TAMPOK NA PAKSA | TOTOO BA SI SATANAS?
Dapat ba Tayong Matakot kay Satanas?
Marami ang nalalason sa carbon monoxide nang walang kamalay-malay. Wala itong kulay at wala ring amoy. Sinasabing ito ang dahilan ng pagkamatay ng mahigit kalahati ng lahat ng nalalason. Pero huwag mag-alala. May mga paraan para ma-detect ang gas na ito at maprotektahan ka. Marami ang nagkakabit ng warning device at umaaksiyon agad kapag nag-alarm ito.
Gaya ng carbon monoxide, si Satanas ay hindi rin nakikita ng tao at napakadelikado. Pero hindi tayo dapat matakot kay Satanas dahil may tulong na inilalaan ang Diyos.
Kalayaang pumili. Sinasabi ng Santiago 4:7: “Salansangin ninyo ang Diyablo, at tatakas siya mula sa inyo.” Oo, makapangyarihan si Satanas, pero hindi ka niya kayang piliting gawin ang mga bagay na ayaw mo. Malaya kang pumili. Hinihimok tayo ng 1 Pedro 5:9: “Manindigan kayo laban sa kaniya [sa Diyablo], matatag sa pananampalataya.” Tandaan na umalis si Satanas matapos tanggihan ni Jesus ang tatlong ulit nitong panunukso. (Mateo 4:11) Kaya kung gugustuhin mo, malalabanan mo rin ang mga tukso ni Satanas.
Pakikipagkaibigan sa Diyos. Hinihimok tayo ng Santiago 4:8 na ‘lumapit sa Diyos.’ Si Jehova mismo ang may gustong makipagkaibigan tayo sa kaniya. Paano mo magagawa iyon? Una sa lahat, kailangan mong makilala siya ayon sa sinasabi ng Bibliya. (Juan 17:3) Miyentras nakikilala mo si Jehova, matututuhan mo siyang ibigin, at ang pag-ibig na iyon ang magpapakilos sa iyo na gawin ang kalooban niya. (1 Juan 5:3) Paano tutugon ang Ama sa langit sa pagsisikap mong mapalapít sa kaniya? Sinasabi pa sa Santiago: ‘Ang Diyos ay lalapit sa iyo.’
Proteksiyon. Mababasa sa Kawikaan 18:10: “Ang pangalan ni Jehova ay matibay na tore. Doon tumatakbo ang matuwid at ipinagsasanggalang.” Siyempre, hindi naman ibig sabihin na parang anting-anting ang pangalan ng Diyos. Nangangahulugan ito na ang mga totoong nananalig sa pangalan ng Diyos ay makahihiling sa kaniya ng proteksiyon anumang oras.
Halimbawang puwedeng tularan. Sa Gawa 19:19, may matututuhan tayo sa mga bagong-kumberteng Kristiyano sa Efeso: “Tinipon ng marami sa mga nagsasagawa ng sining ng mahika ang kanilang mga aklat at sinunog ang mga iyon sa harap ng lahat. At tinuos nila nang sama-sama ang halaga ng mga iyon at nasumpungang nagkakahalaga ng limampung libong piraso ng pilak.” * Sinira ng mga Kristiyanong iyon ang lahat ng gamit nila na nauugnay sa espiritismo, kahit napakamahal ng mga ito. Napakalaking tulong sa atin ng halimbawang iyan. Talamak ngayon ang okulto at espiritismo. Kahit ang mga bagay at gawaing may kaugnayan sa espiritismo na waring hindi naman nakakasamâ sa iyo ay puwedeng maging daan ng mga demonyo. Dapat mong sirain o itigil ang mga ito, gaano man ito kamahal o kaimportante sa iyo.—Deuteronomio 18:10-12.
Gaya ng binanggit sa pasimula ng seryeng ito, hindi naniniwala noon si Rogelio sa Diyablo. Pero nang mag-50 anyos siya, nagbago ang paniniwala niya. Bakit? “Noon lang ako nagkaroon ng Bibliya,” ang sabi ni Rogelio. “Nakumbinsi ako ng natutuhan ko sa Kasulatan na mayroon talagang Diyablo. Proteksiyon ko ang kaalamang iyan para hindi niya ako mabiktima.”
“Nakumbinsi ako ng natutuhan ko sa Kasulatan na mayroon talagang Diyablo. Proteksiyon ko ang kaalamang iyan para hindi niya ako mabiktima”
Pinananabikan mo ba ang araw na wala na si Satanas? Inihula ng Kasulatan na darating ang panahon na ang Diyablo, ang isa na nagliligaw sa marami, ay “[ihahagis] sa lawa ng apoy at asupre.” (Apocalipsis 20:10) Siyempre pa, hindi naman tatablan ng literal na apoy at asupre ang isang di-nakikitang espiritung nilalang. Kaya ang lawa ng apoy ay lumalarawan sa walang-hanggang pagkapuksa. Mawawala na si Satanas magpakailanman. Napakasaya ngang panahon iyon para sa mga umiibig sa Diyos!
Samantala, patuloy na mag-aral tungkol kay Jehova at sa kaniyang kalooban. * Isipin ang panahon kapag sa wakas ay talagang masasabi na natin, “Walang Satanas!”
^ par. 8 Kung ang pilak na iyon ay denariong Romano, ang kabuuang halaga ay katumbas ng maghapong kita ng 50,000 karaniwang manggagawa—napakalaki ngang halaga!
^ par. 11 Para sa higit pang impormasyon tungkol kay Satanas at sa espiritismo, tingnan ang kabanata 10 ng aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? Humingi ng kopya sa mga Saksi ni Jehova.