TAMPOK NA PAKSA | MAHALAGA KA BA SA DIYOS?
Maaaliw Ka ng Diyos
“Ang Dios na umaaliw sa mga nalulugmok ang siya ring umaliw sa [atin].”—2 CORINTO 7:6, Ang Biblia—Bagong Salin sa Pilipino.
KUNG BAKIT NAG-AALINLANGAN ANG ILAN: Kahit hiráp na hiráp na, pakiramdam ng ilan ay makasarili sila kung ilalapit pa nila sa Diyos ang mga problema nila. “Sa dami ng tao sa mundo—at sa bigat ng mga problema nila,” ang sabi ni Raquel, “waring napakaliit lang ng problema ko para hingin pa ang tulong ng Diyos.”
KUNG ANO ANG ITINUTURO NG SALITA NG DIYOS: May ginawa na ang Diyos para tulungan at aliwin ang mga tao. Lahat tayo ay nagmana ng kasalanan kaya hindi tayo nakaaabot sa mga kahilingan ng Diyos. Pero ang Diyos ay “umibig sa atin at nagsugo ng kaniyang Anak [si Jesu-Kristo] bilang pampalubag-loob na hain para sa ating mga kasalanan.” (1 Juan 4:10) Isinakripisyo ng Diyos ang buhay ni Jesus para mapatawad ang ating mga kasalanan, at magkaroon tayo ng malinis na budhi at pag-asang mabuhay magpakailanman sa mapayapang bagong sanlibutan. * Pero ang sakripisyo bang iyon ay pangkalahatan lang, o ipinakikita nito na interesado sa iyo ang Diyos bilang indibiduwal?
Kuning halimbawa si apostol Pablo. Talagang naantig siya ng sakripisyo ni Jesus. Isinulat niya: “[Namumuhay ako] sa pananampalataya sa Anak ng Diyos, na umibig sa akin at nagbigay ng kaniyang sarili para sa akin.” (Galacia 2:20) Totoo na namatay si Jesus bago pa naging Kristiyano si Pablo. Pero para kay Pablo, ang sakripisyong iyon ay personal na regalo ng Diyos sa kaniya.
Ang sakripisyong kamatayan ni Jesus ay personal ding regalo ng Diyos sa iyo. Ipinakikita nito kung gaano ka kahalaga sa Diyos. Maaari kang magkaroon ng “walang-hanggang kaaliwan at mabuting pag-asa” at sa gayon ay ‘mapatatag ka sa bawat mabuting gawa at salita.’—2 Tesalonica 2:16, 17.
Gayunman, halos 2,000 taon na mula ng isakripisyo ang buhay ni Jesus. May katibayan ba na gusto ng Diyos na maging malapít ka sa kaniya ngayon?
^ par. 5 Para sa higit na impormasyon tungkol sa sakripisyo ni Jesus, tingnan ang kabanata 5 ng aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? na inilalathala ng mga Saksi ni Jehova.