Sagot sa mga Tanong sa Bibliya
Posible bang magkaroon ng isang gobyerno na para sa buong mundo?
Isipin kung paano makikinabang ang mga tao sa isang pandaigdig na gobyerno. Marami ang nagdurusa ngayon dahil napakahirap ng buhay nila, samantalang ang iba naman ay sobrang yaman. Pero titiyakin ng isang pandaigdig na gobyernong nakauunawa sa mga sakop nito na ang lahat ay mapaglalaanan. Makagagawa kaya ang mga tao ng ganiyang uri ng gobyerno?—Basahin ang Jeremias 10:23.
Noon pa man, bigo na ang mga gobyerno na ilaan ang pangangailangan ng mga sakop nito, lalo na ng mahihirap. Ang ilang gobyerno ay malupit. (Eclesiastes 4:1; 8:9) Pero nangako ang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat na magtatatag siya ng isang gobyerno na papalit sa lahat ng iba pang gobyerno. Talagang pangangalagaan ng Tagapamahala nito ang mga tao.—Basahin ang Isaias 11:4; Daniel 2:44.
Ano ang maisasakatuparan ng Kaharian ng Diyos?
Pumili ang Diyos na Jehova ng isang Tagapamahala na tamang-tama para dito—ang kaniyang Anak na si Jesus. (Lucas 1:31-33) Noong nasa lupa si Jesus, interesado siya sa pagtulong sa mga tao. At bilang Hari, pagkakaisahin niya ang lahat ng tao sa buong lupa at aalisin ang lahat ng pagdurusa nila.—Basahin ang Awit 72:8, 12-14.
Tatanggapin ba ng lahat si Jesus bilang Tagapamahala? Hindi. Pero matiisin si Jehova. (2 Pedro 3:9) Binibigyan niya ng pagkakataon ang mga tao na tanggapin si Jesus bilang Tagapamahala. Malapit nang alisin ni Jesus ang masasamang tao at gagawin niyang mapayapa at matiwasay ang buong lupa.—Basahin ang Mikas 4:3, 4.