Sagot sa mga Tanong sa Bibliya
Ano ang nag-uudyok sa maraming tao para maniwala na may isang Maylalang?
Isinulat ng isang makata mga 3,000 taon na ang nakalipas: “Sa kakila-kilabot na paraan ay kamangha-mangha ang pagkakagawa sa akin.” (Awit 139:14) Hindi ka ba namamangha kapag pinag-iisipan mo kung paano nabubuo ang isang sanggol mula sa isang selula? Kinikilala ng marami na ang Maylalang ang nagdisenyo ng lahat ng bagay na may buhay.
Ang Isa na lumalang sa uniberso at gumawa ng lupa para tirhan ang siya ring lumalang ng buhay. (Awit 36:9) Nakipag-usap siya sa mga tao at ipinakilala ang kaniyang sarili.
Galing ba tayo sa hayop?
Kung titingnan, ang ating katawan ay kahawig ng sa mga hayop. Pero ito ay dahil sa parehong dinisenyo ng Maylalang ang tao at hayop para mabuhay sa lupa. Nilalang niya ang unang tao, hindi mula sa hayop, kundi mula sa lupa.
Naiiba ang tao mula sa hayop sa dalawang mahalagang dahilan. Una, ang mga tao ay may kakayahang makilala, ibigin, at igalang ang Maylalang. Ikalawa, ang mga hayop ay hindi dinisenyo para mabuhay magpakailanman, samantalang ang mga tao ay gayon ang pagkakadisenyo. Pero ngayon, namamatay ang mga tao dahil tinanggihan ng unang tao ang patnubay ng Maylalang.