Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

TAMPOK NA PAKSA | INILILIGTAS TAYO NI JESUS—SAAN?

Kamatayan at Pagkabuhay-Muli ni Jesus—Ang Magagawa Nito Para sa Iyo

Kamatayan at Pagkabuhay-Muli ni Jesus—Ang Magagawa Nito Para sa Iyo

“Maniwala ka sa Panginoong Jesus at maliligtas ka.”—Gawa 16:31.

Iyan ang di-malilimutang sinabi nina apostol Pablo at Silas sa isang tagapagbilanggo sa lunsod ng Filipos sa Macedonia. Ano ang ibig nilang sabihin? Para maunawaan kung paanong ang paniniwala kay Jesus ay nauugnay sa kaligtasan mula sa kamatayan, alamin muna natin kung bakit tayo namamatay. Tingnan kung ano ang itinuturo ng Bibliya.

Hindi nilalang ang tao para mamatay

“Kinuha ng Diyos na Jehova ang tao at inilagay siya sa hardin ng Eden upang iyon ay sakahin at ingatan. At ang Diyos na Jehova ay nag-utos din sa tao ng ganito: ‘Mula sa bawat punungkahoy sa hardin ay makakakain ka hanggang masiyahan. Ngunit kung tungkol sa punungkahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama ay huwag kang kakain mula roon, sapagkat sa araw na kumain ka mula roon ay tiyak na mamamatay ka.’”—Genesis 2:15-17.

Inilagay ng Diyos ang unang taong si Adan sa hardin ng Eden, isang paraiso sa lupa na punô ng sari-saring hayop at magagandang pananim. Puwede siyang kumain mula sa mga punungkahoy roon. Gayunman, maliwanag na sinabi ng Diyos na Jehova kay Adan na huwag kakain mula sa isang partikular na punungkahoy. Kapag kumain siya nito, mamamatay siya.

Naunawaan ba ni Adan ang pagbabawal na iyon? Alam niya kung ano ang ibig sabihin ng kamatayan; nakikita niyang namamatay ang mga hayop. Kung nilalang si Adan para mamatay sa bandang huli, magiging walang saysay ang babala ng Diyos. Alam ni Adan na kung susunod siya sa Diyos at hindi kakain mula sa punungkahoy na iyon, mabubuhay siya magpakailanman—hindi siya mamamatay.

Iniisip ng ilan na ang punungkahoy ay sumasagisag sa pagtatalik, pero imposible iyon. Gusto nga ni Jehova na sina Adan at Eva ay ‘magpalaanakin, magpakarami, at punuin nila ang lupa at supilin iyon.’ (Genesis 1:28) Ang ipinagbawal ay isang literal na punungkahoy. Tinawag ito ni Jehova na “punungkahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama” dahil kumakatawan ito sa kaniyang karapatan na magsabi kung ano ang mabuti o masama para sa tao. Kung hindi kinain ni Adan ang bunga ng punungkahoy na iyon, naipakita sana niya na hindi lamang siya masunurin kundi mapagpahalaga rin sa Isa na lumalang sa kaniya at nagbigay ng maraming pagpapala.

Namatay si Adan dahil sumuway siya sa Diyos

“Kay Adan ay sinabi [ng Diyos]: ‘Dahil . . . kumain ka mula sa punungkahoy na may kinalaman doon ay nag-utos ako sa iyo ng ganito, . . . sa pawis ng iyong mukha ay kakain ka ng tinapay hanggang sa ikaw ay bumalik sa lupa, sapagkat mula riyan ka kinuha. Sapagkat ikaw ay alabok at sa alabok ka babalik.’”—Genesis 3:17, 19.

Kumain si Adan mula sa punungkahoy na ipinagbawal sa kaniya. Hindi simpleng bagay ang pagsuway na iyon. Isa itong rebelyon—ang lantarang pagwawalang-bahala sa lahat ng kabutihang ginawa ni Jehova sa kaniya. Nang kainin niya ang bunga, tinalikuran ni Adan si Jehova. Pinili niyang mamuhay nang hiwalay sa Diyos, na hahantong sa kapahamakan.

Gaya ng inihula ni Jehova, namatay nga si Adan. Inanyuan ng Diyos si Adan “mula sa alabok ng lupa” at sinabi sa kaniya na siya ay ‘babalik sa lupa.’ Hindi siya nabuhay sa ibang anyo o sa ibang dako. Nang mamatay siya, wala na siyang buhay gaya ng alabok na pinagkunan sa kaniya.—Genesis 2:7; Eclesiastes 9:5, 10.

Namamatay tayo dahil galing tayo kay Adan

“Sa pamamagitan ng isang tao ang kasalanan ay pumasok sa sanlibutan at ang kamatayan sa pamamagitan ng kasalanan, at sa gayon ang kamatayan ay lumaganap sa lahat ng tao sapagkat silang lahat ay nagkasala.”—Roma 5:12.

Napakalawak ng epekto ng pagsuway—o kasalanan—ni Adan. Dahil dito, naiwala ni Adan hindi lang ang karaniwang 70 o 80 taon ng buhay, kundi ang pag-asang mabuhay magpakailanman. Isa pa, nang magkasala si Adan, naiwala niya ang kasakdalan, kaya tanging di-kasakdalan ang maipamamana niya sa kaniyang mga anak.

Lahat tayo ay mga inapo ni Adan. Gustuhin man natin o hindi, namana natin ang di-sakdal na katawan na madaling magkasala at namamatay. Inilarawan ni Pablo ang ating kalagayan. Isinulat niya: “Ako ay makalaman, ipinagbili sa ilalim ng kasalanan. Miserableng tao ako! Sino ang sasagip sa akin mula sa katawan na dumaranas ng kamatayang ito?” Pagkatapos ay sinagot din ito ni Pablo: “Salamat sa Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Kristo na ating Panginoon!”—Roma 7:14, 24, 25.

Ibinigay ni Jesus ang buhay niya para mabuhay tayo magpakailanman

“Isinugo ng Ama ang kaniyang Anak bilang Tagapagligtas ng sanlibutan.”—1 Juan 4:14.

Gumawa ng paraan ang Diyos na Jehova para maalis ang mga epekto ng kasalanan at mapalaya tayo sa parusang walang-hanggang kamatayan. Paano? Isinugo niya ang kaniyang minamahal na Anak mula sa langit para isilang bilang isang sakdal na taong gaya ni Adan. Pero di-tulad ni Adan, si Jesus ay “hindi . . . nakagawa ng kasalanan.” (1 Pedro 2:22) Dahil sakdal siya, wala siya sa ilalim ng parusang kamatayan at maaari sana siyang mabuhay magpakailanman bilang isang sakdal na tao.

Pero pinahintulutan ni Jehova na patayin si Jesus ng kaniyang mga kaaway. Pagkalipas ng tatlong araw, binuhay siyang muli ni Jehova bilang espiritu para makabalik siya sa langit. Doon, iniharap ni Jesus sa Diyos ang halaga ng kaniyang sakdal na buhay bilang tao upang tubusin ang naiwala ni Adan para sa kaniyang sarili at sa kaniyang mga anak. Tinanggap ni Jehova ang haing iyon kaya posible nang mabuhay nang walang hanggan ang mananampalataya kay Jesus.—Roma 3:23, 24; 1 Juan 2:2.

Sa gayon, tinubos ni Jesus ang naiwala ni Adan. Namatay si Jesus para sa atin upang mabuhay tayo magpakailanman. Sinasabi ng Bibliya na si Jesus ay nagdusa ng kamatayan “upang sa pamamagitan ng di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos ay matikman niya ang kamatayan para sa bawat tao.”—Hebreo 2:9.

Napakaraming isinisiwalat tungkol kay Jehova ng paglalaang ito. Dahil mataas ang pamantayan niya ng katarungan, imposibleng matubos ng di-sakdal na mga tao ang kanilang sarili. Gayunman, pinakilos siya ng kaniyang pag-ibig at awa na sundin ang kaniyang pamantayan kahit na kailangan niyang magsakripisyo nang malaki—ibigay ang kaniya mismong Anak bilang pantubos.—Roma 5:6-8.

Si Jesus ay binuhay-muli mula sa mga patay, at bubuhayin din ang iba

“Si Kristo nga ay ibinangon mula sa mga patay, ang unang bunga niyaong mga natulog na sa kamatayan. Sapagkat yamang ang kamatayan ay sa pamamagitan ng isang tao, ang pagkabuhay-muli ng mga patay ay sa pamamagitan din ng isang tao. Sapagkat kung paanong kay Adan ang lahat ay namamatay, gayundin naman kay Kristo ang lahat ay bubuhayin.”—1 Corinto 15:20-22.

Walang alinlangang si Jesus ay nabuhay at namatay, pero ano ang katibayan na binuhay nga siyang muli mula sa mga patay? Kabilang sa pinakamatibay na ebidensiya ay ang pagpapakita ng binuhay-muling si Jesus sa maraming tao sa iba’t ibang okasyon at lugar. Minsan, nagpakita siya sa mahigit 500 tao. Binanggit ito ni apostol Pablo sa kaniyang liham sa mga taga-Corinto, na sinasabing ang ilan sa mga nakasaksi ay buháy pa—ibig sabihin, makapagpapatotoo pa sila sa kanilang nakita at narinig.—1 Corinto 15:3-8.

Kapansin-pansin, nang sabihin ni Pablo na si Kristo ang “unang bunga” ng mga binuhay-muli, ipinahihiwatig niya na may mga susunod pang bubuhaying muli. Sinabi mismo ni Jesus na darating ang panahon na ang “lahat ng nasa mga alaalang libingan ay . . . lalabas.”—Juan 5:28, 29.

Upang mabuhay magpakailanman, dapat tayong manampalataya kay Jesus

“Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan anupat ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang bawat isa na nananampalataya sa kaniya ay hindi mapuksa kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.”—Juan 3:16.

Sinasabi ng unang aklat ng Bibliya ang tungkol sa panahon kung kailan nagsimulang magkaroon ng kamatayan at naiwala ang Paraiso. Sinasabi naman ng huling aklat ng Bibliya ang tungkol sa panahon kung kailan papawiin ang kamatayan at isasauli ng Diyos ang Paraiso sa lupa. Sa panahong iyon, ang mga tao ay maaari nang magkaroon ng maligaya at makabuluhang buhay magpakailanman. Sinasabi ng Apocalipsis 21:4: “Hindi na magkakaroon ng kamatayan.” Para idiin na maaasahan ang pangakong iyan, sinasabi ng talata 5: “Ang mga salitang ito ay tapat at totoo.” Anuman ang ipangako ni Jehova, kayang-kaya niyang tuparin iyon.

Naniniwala ka bang “ang mga salitang ito ay tapat at totoo”? Kung gayon, alamin ang higit pa tungkol kay Jesu-Kristo, at manampalataya sa kaniya. Kung gagawin mo iyan, makakamit mo ang pagsang-ayon ni Jehova. Hindi ka lang magtatamasa ng maraming pagpapala ngayon kundi maaari ka ring mabuhay nang walang hanggan sa Paraisong lupa, kung saan “hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man.”