Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

BINAGO NG BIBLIYA ANG KANILANG BUHAY

Hindi Ako Umaalis Nang Walang Baril

Hindi Ako Umaalis Nang Walang Baril
  • ISINILANG: 1958

  • BANSANG PINAGMULAN: ITALY

  • DATING MIYEMBRO NG MARAHAS NA GANG

ANG AKING NAKARAAN:

Isinilang ako at lumaki sa isang mahirap na komunidad sa Roma. Miserable ang buhay ko. Hindi ko nakilala ang tunay kong ina, at hindi kami magkasundo ng tatay ko. Lumaki ako sa lansangan.

Natuto akong magnakaw noong 10 anyos ako. Sa edad na 12, naglayas ako. Ilang beses akong sinundo ng tatay ko sa presinto. Lagi akong nakikipagtalo—marahas ako at galít sa mundo. Nang ako ay 14 anyos, tuluyan na akong naglayas. Nagsimula akong magdroga at tumira sa lansangan. Palibhasa’y wala akong matulugan, nagbubukas ako ng kotse at doon natutulog hanggang mag-umaga. Pagkatapos, maghahanap ako ng fountain para maghilamos.

Naging eksperto ako sa pagnanakaw—mula sa pang-aagaw ng bag hanggang sa pagnanakaw sa mga apartment at malalaking bahay kung gabi. Nakilala ako at di-nagtagal, kinuha akong maging miyembro ng isang gang. “Umasenso” ako dahil bangko na ang ninanakawan namin. Dahil agresibo ako, kinatakutan ako. Hindi ako umaalis nang walang baril. Ang totoo n’yan, kahit natutulog ako, nasa ilalim ito ng unan ko. Karahasan, droga, pagnanakaw, pagmumura, at imoralidad ang naging buhay ko. Lagi akong pinaghahanap ng mga pulis. Maraming beses akong naaresto, at ilang taon akong labas-pasok sa bilangguan.

KUNG PAANO BINAGO NG BIBLIYA ANG BUHAY KO:

Noong minsang pinalabas ako ng bilangguan, naisip kong dalawin ang isa sa aking mga tiya. Hindi ko alam, siya pala at ang aking dalawang pinsan ay mga Saksi ni Jehova na. Inanyayahan nila akong dumalo sa pulong ng mga Saksi. Naintriga ako kaya sumama ako. Pagdating namin sa Kingdom Hall, doon ako sa likuran umupo para makita ko kung sino ang pumapasok at lumalabas. Siyempre pa, may dala akong baril.

Binago ng pulong na iyon ang aking buhay. Pakiramdam ko noon para akong nasa ibang planeta. Masaya at palakaibigan ang mga taong bumati sa akin. Tandang-tanda ko pa kung gaano sila kabait; hindi sila plastik. Malayong-malayo ito sa mundong kinalakhan ko!

Nakipag-aral ako ng Bibliya sa mga Saksi. Habang marami akong nalalaman, lalong nagiging malinaw sa akin na kailangan kong lubusang baguhin ang buhay ko. Sinunod ko ang payo na nasa Kawikaan 13:20: “Siyang lumalakad na kasama ng marurunong ay magiging marunong, ngunit siyang nakikipag-ugnayan sa mga hangal ay mapapariwara.” Napag-isip-isip ko na kailangan kong kumalas sa gang. Hindi iyan madali, pero sa tulong ni Jehova, nagawa ko ito.

Sa kauna-unahang pagkakataon sa buhay ko, nakaya kong kontrolin ang aking paggawi

Inayos ko rin ang aking hitsura. Pinagsikapan kong ihinto ang paninigarilyo at pagdodroga. Ipinagupit ko ang aking mahabang buhok, hindi na ako naghihikaw, at inihinto ko na ang pagmumura. Sa kauna-unahang pagkakataon sa buhay ko, nakaya kong kontrolin ang aking paggawi.

Wala akong hilig magbasa at mag-aral, kaya malaking hamon sa akin ang pag-aaral ng Bibliya. Gayunman, habang nagsisikap ako, natutuhan kong ibigin si Jehova, at may nadama akong kakaiba sa akin—nakokonsensiya na ako. Madalas kong maisip ang mga nagawa kong kasalanan noon, kaya nag-alinlangan ako kung mapapatawad pa kaya ako ni Jehova. Sa mga pagkakataong iyon, nakasumpong ako ng kaaliwan sa nabasa kong pagpapatawad ni Jehova kay Haring David matapos itong makagawa ng mabibigat na kasalanan.2 Samuel 11:1–12:13.

Naging problema ko rin ang pagbabahagi ng aking pananampalataya sa iba sa bahay-bahay. (Mateo 28:19, 20) Takot na takot ako na baka may matagpuan akong isa na naagrabyado ko noon! Ngunit unti-unti kong nadaig ang aking takot. Tuwang-tuwa akong tulungan ang iba na matuto tungkol sa ating kamangha-manghang Ama sa langit na saganang nagpapatawad.

KUNG PAANO AKO NAKINABANG:

Ang kaalaman ko kay Jehova ay nagligtas ng aking buhay! Karamihan sa dati kong mga kasama ay patay na o kaya’y nakakulong. Pero talagang masayang-masaya ako ngayon sa buhay ko at may magandang pag-asang tinatanaw sa hinaharap. Natutuhan kong maging mapagpakumbaba, masunurin, at kontrolin ang silakbo ng aking galit. Kaya mas maganda ang kaugnayan ko sa mga taong nakapaligid sa akin. Masaya rin ako sa piling ng aking magandang asawa na si Carmen. Masaya kaming tumutulong sa iba na matuto tungkol sa Bibliya.

Alam n’yo, may malinis na akong trabaho ngayon—kung minsan sa bangko pa rin. Pero hindi ko na ito pinagnanakawan, nililinis ko na ito!