Asawang Lalaki —Gawing Tiwasay ang Inyong Tahanan
ANONG uri ng katiwasayan ang dapat ilaan ng lalaki sa kaniyang asawa? Para sa marami, ang pangunahing layunin ng asawang lalaki ay gawing matatag sa pinansiyal ang pamilya. Pero ang ilang asawang babae na sagana sa materyal ay hindi pa rin panatag sa emosyonal
Paano magiging maibiging asawa ang isang lalaki? Ano ang dapat gawin ng asawang lalaki para maging tiwasay ang kanilang tahanan, isang “pahingahang-dako” para sa kaniyang asawa?
ANG AWTORIDAD NG ASAWANG LALAKI AYON SA BIBLIYA
Bagaman ang asawang lalaki at babae ay pantay sa paningin ng Diyos, sinasabi ng Bibliya na ang bawat isa ay may kani-kaniyang papel sa pamilya. Binabanggit ng Roma 7:2 na ang babaeng may asawa ay nasa ilalim ng “kautusan ng kaniyang asawa.” Kung paanong ang mga institusyon ay nag-aatas ng ulo para mangasiwa, inatasan ng Diyos ang asawang lalaki na maging ulo ng kaniyang asawa. (1 Corinto 11:3) Siya ang dapat manguna sa kanilang sambahayan.
Bilang asawang lalaki, paano mo dapat gampanan ang iyong bigay-Diyos na awtoridad? “Patuloy na ibigin ang inyu-inyong asawang babae,” ang sabi ng Bibliya, “kung paanong inibig din ng Kristo ang kongregasyon.” (Efeso 5:25) Oo, bagaman hindi nag-asawa si Jesu-Kristo, makatutulong sa iyo ang halimbawa niya para maging mabuting asawang lalaki. Tingnan natin kung paano.
JESUS —HUWARAN PARA SA MGA ASAWANG LALAKI
Sinikap ni Jesus na aliwin at tulungan ang iba. Nangako si Jesus sa lahat ng napabibigatan ng personal na mga problema at naaapi: “Pumarito kayo sa akin, . . . at pagiginhawahin ko kayo.” (Mateo 11:28, 29) Kadalasan nang pinapawi niya ang kanilang pagdurusa at tinutulungan silang maging malapít kay Jehova. Kaya marami ang napalapít kay Jesus dahil kumbinsido sila na talagang tutulungan niya sila!
Kung paano matutularan ng asawang lalaki si Jesus. Sikaping tulungan ang iyong asawa sa kaniyang mga gawain. Ang ilang asawang babae ay nagrereklamo na gaya ni Rosa: “Parang katulong lang ang tingin sa akin ng asawa ko.” Iba naman ang sinabi ng maligayang asawang lalaki na si Kweku: “Lagi kong tinatanong ang asawa ko kung paano ko siya matutulungan. Dahil mahal ko siya, kusa ko siyang tinutulungan sa mga gawaing bahay.”
Makonsiderasyon si Jesus at may empatiya. Isang kaawa-awang babae ang may nakapipighating sakit sa loob ng 12 taon. Nang marinig niya ang tungkol sa kapangyarihan ni Jesus na gumawa ng himala, “patuloy niyang sinasabi: ‘Kung mahihipo ko kahit man lamang ang kaniyang mga panlabas na kasuutan ay gagaling ako.’ ” Tama siya. Lumapit siya kay Jesus, hinipo ang laylayan ng kaniyang kasuutan, at agad siyang gumaling. Bagaman malamang na naisip ng ilang nagmamasid na ang babaeng ito ay pangahas, naunawaan ni Jesus na gustong-gusto nitong gumaling. * May-kabaitan niyang sinabi: “Anak, . . . magkaroon ka ng mabuting kalusugan mula sa iyong nakapipighating sakit.” Hindi niya ipinahiya o pinagalitan ang babae kundi inunawa niya na may sakit ito. Kaya ipinakita ni Jesus kung anong uri siya ng tao
Kung paano matutularan ng asawang lalaki si Jesus. Kapag hindi maganda ang pakiramdam ng iyong asawa, magpakita ng higit na konsiderasyon at pasensiya. Sikaping unawain ang kaniyang kalagayan. Halimbawa, ganito ang paliwanag ni Ricardo, “Kapag napansin kong madaling mainis ang aking asawa, ingat na ingat akong makapagbitiw ng mga salitang makapagpapasama ng loob niya.”
Nakikipag-usap si Jesus sa kaniyang mga alagad. Maraming bagay ang ipinakipag-usap ni Jesus sa mga kaibigan niya. “Ang lahat ng bagay na narinig ko sa aking Ama ay ipinaalam ko na sa inyo,” ang sabi niya. (Juan 15:15) Totoo na kung minsan ay gusto ni Jesus na mapag-isa para magbulay-bulay at manalangin. Ngunit madalas niyang sinasabi sa kaniyang mga alagad ang niloloob niya. Noong gabi bago siya patayin bilang kriminal, tuwiran niyang sinabi sa kanila na siya ay “lubhang napipighati.” (Mateo 26:38) Kahit na binigo siya ng mga kaibigan niya, kinakausap pa rin niya sila.
Kung paano matutularan ng asawang lalaki si Jesus. Sabihin sa iyong asawa ang nilalaman ng iyong isip at puso. Maaaring magreklamo ang isang babae na ang kaniyang asawa ay mahusay makipag-usap sa iba pero walang kibo sa bahay. Sa kabilang banda, pansinin ang nadarama ni Ana kapag sinasabi ng kaniyang asawa ang niloloob nito. “Damang-dama ko na talagang mahal niya ako,” ang sabi niya, “at mas napapalapít ako sa kaniya.”
Huwag magsawalang-kibo para parusahan ang iyong asawa. “Kapag nagalit sa akin ang mister ko,” ang sabi ng isang babae, “hindi niya ako kakausapin nang ilang araw. Ipinadarama niya na ako ang may kasalanan at wala akong kuwenta.” Sa kaso naman ni Edwin, sinisikap niyang tularan si Jesus. “Kapag naiinis ako, hindi ako nagsasalita agad, pero naghihintay ako ng tamang panahon para pag-usapan namin ito.”
Nakita ni Joy, na binanggit kanina, ang mga pagbabago sa kaniyang asawa mula nang makipag-aral ito ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova. Sinabi niya, “Nagbago na siya at pinagsisikapan na niyang maging mas mapagmahal na asawa bilang pagtulad kay Jesus.” Milyon-milyong mag-asawa ang nakikinabang sa gayong payo ng Bibliya. Gusto mo bang mapabilang sa kanila? Maaari kang humiling sa mga Saksi ni Jehova ng isang libreng pag-aaral sa Bibliya.
^ par. 10 Ayon sa Kautusang Mosaiko, marumi ang babaeng ito dahil sa kaniyang kalagayan, at sinumang hipuin niya ay ituturing na marumi.