TAMPOK NA PAKSA | MAHALAGA KA BA SA DIYOS?
Pinahahalagahan Ka ba ng Diyos?
“Ako ay napipighati at dukha. Pinahahalagahan ako ni Jehova.” *—DAVID NG ISRAEL, IKA-11 SIGLO B.C.E.
Tama bang asahan ni David na mahalaga siya sa Diyos? Pinahahalagahan ka nga ba ng Diyos? Marami ang nahihirapang maniwala na interesado sa kanila ang Diyos na makapangyarihan-sa-lahat. Bakit?
Ang isang dahilan ay iniisip nilang napakataas ng Diyos. Mula sa mataas na posisyon ng Diyos sa langit, ang “mga bansa ay gaya ng isang patak mula sa timba; at ibinibilang silang gaya ng manipis na alikabok sa timbangan.” (Isaias 40:15) Isang manunulat na hindi naniniwala sa Diyos ang nagsabing “isang kalabisan na maniwalang may isang Diyos na personal na interesado sa iyong kapakanan.”
Pakiramdam naman ng iba, wala silang halaga sa Diyos dahil sa mga nagagawa nila. Halimbawa, sinabi ni Jim: “Lagi kong ipinagdarasal na sana’y maging kalmado ako at pasensiyoso, pero pagkatapos n’on, lagi naman akong nagagalit. Kaya naisip ko tuloy na siguro sagad sa buto ang kasamaan ko at hindi ako matutulungan ng Diyos.”
Napakalayo ba ng Diyos para mapansin tayo? Ano ba talaga ang nadarama niya sa makasalanang mga tao? Kung hindi ipakikilala ng Diyos ang kaniyang sarili, walang sinuman ang makasasagot nang tama sa mga tanong na iyan. Pero tinitiyak sa atin ng Salita ng Diyos—ang Bibliya—na nagmamalasakit siya sa atin. “Sa katunayan,” ang sabi ng Bibliya, “hindi siya malayo sa bawat isa sa atin.” (Gawa 17:27) Tatalakayin ng susunod na apat na artikulo ang tungkol sa pagpapahalaga ng Diyos sa bawat indibiduwal at kung paano niya ipinakikita ang kaniyang malasakit sa iyo.
^ par. 3 Awit 40:17; Jehova ang pangalan ng Diyos gaya ng sinasabi sa Bibliya.