Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Sagot sa mga Tanong sa Bibliya

Sagot sa mga Tanong sa Bibliya

Bakit tayo dapat manalangin?

Gusto ng Diyos na Jehova na lagi nating sabihin sa kaniya ang mga ikinababahala natin. (Lucas 18:1-7) Nakikinig siya dahil nagmamalasakit siya sa atin. Yamang inaanyayahan tayo ng ating makalangit na Ama na manalangin, hindi ba dapat lang nating tanggapin ang paanyayang iyan?Basahin ang Filipos 4:6.

Ang pananalangin ay hindi lang basta paghingi ng tulong sa Diyos. Paraan din ito para mapalapít sa kaniya. (Awit 8:3, 4) Kapag lagi nating sinasabi sa Diyos ang nadarama natin, nagiging mas malapít tayo sa kaniya.Basahin ang Santiago 4:8.

Paano tayo dapat manalangin?

Kapag nananalangin, ayaw ng Diyos na gumamit tayo ng mabulaklak na mga salita, o ng memoryadong dasal. Hindi rin kailangan ang isang partikular na posisyon sa pananalangin. Gusto ni Jehova na manalangin tayo mula sa puso. (Mateo 6:7) Halimbawa, ipinanalangin noon ng Israelitang si Hana ang isang mabigat na problema ng pamilya. Pagkatapos, nang mapalitan ng saya ang kalungkutan niya, taos-puso siyang nanalangin para pasalamatan ang Diyos.Basahin ang 1 Samuel 1:10, 12, 13, 26, 27; 2:1.

Talagang napakagandang pribilehiyo nito! Malaya nating masasabi sa Maylalang ang ating mga ikinababahala. Puwede rin natin siyang purihin at pasalamatan sa mga ginagawa niya. Talagang hindi natin dapat bale-walain ang pribilehiyong ito.Basahin ang Awit 145:14-16.