Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

 TAMPOK NA PAKSA | KAHARIAN NG DIYOS—BAKIT DAPAT ITONG MAGING MAHALAGA SA IYO?

Kaharian ng Diyos—Bakit Ito Mahalaga kay Jesus?

Kaharian ng Diyos—Bakit Ito Mahalaga kay Jesus?

Noong nangangaral si Jesus sa lupa, marami siyang itinuro. Halimbawa, tinuruan niya ang mga tagasunod niya kung paano mananalangin, mapasasaya ang Diyos, at magiging tunay na maligaya. (Mateo 6:5-13; Marcos 12:17; Lucas 11:28) Pero ang pinakagusto niyang ipakipag-usap ay ang tungkol sa Kaharian ng Diyos.Lucas 6:45.

Gaya ng binanggit sa naunang artikulo, pangunahin kay Jesus ang ‘pangangaral at paghahayag ng mabuting balita ng kaharian.’ (Lucas 8:1) Naglakbay siya nang daan-daang kilometro sa Israel para ituro sa mga tao ang tungkol sa Kaharian ng Diyos. Ang ministeryo ni Jesus ay iniulat sa apat na Ebanghelyo, kung saan mahigit 100 beses na binanggit ang Kaharian. Karamihan sa mga pagbanggit na iyon ay galing mismo kay Jesus. Pero kaunti lang iyon kumpara sa lahat ng itinuro niya tungkol sa Kaharian ng Diyos!Juan 21:25.

Bakit gayon na lang kahalaga kay Jesus ang Kaharian? Dahil alam ni Jesus na siya ang pinili ng Diyos para maging Tagapamahala nito. (Isaias 9:6; Lucas 22:28-30) Pero hindi posisyon o katanyagan ang habol ni Jesus. (Mateo 11:29; Marcos 10:17, 18) Itinataguyod niya ang Kaharian ng Diyos * hindi dahil sa sariling kapakanan, kundi sa kung ano ang magagawa nito para sa mga mahal niya—sa kaniyang Ama sa langit at sa tapat na mga tagasunod niya.

ANG GAGAWIN NG KAHARIAN PARA SA AMA NI JESUS

Mahal na mahal ni Jesus ang kaniyang makalangit na Ama. (Kawikaan 8:30; Juan 14:31) Hinahangaan niya ang pagiging maibigin, mahabagin, at makatarungan ng kaniyang Ama. (Deuteronomio 32:4; Isaias 49:15; 1 Juan 4:8) Kaya siguradong hindi maatim ni Jesus ang mga ikinakalat na kasinungalingan tungkol sa kaniyang Ama—na walang pakialam ang Diyos sa paghihirap ng tao at na gusto Niyang magdusa tayo. Isa itong dahilan kung bakit buong-sigasig niyang inihayag ang “mabuting balita ng kaharian”—dahil alam niyang balang-araw, malilinis ng Kaharian ang pangalan ng kaniyang Ama. (Mateo 4:23; 6:9, 10) Paano ito mangyayari?

Sa pamamagitan ng Kaharian, gagawa si Jehova ng malalaking pagbabago para sa mga tao. “Papahirin niya ang bawat luha” sa mata ng mga tapat. Aalisin ni Jehova ang mga sanhi ng gayong pagluha, kasi titiyakin niyang “hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man.” (Apocalipsis 21:3, 4) Sa pamamagitan ng Kaharian, aalisin ng Diyos ang lahat ng pagdurusa ng tao. *

Hindi nakapagtataka kung bakit ganoon na lang kagusto ni Jesus na sabihin sa mga tao ang tungkol sa Kaharian! Alam niya na ipakikita nito na talagang makapangyarihan at mahabagin ang kaniyang  Ama. (Santiago 5:11) Alam din niya na matutulungan ng Kaharian ang iba pa niyang minamahal—ang tapat na mga tao.

ANG GAGAWIN NG KAHARIAN PARA SA TAPAT NA MGA TAO

Bago nabuhay si Jesus sa lupa, matagal na niyang kasama sa langit ang Ama niya. Ginamit ng Ama ang kaniyang Anak sa paglalang—mula sa nakalululang kalangitan pati na ang di-mabilang na mga bituin at galaksi hanggang sa ating magandang planeta at mga nabubuhay rito. (Colosas 1:15, 16) Pero ang lalo nang “kinagigiliwan” ni Jesus ay ang mga tao.Kawikaan 8:31.

Kitang-kita sa ministeryo ni Jesus na mahal niya ang mga tao. Sa umpisa pa lang, sinabi niya na bumaba siya sa lupa para “magpahayag ng mabuting balita” sa mga nangangailangan. (Lucas 4:18) Pero hindi lang puro salita si Jesus. Paulit-ulit niyang ipinakita ang kaniyang pag-ibig sa sangkatauhan. Halimbawa, nang lumapit kay Jesus ang isang malaking grupo para makinig, “nahabag siya sa kanila, at pinagaling niya ang kanilang mga maysakit.” (Mateo 14:14) Nang isang lalaking may napakakirot na sakit ang manampalatayang mapagagaling siya ni Jesus, naantig ang puso ni Jesus at pinagaling ito. Mahabagin niyang sinabi: “Ibig ko. Luminis ka.” (Lucas 5:12, 13) Nang makita ni Jesus na nagdadalamhati ang kaibigan niyang si Maria sa pagkamatay ng kapatid nitong si Lazaro, si Jesus ay “dumaing,” “nabagabag,” at “lumuha.” (Juan 11:32-36) Ginawa niya ang hindi nila sukat-akalain—binuhay niyang muli si Lazaro kahit apat na araw na itong patay!Juan 11:38-44.

Siyempre, alam ni Jesus na pansamantala lang ang ginhawa na maibibigay niya. Batid niya na lahat ng pinagaling niya ay magkakasakit pa rin at lahat ng binuhay niya ay mamamatay uli. Pero alam din ni Jesus na permanenteng wawakasan ng Kaharian ng Diyos ang gayong mga problema. Kaya naman bukod sa paggawa ng mga himala, masigasig na inihayag ni Jesus ang “mabuting balita ng kaharian.” (Mateo 9:35) Ang mga himala niya ay patikim lang ng malapit nang gawin ng Kaharian ng Diyos. Pansinin kung ano ang ipinangako ng Bibliya na mangyayari sa lupa sa panahong iyon.

  •  Wala nang sakit.

    “Sa panahong iyon ay madidilat ang mga mata ng mga bulag, at ang mga tainga ng mga bingi ay mabubuksan. Sa panahong iyon ay aakyat ang pilay na gaya ng lalaking usa, at ang dila ng pipi ay hihiyaw sa katuwaan.” Bukod diyan, “walang sinumang tumatahan ang magsasabi: ‘Ako ay may sakit.’ ”Isaias 33:24; 35:5, 6.

  • Wala nang kamatayan.

    “Ang mga matuwid ang magmamay-ari ng lupa, at tatahan sila roon magpakailanman.”Awit 37:29.

    “Lalamunin niya ang kamatayan magpakailanman, at tiyak na papahirin ng Soberanong Panginoong Jehova ang mga luha mula sa lahat ng mukha.”Isaias 25:8.

  • Bubuhaying muli ang mga namatay.

    “Ang lahat ng nasa mga alaalang libingan ay makaririnig ng kaniyang tinig at lalabas.”Juan 5:28, 29.

    “Magkakaroon ng pagkabuhay-muli.”Gawa 24:15.

  • Magkakaroon ng pabahay at trabaho.

    “Tiyak na magtatayo sila ng mga bahay at maninirahan sa mga iyon; at tiyak na magtatanim sila ng mga ubasan at kakainin ang bunga ng mga iyon. Hindi sila magtatayo at iba ang maninirahan; hindi sila magtatanim at iba ang kakain. . . . Ang gawa ng kanilang sariling mga kamay ay lubusang tatamasahin ng aking mga pinili.”Isaias 65:21, 22.

  •  Wala nang digmaan.

    “Pinatitigil niya ang mga digmaan hanggang sa dulo ng lupa.”Awit 46:9.

    “Ang bansa ay hindi magtataas ng tabak laban sa bansa, ni mag-aaral pa man sila ng pakikipagdigma.”Isaias 2:4.

  • Wala nang magugutom.

    “Ang lupa ay tiyak na magbibigay ng bunga nito; ang Diyos, ang ating Diyos, ay magpapala sa atin.”Awit 67:6.

    “Magkakaroon ng saganang butil sa lupa; sa taluktok ng mga bundok ay mag-uumapaw.”Awit 72:16.

  • Wala nang mahirap.

    “Hindi laging malilimutan ang dukha.”Awit 9:18.

    “Ililigtas niya ang dukha na humihingi ng tulong, gayundin ang napipighati at ang sinumang walang katulong. Maaawa siya sa maralita at sa dukha, at ang mga kaluluwa ng mga dukha ay ililigtas niya.”Awit 72:12, 13.

Kung iisipin mo ang mga gagawing iyon ng Kaharian ng Diyos, makikita mo kung bakit ganoon na lang ito kahalaga kay Jesus. Noong nasa lupa siya, lagi niyang ipinakikipag-usap ang Kaharian ng Diyos sa mga gustong makinig, dahil alam niyang kayang lutasin ng Kaharian ang lahat ng problema ng tao.

Naging interesado ka ba sa mga pangako ng Bibliya na gagawin ng Kaharian? Kung oo, paano mo pa madaragdagan ang nalalaman mo tungkol dito? At ano ang magagawa mo para makatiyak na matatanggap mo ang mga pagpapala nito? Sasagutin iyan sa huling artikulo.

^ par. 5 Sa artikulong ito, ang saloobin ni Jesus ay tutukuyin sa panahunang pangkasalukuyan dahil buháy ngayon si Jesus sa langit, at hanggang ngayon, tiyak na malapít pa rin sa puso niya ang Kaharian.Lucas 24:51.

^ par. 8 Para sa impormasyon kung bakit pinahihintulutan ng Diyos na pansamantalang magdusa ang tao, tingnan ang kabanata 11 ng aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? na inilalathala ng mga Saksi ni Jehova.