sa Kasulatan.”

Ang hangaring ito na matuto ng katotohanan mula sa Salita ng Diyos ay siya ring hangarin ni Martin Cellarius (kilala ring Martin Borrhaus), isang binatang tumira sa bahay ni Capito noong 1526.

“KAALAMAN TUNGKOL SA TUNAY NA DIYOS”

Ang pahinang pantitulo ng aklat ni Martin Cellarius na On the Works of God, kung saan inihambing niya ang mga turo ng simbahan sa turo ng Bibliya

Isinilang si Cellarius noong 1499. Isa siyang masikap na estudyante ng teolohiya at pilosopiya, at nagturo sa Wittenberg, Germany. Yamang ang Wittenberg ang pinagmulan ng Repormasyon, di-nagtagal ay nakilala ni Cellarius si Martin Luther at ang iba pa na gustong baguhin ang turo ng simbahan. Paano malalaman ni Cellarius kung alin ang ideya ng mga tao at alin ang katotohanan mula sa Kasulatan?

Ayon sa aklat na Teaching the Reformation, naniniwala si Cellarius na ang tunay na pagkaunawa ay makukuha “mula sa puspusang pagbabasa ng Kasulatan, sa madalas na paghahambing ng mga teksto sa Kasulatan, at sa pagdarasal na may pagsisisi.” Ano ang natuklasan ni Cellarius sa kaniyang pagsusuri ng Bibliya?

Noong Hulyo 1527, inilathala ni Cellarius sa aklat na pinamagatang On the Works of God ang mga natuklasan niya. Isinulat niya na ang mga sakramento ng simbahan, gaya ng transubstansiyasyon, ay pawang makasagisag. Ayon kay Propesor Robin Barnes, itinampok din ng aklat ni Cellarius “ang isang interpretasyon sa mga hula ng Bibliya na darating ang isang yugto ng panahon ng kalamidad at pagdurusa na susundan ng pansansinukob na pagbabago at ng kasiyahan.”2 Pedro 3:10-13.

Lalo nang kapansin-pansin ang maikling komento ni Cellarius tungkol kay Jesu-Kristo. Bagaman hindi siya tuwirang kontra sa Trinidad, ipinakita ni Cellarius na magkaiba ang “Makalangit na Ama” at ang “kaniyang Anak na si Jesu-Kristo.” Isinulat din niya na si Jesus ay isa sa maraming diyos at mga anak ng Diyos na makapangyarihan-sa-lahat.Juan 10:34, 35.

Sa kaniyang aklat na Antitrinitarian Biography (1850), binanggit ni Robert Wallace na ang mga akda ni Cellarius ay hindi sumusunod sa tradisyonal na turo ng Trinidad na karaniwan noong ika-16 na siglo. * Kaya ayon sa ilang iskolar, malamang na  itinakwil ni Cellarius ang Trinidad. Itinuturing siya bilang isa sa mga instrumento ng Diyos para “ikintal ang kaalaman tungkol sa tunay na Diyos at kay Kristo.”

PAG-ASA NG ISANG PAGSASAULI

Noong mga 1527, ang Wittenberg din ang naging tahanan ng teologong si Johannes Campanus, itinuturing na isa sa mga pinakadakilang iskolar noong panahon niya. Bagaman nasa sentro ng relihiyosong repormasyon, nadismaya si Campanus sa mga turo ni Martin Luther. Bakit?

Tinutulan ni Campanus ang ideya ng transubstansiyasyon at konsubstansiyasyon. * Ayon sa awtor na si André Séguenny, naniniwala si Campanus na “ang Tinapay ay nanatiling tinapay, pero bilang isang sakramento, sumasagisag ito sa katawan ni Kristo.” Sa 1529 Marburg Colloquy, isang miting na idinaos para talakayin ang mismong mga isyung iyon, hindi pinayagan si Campanus na ibahagi ang natutuhan niya mula sa Kasulatan. Mula noon, iniwasan na siya ng mga kapuwa niya Repormador sa Wittenberg.

Sa kaniyang aklat na Restitution, kinuwestiyon ni Johannes Campanus ang doktrina ng Trinidad

Lalo nang ikinagalit ng mga Repormador ang paniniwala ni Campanus tungkol sa Ama, Anak, at sa espiritu santo. Sa kaniyang aklat noong 1532 na Restitution, itinuro ni Campanus na si Jesus at ang Ama ay dalawang magkaibang persona. Ipinaliwanag niya na ang Ama at ang Anak ay “iisa,” kung paanong ang asawang lalaki at babae ay sinasabing “isang laman”—nagkakaisa, pero dalawang persona pa rin. (Juan 10:30; Mateo 19:5) Binanggit ni Campanus na ginamit ng Kasulatan ang ilustrasyong ito para ipakitang mas may awtoridad ang Ama kaysa sa Anak: “Ang ulo . . . ng babae ay ang lalaki; ang ulo naman ng Kristo ay ang Diyos.”1 Corinto 11:3.

Kumusta naman ang tungkol sa banal na espiritu? Bumaling muli si Campanus sa Bibliya at isinulat: “Walang Kasulatan ang sumusuporta na ang Espiritu Santo ang ikatlong persona . . . Pinakikilos ng Diyos ang kaniyang espiritu, anupat inihahanda at isinasagawa Niya ang lahat ng bagay sa pamamagitan ng kaniyang espirituwal na kapangyarihan at gawain.”Genesis 1:2.

Tinawag ni Luther si Campanus na mamumusong at kaaway ng Anak ng Diyos. Hiniling naman ng isa pang Repormador na ipapatay si Campanus. Pero hindi natinag si Campanus. Ayon sa The Radical Reformation, “kumbinsido si Campanus na ang pagbagsak ng Simbahan ay resulta ng hindi nito pagtanggap sa turo ng mga apostol at ng Bibliya hinggil sa pagkaulo ng Diyos at ng lalaki.”

Walang intensiyon si Campanus na magtatag ng isang relihiyon. Sinabi niya na nabigo siyang mahanap ang katotohanan “sa gitna ng mga sekta at ng lahat ng erehe.” Kaya umaasa siyang isasauli ng Simbahang Katoliko ang tunay na turong Kristiyano. Pero nang bandang huli, inaresto ng mga Katolikong awtoridad si Campanus, at malamang na nakulong siya ng mahigit 20 taon. Ayon sa mga istoryador, namatay siya noong mga 1575.

 “TIYAKIN NINYO ANG LAHAT NG BAGAY”

Dahil sa masikap na pag-aaral ng Bibliya nina Capito, Cellarius, Campanus, at ng iba pa, nakilala nila ang kaibahan ng katotohanan sa kasinungalingan. Bagaman hindi lahat ng naging konklusyon nila ay lubusang kaayon ng Bibliya, mapagpakumbabang sinaliksik ng mga lalaking ito ang Kasulatan at pinahalagahan ang katotohanang natutuhan nila.

Hinimok ni apostol Pablo ang kaniyang mga kapuwa Kristiyano: “Tiyakin ninyo ang lahat ng bagay; manghawakan kayong mahigpit sa kung ano ang mainam.” (1 Tesalonica 5:21)      

^ par. 4 Tingnan ang kahong “Hayaang Lumaking Magkasama Hanggang sa Pag-aani,” sa pahina 44 ng aklat na Mga Saksi ni JehovaTagapaghayag ng Kaharian ng Diyos na inilalathala ng mga Saksi ni Jehova.

^ par. 8 Tingnan ang artikulong “Michael Servetus—Nag-iisa sa Paghahanap ng Katotohanan,” sa Gumising! isyu ng Mayo 2006, na inilalathala ng mga Saksi ni Jehova.

^ par. 17 Ganito ang sinasabi ng aklat tungkol sa paggamit ni Cellarius sa salitang “diyos” kapag tinutukoy si Kristo: “Isinusulat ito na deus, at hindi Deus. Ang huling binanggit ay ginagamit lamang para sa Kataas-taasang Diyos.”

^ par. 20 Ang konsubstansiyasyon ang turo ni Luther na kasama diumano ang katawan at dugo ni Kristo sa tinapay at alak noong Hapunan ng Panginoon.