TAMPOK NA PAKSA | BAKIT NANGYAYARI ANG MASASAMANG BAGAY SA MABUBUTING TAO?
Bakit Nangyayari ang Masasamang Bagay sa Mabubuting Tao?
Yamang ang Diyos na Jehova * ay makapangyarihan at ang Maylalang ng lahat ng bagay, iniisip ng marami na siya ang may kagagawan sa lahat ng nangyayari sa mundo, pati na sa lahat ng kasamaan. Pero ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa tunay na Diyos?
-
“Si Jehova ay matuwid sa lahat ng kaniyang mga daan.”
—Awit 145:17. -
“Ang lahat ng [mga daan ng Diyos] ay katarungan. Isang Diyos ng katapatan, na sa kaniya ay walang masusumpungang kawalang-katarungan; matuwid at matapat siya.”
—Deuteronomio 32:4. -
“Si Jehova ay napakamagiliw sa pagmamahal at maawain.”
—Santiago 5:11.
Hindi ang Diyos ang may kagagawan ng masasamang bagay. Pero inuudyukan ba niya ang iba na gumawa nito? Hindi. Sinasabi ng Bibliya: “Kapag nasa ilalim ng pagsubok, huwag sabihin ng sinuman: ‘Ako ay sinusubok ng Diyos.’ ” Bakit? Dahil “sa masasamang bagay ay hindi masusubok ang Diyos ni sinusubok man niya ang sinuman.” (Santiago 1:13) Hindi sinusubok, o inuudyukan, ng Diyos ang sinuman na gumawa ng masama, ni nanggagaling man sa kaniya ang masasamang bagay. Kaya sino, o ano, ang pinagmumulan ng masasamang bagay?
NASA MALING LUGAR SA MALING PANAHON
Binabanggit ng Bibliya ang isang dahilan kung bakit nagdurusa ang tao: “Ang panahon at ang di-inaasahang pangyayari ay sumasapit sa kanilang lahat.” (Eclesiastes 9:11) Kapag dumating ang di-inaasahang mga pangyayari o aksidente, maaaring mabiktima ang isa kung nagkataong nandoon siya. Halos 2,000 taon na ang nakalilipas, binanggit ni Jesu-Kristo ang isang kalamidad kung saan 18 katao ang namatay nang mabagsakan sila ng isang tore. (Lucas 13:1-5) Hindi sila namatay dahil masasama sila; nagkataon lang na nandoon sila nang bumagsak ang tore. Noong Enero 2010 naman, isang malakas na lindol ang tumama sa Haiti. Ayon sa pamahalaan nito, mahigit 300,000 ang nasawi. Ang mga namatay sa Haiti ay hindi pinili, kung paanong hindi rin mapipili kung sino ang magkakasakit anumang oras.
Bakit hindi inilalayo ng Diyos ang mabubuting tao sa kalamidad?
Baka itanong ng ilan: ‘Hindi ba kayang pigilan ng Diyos ang gayong nakamamatay na mga kalamidad? Hindi ba niya mapoprotektahan ang mabubuting tao?’ Para magawa iyon ng Diyos, dapat alam niya kung ano’ng masasamang bagay ang darating bago pa ito mangyari. Bagaman kaya ng Diyos na patiunang alamin ang mangyayari, ang tanong: Basta na lang ba ginagamit ng Diyos ang kaniyang kapangyarihan na patiunang alamin ang gayong mga bagay?
Sinasabi ng Bibliya na ang ‘Diyos ay nasa langit; ang lahat ng kinalulugdan niyang gawin ay kaniyang ginagawa.’ (Awit 115:3) Ginagawa ni Jehova ang iniisip niyang kailangan niyang gawin
MAISISISI RIN BA ITO SA TAO?
Maisisisi rin ang kasamaan sa mga tao. Pansinin ang paliwanag ng Bibliya tungkol dito: “Ang bawat isa ay nasusubok kapag nahihila at naaakit ng sarili niyang pagnanasa. Pagkatapos ang pagnanasa, kapag naglihi na ito, ay nagsisilang ng kasalanan; ang kasalanan naman, kapag naisagawa na ito, ay nagluluwal ng kamatayan.” (Santiago 1:14, 15) Kapag nagpadala ang tao sa kaniyang maling pagnanasa, sasapitin niya ang masasamang resulta nito. (Roma 7:21-23) Ipinakikita ng kasaysayan na ang mga tao ay gumawa ng nakapanghihilakbot na mga bagay na nagdulot ng matinding pagdurusa. Bukod diyan, naiimpluwensiyahan ng masasama ang iba na maging gaya nila, kung kaya lalo pang gumagrabe ang kasamaan.
Ang mga tao ay gumawa ng nakapanghihilakbot na mga bagay na nagdulot ng matinding pagdurusa
Dapat bang makialam ang Diyos at pigilan ang mga tao sa paggawa ng masama? Isipin ang pagkakalalang sa tao. Sinasabi ng Bibliya na nilalang ng Diyos ang tao ayon sa Kaniyang larawan. Kaya may kakayahan tayong ipakita ang mga katangian ng Diyos. (Genesis 1:26) Ang tao ay binigyan ng kalayaang magpasiya. Maaari nating piliing ibigin ang Diyos, maging matapat sa kaniya, at gawin kung ano ang tama sa paningin niya. (Deuteronomio 30:19, 20) Kung pipilitin ng Diyos ang mga tao na sumunod sa kaniya, hindi ba parang inaalisan niya tayo ng kalayaang magpasiya? Aba, para tayong robot, sunud-sunuran na lang kung ano ang gustong ipagawa sa atin! Ganiyan din kung nakatadhana na ang ating gagawin at lahat ng mangyayari sa atin, gaya ng paniniwala sa kapalaran, o Kismet. Buti na lang, binigyang-dangal tayo ng Diyos at hinayaan tayong magpasiya! Pero hindi ito nangangahulugang patuloy na sasalot sa sangkatauhan ang mga bunga ng maling pagpapasiya ng tao.
KARMA BA ANG ISANG DAHILAN NG PAGDURUSA?
Kung itatanong mo sa isang Hindu o Budista ang nasa pabalat ng magasing ito, malamang na ang isasagot niya: “Nangyayari ang masasamang bagay sa mabubuting tao dahil sa batas ng Karma. Inaani nila kung ano ang kanilang ginawa sa nakaraan nilang mga buhay.” *
May kinalaman sa turo ng Karma, mahalagang malaman ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa kamatayan. Sa halamanan ng Eden kung saan nagsimula ang tao, sinabi ng Maylalang sa unang taong si Adan: “Mula sa bawat punungkahoy sa hardin ay makakakain ka hanggang masiyahan. Ngunit kung tungkol sa punungkahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama ay huwag kang kakain mula roon, sapagkat sa araw na kumain ka mula roon ay tiyak na mamamatay ka.” (Genesis 2:16, 17) Kung hindi nagkasala si Adan sa Diyos, mabubuhay sana siya magpakailanman. Kamatayan ang naging parusa sa pagsuway niya sa utos ng Diyos. Nang magkaanak sila, “ang kamatayan ay lumaganap sa lahat ng tao.” (Roma 5:12) Kaya masasabi na “ang kabayaran na ibinabayad ng kasalanan ay kamatayan.” (Roma 6:23) Sinabi rin ng Bibliya: “Siya na namatay ay napawalang-sala na mula sa kaniyang kasalanan.” (Roma 6:7) Sa ibang salita, bayad na ang isa sa lahat ng kasalanang nagawa niya kapag namatay siya.
Milyon-milyon ngayon ang naniniwala na ang Karma ay isang dahilan ng paghihirap ng tao. Karaniwan na, tinatanggap nila nang maluwag sa loob ang kanilang pagdurusa, pati na ang pagdurusa ng iba. Pero nandoon pa rin ang problema! Kasi sa paniniwalang ito, walang pag-asa na mapahihinto ang masasamang bagay na mangyayari. Naniniwala sila na ang tanging paraan para makalaya ang isa sa mga siklo ng muling pagsilang ay ang pagkakaroon ng mabuting paggawi at banal na karunungan. Siyempre pa, malayong-malayo ang mga ideyang ito sa itinuturo ng Bibliya. *
ANG PANGUNAHING MAY KASALANAN!
Hindi tao ang pangunahing dahilan ng kasamaan. Ang dating tapat na anghel ng Diyos, si Satanas na Diyablo, ay ‘hindi nanindigan sa katotohanan’ at nagdala ng kasalanan sa sanlibutan. (Juan 8:44) Siya ang pasimuno ng rebelyon sa halamanan ng Eden. (Genesis 3:1-5) Tinawag siya ni Jesu-Kristo na “isa na balakyot” at “tagapamahala ng sanlibutan.” (Mateo 6:13; Juan 14:30) Sa pangkalahatan, sinusunod ng tao si Satanas. Nagpapadala sila sa kaniyang panghihikayat na ipagwalang-bahala ang mga pamantayan ni Jehova. (1 Juan 2:15, 16) “Ang buong sanlibutan ay nasa kapangyarihan ng isa na balakyot,” ang sabi ng 1 Juan 5:19. May iba pang espiritung nilalang na naging masama at sumama kay Satanas. Binanggit ng Bibliya na si Satanas at ang kaniyang mga demonyo ang “nagliligaw sa buong tinatahanang lupa” na nagdulot ng ‘kaabahan sa lupa.’ (Apocalipsis 12:9, 12) Kaya si Satanas na Diyablo ang pangunahing dapat sisihin sa labis na kasamaan.
Malinaw na walang kasalanan ang Diyos sa masasamang bagay na nangyayari sa tao. Hindi sa kaniya galing ang pagdurusa. Sa kabaligtaran, ipinangako ng Diyos na aalisin niya ang kasamaan, gaya ng ipaliliwanag sa susunod na artikulo.
^ par. 3 Jehova ang pangalan ng Diyos gaya ng sinasabi sa Bibliya.
^ par. 11 Para malaman kung bakit pinahihintulutan ng Diyos na magpatuloy ang kasamaan, tingnan ang kabanata 11 ng aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? na inilalathala ng mga Saksi ni Jehova.
^ par. 16 Para malaman ang pinagmulan ng tinatawag na batas ng Karma, tingnan ang pahina 8-12 ng brosyur na Ano ang Nangyayari sa Atin Kapag Tayo ay Namatay? na inilalathala ng mga Saksi ni Jehova.
^ par. 18 May kinalaman sa itinuturo ng Bibliya tungkol sa kalagayan at pag-asa ng mga patay, tingnan ang kabanata 6 at 7 ng aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya?