BINAGO NG BIBLIYA ANG KANILANG BUHAY
Tinangka Kong Labanan ang Kawalang-Katarungan at Karahasan
-
ISINILANG: 1960
-
BANSANG PINAGMULAN: LEBANON
-
DATING KUNG FU EXPERT
ANG AKING NAKARAAN:
Lumaki ako sa Rmaysh, malapit sa border ng Israel at Lebanon, noong panahon ng gera sibil. Malinaw pa sa isip ko ang pagsabog ng nakatanim na mga bomba, pati ang inosenteng mga biktimang nawalan ng kamay o paa. Mahirap ang buhay, at laganap ang krimen at karahasan.
Ang aming pamilya ay kabilang sa Maronite Church, isa sa mga Eastern Catholic Church. Subsob sa trabaho si Tatay para buhayin kaming 12 sa pamilya. Isinasama naman kami ni Nanay sa pagsisimba. Nang maglaon, nadama ko na ang simbahan, gaya ng lipunan, ay walang nagagawa para sa mahihirap.
Noong tin-edyer pa ako, nahilig ako sa kung fu. Nagsanay ako nang husto at naging bihasa sa pagsuntok at pagsipa at sa paggamit ng iba’t ibang sandata sa martial arts. Naisip ko, ‘Hindi ko man mapahinto ang digmaan, maaari ko namang subukang pigilan ang mga taong marahas.’ Kapag nakakita ako ng dalawang taong nag-aaway, umaawat agad ako. Maiksi ang pasensiya ko, at madaling uminit ang ulo ko. Siga ako sa buong katimugan ng Lebanon. Tinangka kong labanan ang kawalang-katarungan at karahasan.
Noong 1980, sumama ako sa isang club ng kung fu sa Beirut. Umuulan ng bomba at missile araw-araw, pero tuloy pa rin ako sa pag-eensayo. Wala akong ginawa kundi kumain, matulog, at gayahin si Bruce Lee, isang Tsino-Amerikanong aktor at kampeon sa kung fu. Ginaya ko ang kaniyang istilo ng buhok, paglalakad, at pagsigaw. Hindi ako ngumingiti.
KUNG PAANO BINAGO NG BIBLIYA ANG BUHAY KO:
Gusto kong maging propesyonal na kung fu fighter sa China. Isang gabi, habang nagsasanay ako nang husto bilang paghahanda sa biyahe ko sa China, may kumatok sa bahay. Isang kaibigan ang dumalaw kasama ng dalawang Saksi ni Jehova. Suot ko ang aking itim na uniporme sa kung fu at pawis na pawis. Sinabi ko sa kanila, “Wala akong alam sa Bibliya.” Hindi
ko akalain na iyon na pala ang magpapabago sa buhay ko.Ipinakita sa akin ng mga Saksi mula sa Bibliya kung bakit hindi kailanman lubusang maaalis ng tao ang kawalang-katarungan at karahasan. Ipinaliwanag nila na si Satanas na Diyablo ang tunay na dahilan ng gayong mga problema. (Apocalipsis 12:12) Humanga ako sa pagiging mahinahon ng mga Saksi at nakita kong alam nila kung ano ang sinasabi nila. At naantig ako nang sabihin nila na may pangalan ang Diyos. (Awit 83:18) Ipinabasa rin nila sa akin ang 1 Timoteo 4:8: “Ang pagsasanay sa katawan ay kapaki-pakinabang nang kaunti; ngunit ang makadiyos na debosyon ay kapaki-pakinabang sa lahat ng mga bagay, yamang hawak nito ang pangako sa buhay ngayon at yaong darating.” Binago nito ang aking buhay.
Sayang at hindi ko na nakita ang mga Saksi, kasi sinabihan sila ng pamilya ko na huwag nang bumalik. Pero nagdesisyon na akong ihinto ang kung fu at mag-aral ng Bibliya. Tutol dito ang mga kapatid ko, pero desidido akong hanapin ang mga Saksi ni Jehova at makipag-aral ng Bibliya sa kanila.
Patuloy kong hinanap ang mga Saksi pero hindi ko sila nakita. Samantala, lungkot na lungkot ako sa biglang pagkamatay ni Tatay, pati na sa iba pang trahedyang nangyari sa aming pamilya. Nagtrabaho ako sa isang kompanya ng konstruksiyon. Isang araw, tinanong ako ng katrabaho kong si Adel kung bakit ako malungkot. Ipinakita niya sa akin mula sa Bibliya ang pag-asang pagkabuhay-muli. Sa sumunod na siyam na buwan, matiyaga akong tinuruan sa Bibliya ng mapagmalasakit na Saksing ito.
Habang nag-aaral kami, nakita kong kailangan kong magbago. Hindi ito madali. Lagi akong iritable at madaling mapikon. Natutuhan ko mula sa Bibliya kung paano kokontrolin ang aking galit at huwag magpadala sa emosyon. Halimbawa, ganito ang payo ni Jesus sa Mateo 5:44: “Patuloy na ibigin ang inyong mga kaaway at ipanalangin yaong mga umuusig sa inyo.” At nagbabala ang Roma 12:19: “Huwag ipaghiganti ang inyong sarili, . . . sapagkat nasusulat: ‘“Akin ang paghihiganti; ako ang gaganti,” sabi ni Jehova.’” Ang mga tekstong gaya nito ay nakatulong sa akin na unti-unting maging mahinahon.
KUNG PAANO AKO NAKINABANG:
Bagaman salansang noon ang pamilya ko sa desisyon kong makipag-aral sa mga Saksi ni Jehova, natutuhan nilang igalang ang mga Saksi. Sa katunayan, isa sa mga kapatid kong lalaki ay naging Saksi ni Jehova rin. Noong nabubuhay pa si Nanay, ipinagtatanggol niya ang pananampalataya namin.
Pinagpala rin akong magkaroon ng isang mahusay at tapat na asawa, si Anita, ang aking mahal na kasama sa buong-panahong ministeryo. Mula noong taóng 2000, kami ni Anita ay tumira sa Eskilstuna, Sweden, kung saan nagtuturo kami ng Bibliya sa mga taong nagsasalita ng Arabe.
Naaawa pa rin ako sa mga nagdurusa dahil sa karahasan. Pero dahil alam ko ang tunay na dahilan nito—at na malapit na itong wakasan ng Diyos—nakadarama ako ng tunay na kagalakan at kapayapaan.—Awit 37:29.
Masayang-masaya kaming mag-asawa sa ministeryo. Gusto naming turuan ang iba tungkol kay Jehova